Paano Ihahatid sa Dulo

Sa simula pa lamang hindi na matanaw,
dulot ng
distansyang pumapagitan
mahahabang patlang na pumapagitna.

Sa una pa lang hindi na babalakin pa,
dahil sa
kuwentong ikinulong sa karahasan
pinatahimik ng kaguluhan.

At ang lahat ng ito,
hindi hanggang dito na lamang.

Paano kung ipapadala,
Paano kung may dadalhin
sa lugar na hindi minsang iniisip.

Paano tatanggapin ang pagkakapili
Paano sisimulan,
ang pagsalubong sa takot
ang pagpawi sa balisang pamilya
kung ang patutunguhan ay taliwas sa daan.

Sa lungsod natutong mamulat at matuto,
naging pamantayan ang sarili sa paghusga.
Ibang iba sa pupuntahan,
sa bayang tuyot
sa bayang inilayo
malayong malayo sa karanasang nabuo.

Mula man sa magkabilang mundo,
Ihahatid sa kapwa guro,
Isang mapagpalayang turong
hindi nakatali sa paniniwala
hindi nagmamarka sa pagkakaiba.

Sa dalawang lunan na pinagtagpo,
naging pantay ang maging guro
naging lundayan ang mga naratibo
sa pag-uugnay ng magkaibang paniniwala.

Lumayo sa sentro,
imapa ang karanasan ng mga inilayo.
Itanghal ang nawala,
isulat ang tinig ng napag-iwanan.
Dahil ang tunay na kaalaman,
pinagtatagpo ang magkabilang dulo.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here