Kasama ang iba’t ibang sektor, lumahok ang mga manggagawa ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. (SMILSI) mula sa Santa Rosa, Laguna sa SONA ng Bayan 2026 at nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City noong Hulyo 27.
Bahagi ito ng patuloy nilang pakikibaka matapos silang tanggalan ng hanapbuhay tatlong linggo bago ang pagtitipon.
Mahigit 800 manggagawa ang tinanggalan ng trabaho
Ayon kay Rogen Flotildes, 40 anyos, lider ng unyon, naglabas ang kumpanya ng abiso na ilalagay ang 800 na manggagawa sa “floating status” kung saan wala silang makukuhang sahod at benepisyo.
Noong Hulyo 6, tuluyan na silang hindi pinapasok at tinanggal sa trabaho matapos hindi manalo ang kumpanya sa bidding para sa operasyon nito sa warehouse, transport, at bundling.
“Ang kalagayan namin sa loob ng pagawaan, kami ay tinanggal na wala man lang dayalogo. Noong July 4, 5, at 6, nagkaroon sila ng pag-uusap na magkakaroon ng temporary layoff. Pagdating ng Sabado ay tuluyan na kaming hindi pinapasok,” paliwanag ni Flotildes.


Dagdag pa niya, tatlong beses na silang dumalo sa hearing sa Department of Labor and Employment (DOLE) at National Conciliation and Mediation Board (NCMB) sa Laguna, ngunit wala pa ring tiyak na kasagutan sa kanilang sitwasyon.
“Ang kanilang sagot, gagawa lang sila ng best effort. Maliban doon, wala silang desisyon na malinaw kung ano ba talaga ang mangyayari sa amin, kung bibigyan pa ba kami ng trabaho,” saad niya.
Isa ang SMILSI sa malalaking kumpanya sa larangan ng logistika. Hawak nila ang dry at cold goods, gayundin ang mga ready-to-eat na produkto para sa mga kilalang brand tulad ng Magnolia at Purefoods, sa ilalim ng higanteng korporasyong San Miguel Corporation (SMC).
“Kami po ay regular na manggagawa sa loob ng pagawaan. Halos pito, walong taon naglingkod nang direkta sa San Miguel. Kaya po kami ngayon nandito, iba’t ibang sektor ang kinakausap namin, para sa karapatang maibalik kami sa loob ng pagawaan,” ani Flotildes.
Ang SMC ay pagmamay-ari ni Ramon Ang, kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa listahan ng Forbes ng mga pinakamayamang Pilipino ngayong 2026, na may tinatayang yaman na $3.6 bilyon.
Gayundin, proyekto ng SMC ang Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP), na naging sanhi ng pagkabuwag ng mga taniman ng tahong sa Navotas. Dahil dito, napipilitang lumaot sa Bulacan at Bataan ang mga mangingisda ng Navotas, na nagresulta sa mas mataas na gastos sa gasolina at mas kaunting ani.
“Ang aming kumpanya ay talagang walang habas na nagtanggal ng mga manggagawa, at wala man lang aksyon hanggang ngayon,” dagdag pa niya.
Malaking dagok para sa mga apektadong manggagawa ang pagkawala ng kanilang trabaho. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, iniinda nila ang kawalan ng pantustos at pangsuporta para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
“Kaya ang aming hangarin, kaming 800 na manggagawa na nawalan ng hanapbuhay ay hangad talaga namin na makabalik sa loob ng pagawaan,” saad ni Flotildes.
House Resolution 1228, inihain sa Kongreso
“Magfa-file kami ng resolution sa House of Representatives para mapaimbestigahan yung malawakang tanggalan sa loob ng pagawaan ng SMILSI,” aniya.
Kanina, inihain ng Makabayan Bloc ang House Resolution 1228, na naglalayong imbestigahan ng Kongreso ang unfair labor practice, union busting, paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at mass layoff na ginawa ng SMILSI.
“Sa pamamagitan nito, mailahad namin ang aming kalagayan at maitambol ang aming karapatan. At maipakita na kami po ay manggagawang lumalaban para sa aming karapatan,” giit ni Flotildes.




























