Kung hahanapan ko
ng lunas ang sakit,
dadampian kita ng masuyong halik,
sa noo – nang maramdaman ko
alimpuyo ng init sa katawan mo
rebolusyon ng mikrobyong ‘di malunasan
halik ang pang-ampat sa ‘yong agam-agam.

 

Kung hahanapan ko
ng lunas ang sakit,
kipkip ko sa ‘king kamay
ang ‘yong mga palad,
hihigpitan ko ang pagkakahawak
upang iparamdam sa bingit
ng walang katiyakan
ay hindi ko bibitawan,
gatla ng kapalarang nakaguhit
sa ‘yong kamay;
kaya’t may dahilan ang mabuhay,
may dahilang magpatuloy,
kalmado tayong magkahawak
kahit pa nananaghoy.

 

Kung hahanapan ko
ng lunas ang sakit,
pakikinggan ko ang pintig
sa iyong dibdib;
sapagkat ‘di magsisinungaling
ang ‘yong puso sa tunay mong karamdaman;
higit sa iniinda ng katawan,
may sugat din ang ‘yong kaluluwa;
kaya’t mailap sa’yo ang pag-asa,
ang panghihina ng katawan,
ay panghihina ng kalooban;
kaya’t hahanapin ko
ang lunas ng puso sa puso
sapagkat, bulong ang bawat ipinipintig
ng kabanal-banalang nananahan
sa ating mga dibdib!

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here