Sa kanyang pagtawid sa kabila,
ito na pala ang hangganan.

Itaas ang kamay at ikaw ay dumapa
yung lapat sa lupa
ang mga kamay na hindi alam kung ano ginawa
ang paang nagkamali ng hakbang
Bawal kang magsalita
“Wala akong pakialam kahit may baril ka”
Putangina! Mali ka nang binangga

Tutukan ang nasa labas
Barilin ang magsalita
Kalabit ang magiging hudyat ng katapusan.
Walang kapkapan
‘Di uso ang tanungan
Wala mang ginawa, basta barilin mo na lang.

Wala nang ligtas
Ang mga katawang nag-aalinlangan
Mahuli sa labas ay tiyak na ‘di na muli makakapasok
Sa kanilang pagtutok
ng baril
na kahit kanino puputok
Sino mang manghimok
Pasok
Sa listahang inabot
Lunok
Sa pagbalot ng kilabot
Ng mga putok
na kumatok
sa kung sino mang-udyok
Susuksok
Sa kalamnan
Sa sentido
At kung saan nila matipuhan,
Ang mga balang walang kinikilala

Silang mga halang ang kaluluwa,
walang lugar ang pagmamakaawa
Ilag sa mga sigaw na “dapat kinapkapan niyo na muna”
Nakalimutan na tao rin ang kinakalaban nila.

At sa huli,
Nagtapos sa dalawang putok

Walang usapan
Walang tanungan
walang kapkapan

At sa kanyang muling pagtawid sa kabila,
papunta ng kabilang buhay.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here