Dalawampu’t limang taon mula nang unang sumibol, patuloy pa ring namumukadkad ang Rosas ng Digma: Mga Awit ng Pag-ibig at Pakikibaka ng MusikangBayan, At ngayong Buwan ng Sining at mga Puso, muli nating balikan ang album na nagbigay tinig sa mga pusong umiibig habang patuloy na nakikibaka.

Opisyal na naitatag ang MusikangBayan noong 2002, kasama sina Danny Fabella, Levy Abad at Empiel Palma. Ito’y kasunod ng paglabas ng Rosas ng Digma noong nakaraang taon, bagamat 1997 pa isinulat ni Fabella ang title track. 

Naging paboritong love song ng mga tibak ang RND, na tampok sa pelikulang Sigwa ni Joel Lamangan sa Cinemalaya noong 2010, at madalas ding marinig noon sa UR 105.9 FM. 

Ipinapahayag nito ang paghanga ng mang-aawit sa kapwa mandirigma, gaya ng sinasabi sa koro: “Ako’y nangangarap na ika’y makasama / Taglay ang pangakong iingatan kita / Ang ganda mong nahubog sa piling ng masa / Hinding hindi kukupas, di malalanta.”

May English track din ang album—ang I Could Have Said, na nagsasalaysay ng panghihinayang sa hindi naipahayag na damdamin para sa minamahal na ngayo’y nasa kabundukan na’t naglilingkod sa bayan.

Parang one-two punch naman ang Sana at Kahit Kailan ni Levy Abad. Ang una’y pagnanais na makasama ang minamahal sa pakikibaka at paglikha ng mga awit; ang huli nama’y panata ng walang hanggang pag-ibig sa kabila ng mga pagsubok.

Tagos sa puso ang Ikaw ay Sapat, sinulat ni Prestoline Suyat at inawit ni Lou Mendez, na nagsasabing sapat na ang minamahal, bagamat magkahiwalay, upang magpatuloy sa pagkilos. Samantala, ang Kahit Ngayon Lang ay kuwento ng dalawang magsing-irog na tila matagal nang magkaugnay dahil sa iisang mithiin, kahit kamakailan lang nagkakilala.

Dahil pag-ibig at pakikibaka ang tema ng album, nariyan din ang awiting pangkasal na Iisa, na may iconic na opening line: “Ihaharap kita sa bandilang pula,” habang ipaghehele ka naman ng Sa Duyan ng Digma, unang love song na isinulat ni Danny Fabella noong 1993. Kasama rin sa album ang Kundiman at Rebolusyon, Laging May Pag-asa, at ang instrumental ng RND—Ang Pagniniig.

Makalipas ang 25 taon, nanatiling matalas ang Rosas ng Digma bilang testamento ng makabayang sining at paninindigan ng MusikangBayan. Ipinapaalala nito na ang pag-ibig at pakikibaka ay magkaugnay—na ang alab ng pagmamahalan ay nagsisilbing apoy upang ipagpatuloy ang paglaban.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here