Sa Pilipinas, makikita ang lantarang pustura ng isang estadong patuloy na nangangayupapa sa kapangyarihan ng mga dayuhan at dambuhalang kumpanya sa halip na manindigan para sa interes ng mamamayan.

Sa National Capital Region (NCR), patuloy pa ring naghihikahos ang milyun-milyong pamilya dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin ngunit nananatiling barat ang sahod. Ayon sa sarbey ng Social Weather Station (SWS) noong taong 2025, kalahati ng populasyon ng bansa ang itinuturing ang sarili bilang mahirap na umaabot sa halos 12% kada 1,500 tao. Ang estadistikang ito ay taliwas sa kwalipikasyon ng Pilipinas, na ayon sa World Bank, ay nasa Upper-Middle-Income Country na mayroong $4,850 income per capita. 

Dagdag pa rito, tatlong milyon mula sa kabuoang bilang na 4.5 milyong Pilipino na walang maayos na tirahan ang nasa NCR. Sa patuloy na paghihirap ng masa, umaabot naman sa 100% ang puwedeng maging ari-arian ng mga dayuhan sa ating bansa. At ayon sa RA 12252, 99 taong walang patid maaaring mangupahan sa mga pribadong lupa ang mga dayuhang investor

Habang patuloy na yumayaman ang mga dayuhan sa lupa ng bansa, patuloy namang naghihirap ang masa. 

Noong Hulyo 27, nagbigay ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan muling naghugas-kamay at buhat bangko na naman para para bigyang-pansin ang umano’y “tagumpay” ng kanyang administrasyon sa ikaapat na taong panunungkulan. 

Ngunit sa kabila nito, may sariling SONA ang taumbayan. 

Sa gitna ng matinding sikat ng araw sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, taas-kamaong nagmartsa ang laksa-laksang progresibong grupo ng manggagawa, maralita, kababaihan, at kabataan mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Taliwas sa itinurang mga tagumpay ni Marcos Jr., giit ng taumbayan na tanging mga dayuhan, burukrata kapitalista, at malalaking negosyante ang nakikinabang sa mga dambuhalang proyekto at nakararamdam ng “pag-unlad” mula rito. 

Sa realidad ng mga maralita, malayo ang sinasabing “pag-unlad” na ito sa kanilang sikmura. 

“Marcos, resign!” 

“Resign! ‘Yun po ang pinaka-the best. Mag-resign sila,” ani Sereña Cabrera, 61, na may abot-langit na ngiti nang ibahagi ang kaniyang mensahe para kay Marcos Jr. sa gitna ng SONA ng Bayan.

Naninirahan si Cabrera sa isang komunidad sa bahaging Biazon, malapit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, na humaharap sa banta ng demolisyon. Dagdag pa niya, hanggang 2028 na lamang sila maaaring manatili sa komunidad dahil malapit nang simulan ang konstruksiyon ng kalsada. 

Matagal nang sinimulan ang malawakang demolisyon sa mga komunidad sa NBP na pinangunahan ng Bureau of Corrections (BuCor). Noong 2019, binigyan lamang ng 15 na araw ang mga residenteng umalis dahil mapanganib umano ang lugar dahil malapit sa Bilibid. Noon pa man, panawagan na ng mga residente na mabigyan sila ng maayos at abot-kayang tirahan.

Noong 2021, nagpatuloy pa rin sa demolisyon ang BuCor kung kaya’t nag-isyu ng resolusyon ang Local Government Unit ng Muntinlupa na agarang itigil ang mga aktibidad sa demolisyon at pagpapalayas ng mga residente sa lugar. 

Bitbit ang galit sa paulit-ulit at malawakang demolisyong kalbaryo ng maralita, tuloy-tuloy rin ang pakikibahagi ni Cabrera sa mga pagkilos gaya ng SONA ng Bayan upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa maayos, ligtas, at makataong paninirahan. 

Bukod sa maayos na tirahan, panawagan din niya ang P1,200 minimum wage dahil ito ang sahod na nakabubuhay ng pamilya. 

“Parang hindi tayo kasali doon e [sa SONA]. Kasi yung programa niya, saan ba siya nakatuon? ‘Di ba nakatuon lang siya kung saan siya nakikinabang, kagaya ng sa US. Samantalang napakalawak ng demolisyon, wala nang mga trabaho. Hindi siya nakatuon sa mahihirap,” dagdag ni Cabrera. 

“Kung hindi kami mamamasura, hindi naman kami kakain.” 

Iyan ang sambit ni Rolando Acosta, 60, na residente ng Smokey Mountain sa Tondo, Manila. Labindalawang taon pa lamang siya nang magsimulang mangalakal. Para sa kanilang pamilya, ito na lamang ang kanilang ikinabubuhay sa hirap ng kalagayan. 

Sa loob ng isang araw, P60 hanggang P120 lamang ang kinikita ni Acosta at kanyang asawa sa pamamasura at pangangalakal. Aniya, hindi ito sapat sa pang-araw-araw lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kung minsan, masuwerte na sila kung bibigyan ng bente o singkwenta ng mga nagpapatapon, o kaya ay maabutan ng tirang kanin.

