Tuwing Marso 21, ipinagdiriwang ang World Poetry Day upang kilalanin ang papel ng pagtula bilang isang mahalagang anyo ng kultural na pagpapahayag. Ngunit higit sa estetika, ang tula ay may mas malalim na tungkulin. Sa panahon ng ligalig, talamak na katiwalian, at kawalan ng hustisya, ang makata ay nagsisilbing boses ng katotohanan at tagapukaw ng mga damdaming nahihimbing.
Sa makabagong panahon, muling sumigla ang tradisyon ng pagtula sa pamamagitan ng spoken word poetry at paglalapat nito sa musika. Bukod sa malikhaing paghabi ng mga salita at indayog ng pagbigkas, nagsisibi rin itong plataporma ng protesta at mikropono para sa mga sektor na matagal nang pinagkaitan ng boses.
Narito ang labindalawang piling piyesa para sa Pandaigdigang Araw ng Tula:
“Siba” – The Poetics
Isang matalas at napapanahong paglalarawan ng pagdurusa ng mamamayan, habang patuloy na nagpapakasasa sa yaman ng bayan ang masisibang opisyal ng pamahalaan.
“Kung Ano Ang Meron” – Radioactive Sago Project
Mula sa Huling Balita (Songs for the Disappeared), walang prenong binanatan ni Lourd de Veyra ang malubhang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.
“Converse” – Jerry Gracio
Bagaman nakaugat sa personal na karanasan—isang pag-alala sa yumaong kapatid na dahil sa kahirapan ay sa kahon ng sapatos lamang inilagak—sinasalamin ng tula ang bulok na sistemang panlipunan at ang kawalan ng dangal sa kamatayan.
“Hindi Na Lamang Ako Tutula” – Stum Casia
Isang mapanghamong interpretasyon sa tula ni Alexander Martin Remollino, kung saan mas pinili ng makata na isiwalat ang katotohanan sa halip na makahon sa hungkag na romantisismo.
“Mga Kapitbahay” – DJ Baliwatmay Zaltic
Bilang alegorya, pinapakita nito na ang tunay na “hayop” sa lipunan ay hindi ang mga nilalang na hayop, kundi ang mga taong gumagawa ng karumaldumal na krimen—gaya ng mga pumaslang kay Kian delos Santos.
“Tugma ng Laya” – Juan Isip
Mula sa panulat ni Joel Costa Malabanan at musika ni Bobby Balingit, ito ay isang panata sa paggamit ng tula bilang sandata ng pakikibaka para sa tunay at ganap na kalayaan—maging ang kapalit man ay sariling buhay.
“Ano Ang Aming Kasalanan?” – The Axel Pinpin Propaganda Machine
Inilabas sa kasagsagsan ng pandemya noong 2020, kinukuwestiyon nito ang mga patakaran ng gobyerno na pilit binabansagang terorista ang mga mamamayang iginigiit lamang ang kanilang karapatan.
“Madaling Araw” – Mayo Uno Martin
Gamit ang matatalim na talinghaga, sinasalamin ng tula ang malagim na realidad ng karahasan at masalimuot na buhay ng mga maralita sa lungsod.
“Eksenang Tahimik” – Jess Santiago
Tinatalakay ng kanta ang karahasang estado sa bansa, kung saan ang gabi ay hindi nangangahulugan ng kapayapaan, kundi nagsisilbing bingi at bulag na saksi sa mga buhay na ninanakaw sa dilim.
“Gatilyo” – BLKD x UMPH
Hindi lang ito basta rap kundi isang daluyong na tumitibag sa lambong ng mga palsong kamalayan at naglalantad sa sistemang bumubulag sa sambayanan.
“Walang Kalabaw sa Cubao” – Ericson Acosta
Sa kapangyarihan ng metapora, masinsing ipininta ng makata—sa mata ng isang komyuter—ang larawan ng Cubao at ang mga kontradiksiyong nakapaloob dito.
“Peligroso” – Kerima Lorena Tariman
Mismong ang may-akda ang nagpatotoo sa peligrong tinutukukoy sa tula, nang siya—tulad ni Ericson Acosta—ay paslangin ng pasistang militar dahil sa paninindigan at pakikiisa sa masa.





























