Tulad sa isang pulseras na unti-unting pinaliliit para gawing masikip sa iyong pulso, ganoon na lamang din kapag unti-unting inaalis ang isa sa iyong mga karapatan. Parang ipit o kaya’y hindi kumportable sa pakiramdam.

Sa katunayan, ang ganitong pagyurak at pagtanggal sa karapatan ay maituturing nang karahasan. Ngunit paano kung ang karahasang ito ay isinasagawa pa sa marahas ding pamamaraan?

Ayon sa Karapatan, higit 696 ang mga bilanggong pulitikal na nakakulong sa iba’t ibang pasilidad ng detensyon sa buong bansa. 163 sa kanila ay inaresto sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Dagdag pa rito ang aabot sa 134 na extra-judicial killings (EJK); 15 sapilitang pagkawala; 822 arbitraryong pag-aresto; 577 sapilitan o pekeng pagsuko; 70,028 kaso ng walang patumanggang pagpapaputok; at 57,156 kaso ng walang patumanggang pambobomba. Mayroon ding 48,247 biktima ng sapilitang ebakwasyon at milyun-milyong biktima ng pananakot, harassment, at intimidasyon, kabilang na ang red-tagging.

Habi ng paglaban

Sa likod ng mga rehas, natutunan ng mga bilanggong pulitikal na gamitin ang sining at handicraft bilang pamamaraan upang maipahayag ang kanilang saloobin at paninindigan. Nagsisilbi rin itong praktikal na kabuhayan sa araw-araw na pangangailangan sa loob ng selda.

Iba’t ibang human rights groups tulad ng SELDA, Karapatan, Hustisya, at Desaparecidos ang tumutuwang sa pagpapalaganap ng kanilang mga likha kaalinsabay ng panawagan sa kanilang agarang pagpapalaya.

“Makikita na hindi lamang ang matinding kondisyon sa loob ng kulungan kundi pati ang malikhaing paraan ng mga bilanggong pulitikal para ipaglaban ang karapatan at kumita sa pamamagitan ng kanilang mga handicraft. Bawat piraso, maging ito man ay sinulid na pulseras o wallet na hinabi sa kamay, ay may dalang kwento ng paninindigan at paglaban kahit nasa likod ng rehas,” ayon sa Karapatan National Capital Region.

Hindi naiiba ang karanasan ni Edzel Santos, 20 taong gulang, gumagawa at nagbebenta ng mga pulseras upang mapunan ang pangangailangan. Kabilang si Edzel sa mahigit sa 200 katao ang marahas at iligal na dinampot at inaresto ng kapulisan sa ilalim ng Manila Police District (MPD) noong Setyembre 21 sa tinaguriang Baha sa Luneta.

Sampung araw makalipas noong Oktubre 1, nakalaya si Edzel sa tulong ng iba’t ibang abogado mula sa NUPL, Sentro para sa Tunay Repormang Agraryo (SENTRA), at Public Interest Law Center (PILC), na nagbibigay ng tulong at proteksyon sa human rights defenders. Ngunit para kay Edzel, hindi pa rin niya tiyak ang kanyang kaligtasan bunsod ng nagpapatuloy ang mga akusasyon at kaso laban sa kaniya. 

Sa pag-alala ni Edzel noong mga araw na iyon, nilantad niya ang pwersahang pagdakip at pag-aresto ng mga kapulisan sa ilalim ng Manila Police District (MPD). Habang nasa kustodiya ng MPD ay naranasan niya, gayundin ng iba pang inaresto, ang iba’t ibang pamamaraan ng pandarahas at torture. Hindi rin niya malilimutan nang sakluban siya ng bag sa ulo na nagsanhi upang mahirapan itong huminga.

Matatandaang napukaw ni Edzel ang atensyon ng mga netizen sa bidyo na kuha bago pa siya arestuhin kung saan ipinahayag niya ang kaniyang galit kaugnay ng matinding korapsyon sa bansa. Aniya, “Kami lubog na lubog sa baha, sila nasa mataas. Paano kaming nasa baba? Kahit silipin nila kami, ‘te, hindi nila kami matatanaw kasi sobrang taas nila.” 

Sa kasalukuyan, nahaharap si Edzel sa mga kasong tumults and other disturbances of public order. May dagdag ding kaso laban sa kanya tulad ng arson.

“Tinanggalan na nila ako ng karapatang pantao. Naranasan ko yung iligal na pang-aaresto, torture, at yung pilit na pagpapaamin sa hindi ko naman ginawa. Hindi ko naman alam kung anong kasalanan ko dahil pinaglalaban ko lang naman ang karaptan ko bilang tao,” aniya.

Noong Disyembre 10, isa ulit si Edzel sa mga dumalo kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day. Tulad ng mga bilanggong pulitikal, nagbebenta siya ng mga gawang pulseras upang maitaguyod ang mga pangangailangan sa pagharap sa mga akusasyon at paratang laban sa kanya.

“Ngayon, may ibinebenta akong bracelet na sarili kong gawa para pandagdag sa pangangailangan ko sa pagharap sa mga susunod na mga hearing at iba pa,” ani Edzel.

Nagpapatuloy naman ang panawagan ng Karaptan NCR para sa paglikom ng donasyon sa kalagayan ng Mendiola 216 na mga biktima ng karahasan at iligal na pag-aresto kung saan kasama rito Edzel. Ang malilikom na pera ay ilalaan sa pagtulong sa kanilang mga gastusin tulad ng pagkain, gamot, at suportang legal. 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here