tulad ng cliffhanger, ang istorya ng bawat bilanggong pulitikal 
 ay hindi natatapos sa pagitan ng kinakalawang na selda, 
 ito ay hihimok sa lahat na mas mangahas makibaka 
 laban sa sistemang daig pa ang nabubulok na bangkay—ang estado. 
  
 makibaka, ‘wag matakot 
 laging paghihimutok 
 ng bawat hiningang sumusuntok 
 para gisingin ang mga inaantok;
 itinaas ang panawagan ngunit baril ang tinutok 
 martsa sa lansangan at dampot ang inabot 
 hinaing ng masa ang tatahakin ngunit 
 posas sa kamay ang tunguhin
  
 bakit sa bawat paglaban dahas at piit ang galawan?
 lansangang tahanan ng libu-libong hustisya 
 unang sigwa, sa huli walang awa 
 sunud-sunod na paghiwa 
 para paduguin 
        durugin ang berdugong diktaturya 
 mahimbing mula sa manggagawa 
 alas tres ng madaling araw akala mo mga magnanakaw 
 alerto at ngangawngaw—
  
 nandyan na sila 
              hahablutin ka nila 
 na 'kala mo nasa madilim kang iskinita…
                                               kumakaripas 
                                                            kisap-mata 
                                                                        humaharurot 
 
       walang preno-preno; red beater 
                                                                     takbo
                                                                         tutok 
                                                                           dumapa ka! 
  
  



           ambilis
                         bilis 
                                   bilis 
                                            bilis ninyong magtanim 
                                                                          ng ebidensiya  
 
  



                                          pero ‘pag hustisya na ang sisingilin 
  
                                                                          ang 
                                                                          bagal 
                                                                          tumigil 
                                                                          ng oras
  






 ngunit hindi rito natatapos 

 ang kwento nila 
 
 kwento mo 
 kwento natin 
 kwento ng isang 
 magsasaka, manggagawa, kababaihan,
 sa may piniling kasarian 
  
 kung kaya't ang kwento nilang cliffhanger 

 sa pelikula ay 
 hindi natatapos sa pagkakulong 
 sa kinakalawang na selda 

hindi natatapos 

 sa pagtigil 
 sa pagkilos 
 at paghimok 
 na mag-organisa 
 hindi natatapos sa radikal na tunguhin 
 ng pagpapahayag 
 hindi natatapos sa pagdakip 
 ang di pagtuloy ng rebolusyon
 hindi natatapos at walang panapos 
 ang bawat huling salita ng kanilang kwento 
  
 dakpin. 
            busalan. 
 takpan. 
            tapakan. 
 harangan. 
            pigilan. 
 inagawan. 
            pinatay. 

 ito ay panimulang pambati lamang sa mga katanungang..... 
            ilang awit pa ba ang susulatin? 
            at mga panawagang uulit-ulitin? 
            ilang pagtatanghal pa ba ang tatanghalin? 
            ilang mukha pa ba ang guguhitin? 
            lamat na ilang beses uukitin? 
            kailan kaya susulitin?           
            ang kalayaang ipinaglalaban natin? 
 
 ang kwento nilang mala-pelikulang maneobra 
 at walang hanggang pagbibigay 
 ng pagkagiliw sa mangahas 
 na pakikibaka ang kwento nila 
 ang pagkulong ay ang pagdaluyong 
 ng mga panibagong militante 
 dugong salinglahi handang tumangan 
 at sumulong sa pahamak ang pagkauhaw 
 ng dugo, ng demonyong kaaway 
 ay tatapatan natin ng lubos na mapagpalayang militansiya 
 na dudurog sa kanilang hanay.
  
 kung naghihimutok sa inis ng kaaway 
 sa pagpapakilos ng masang anakpawis, 
 hahayaan nating pumutok ang bawat ugat sa kanilang katawan sa sobrang galit 
  
 kung kasalanan man sa diyos ang lumaban 
 mas hihigitan natin ang init ng impyerno sa alab ng ating paglaban 



Cliffhanger is a spoken word delivered by Donald Navayra of Kabataan Partylist Metro Manila to extend solidarity in the “Tuloy Lang, Laban Lang” benefit gig in celebration of Manila Today editor Lady Ann Salem’s birthday on March 3.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here