*Salitang Buhid Mangyan para sa Panday

 

Ikaw ang Fanday
naging salalayan
ng katutubong maláy sa’yong saysay,
sanlibung tingga,
minaso- binigyan ng mukha,
hinasa-matinding pag-unawa,
minsa’y yumuyuko,
napaiiling- napapagod
sa bawat pagkakataon na walang kibo ang pangako,
nasaan ang dapat?
sa mga payak na pangarap,
sa mga di naman iba
sa bansang sulirani’y
paano
makapanlalamang
makalulusot
makatatakbo
nakapalumpon sa tayutay ng
nangako,
nanalo,
nakalimot

Ikaw ang Fanday,

Pinababaga ng paglilingkod,
sa mamamayan ng iba’t ibang sitio,
katutubo man o loktanon
Pinupukpok ng pagsubok,
tagal ng paghihintay ng tulay sa ilog,
sapang nananahimik sa  kalagayan ng putikang paa ng mga guro,
sa nangangalyong paa sa madaling araw na paglalakad ng mga batang ginagalugad- katotohanan sa likod ng silid-aralang walang upuan ni’ dingding na tabla,
sa pagkapit sa kamalayang
ang pagkatuto ay paglaya

Pinatatalim ng mga bakit,
di’ maangkin ninunong lupain,
naging saksi ng masaganang ani,
busilak na kultura
tangan ng kaisipang nakaugat sa pagpapahalaga,
sa kinagisnang  tahanan
sa maraming tagpuan ng karanasang lumikha ng kaalaman.

Fanday,

Batid kong matalim ang iyong likhang gulok,
wag bahiran ng dugo,
sapagkat di’ nararapat sa mga tuso ang puso.

Mabuti at patas si Afu-Dagang nagiging pataba ang nabubulok na utak at laman ng mga gahaman.

 

Sitio Tagaskan, Brgy. San Vicente,
Roxas, Oriental Mindoro

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here