Sa Smokey Mountain, kung saan nakatayo ang bundok ng deka-dekadang tambak ng basura, naninirahan ang mga residenteng ilang beses nang humarap sa banta ng demolisyon. 

Mahaba na ang kasaysayan ng usapin sa katiyakan sa paninirahan sa Smokey Mountain kung saan marami na ang kaso ng marahas at malawakang pagpapapalayas sa ngalan ng sinasabing proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan. Noong administrasyon ng diktador na si Marcos Sr., naging pangunahing tambakan ng basura ng iba’t ibang panig ng NCR ang Smokey Mountain na nagpalayas sa mga mangingisdang orihinal na nakatira dito. Ngayong ang anak niyang si Bongbong ang nakaupo, itinutulak naman ang pagtatayo ng waste-to-energy incinerator sa lugar dahilan upang muling maging banta sa mga residente deka-dekada nang naninirahan dito.

Ganito rin ang sentimyento ni Nemencio Soriano na isa ring residente ng Smokey Mountain. Para sa kaniya, hindi makatarungan ang demolisyon dahil matagal na silang nakatira doon. 

“Huwag na sana ituloy ‘yong pagpapatayo ng incinerator sa Smokey. ‘Yong lugar ng Smokey Mountain, dapat ibigay nila sa mga tao,” aniya.

Kasalukuyang nangungupahan si Rolando at kaniyang asawa habang nananatili sa Smokey Mountain ang kanilang mga anak. Hindi sapat ang araw-araw nilang kita para sa P1500 na buwanang upa. 

“Hindi sapat ‘yong nangungupahan ka tapos ang trabaho mo ay [scavenging] lang,” ani Rolando. “Kaya nga sumasama kami dito para idaing namin na bumaba naman ang mga bilihin at yung bayad sa bahay na inuupahan.”

Sa gitna ng mga lumalalang krisis sa bansa, ang pagbababa ng presyo ng mga bilihin at pagkakaroon ng katiyakan sa tirahan ang pinakamalakas nilang panawagan kay Marcos Jr. 

“Inalisan kami ng tirahan sa Smokey Mountain. Sana naman po ibalik na lamang nila para makatira kami doon,” giit niya.

“Lalo lang naghihirap” 

“Lalo lang naghihirap,” ganito ilarawan ni Joseph ‘Ka Nilo’ Alcala mula sa Kadamay NCR ang kalagayan ng mga maralita sa apat na taong panunungkulan ni Marcos Jr.. 

“Wala namang napala ‘yong mga mamamayan, lalo na ‘yong mga manggagawa kasi lalo lang naghihirap sa unang kwadro ng taong ito. Sobrang taas ng mga bilihin na wala namang binigay na sahod. Lalong lugmok sa kagutuman at kahirapan ang mamamayan,” dagdag pa niya. 

Sa ikalimang SONA ni Marcos Jr., wala nang aasahan ang taumbayan sa Pangulong tagapamandila ng korapsyon, pandarambong, at pagluhod sa interes ng dayuhan at malalalaking negosyante.

Kinondena rin ni Alcala ang dulot ng hindi pantay na kasunduan at ugnayang militar at ekonomiya sa pagitan ng US at Pilipinas kaugnay ng ambisyosong Pax Silica na ibinida ni Marcos Jr. sa kanyang SONA gayundin ang nagpapatuloy na gerang agresyon ng US sa Kanlurang Asya gayundin sa iba pang bansa para lamang makopo ang pandaigdigang dominasyon.

Paano nga ba sinusukat ang pag-unlad ng bayan kung ang mga tumatanaw rito ay nakadikit na sa matataas nilang upuan? Paano pinipili ang mga tagumpay na inilalakip sa talumpati kung ang karaniwang Pilipino ay dumaraan sa butas ng karayom para lamang may maihain sa hapag? Paano binibigyang-kahulugan ang kaunlaran kung patuloy na naiiwan sa laylayan ang mga dapat sana’y pangunahing pinaglilingkuran?

Hangga’t hindi natutugunan ang batayang pangangailangan ng mamamayan mula sa abot-kayang presyo ng mga bilihin, nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa, at katiyakan sa tirahan ay magpapatuloy lamang ang hanay ng mga nagmamartsa sa lansangan. Habang nananatili ang mga kondisyong nagbabaon sa mga bulnerable at maralitang sektor sa kahirapan, lalo lamang lalakas ang panawagang panagutin ang administrasyon at panigan ang sambayanan kaysa sa interes ng mga dayuhan at malalaking negosyante.

Sa gitna ng mga ipinagmamalaking plano at pangakong pangkaunlaran, may isang tanong na patuloy na bumabalik: nasaan ang taumbayan? Pinatunayan ng mga dumalo sa SONA ng Bayan na higit na makapangyarihan ang tinig ng mamamayan kaysa sa matatamis na talumpati kung ang buhay na makatao at marangal ay nananatiling pangako lamang. Sapagkat nawawalan ng saysay ang mga palakpakang umaalingawngaw sa Batasang Pambansa kung higit na malakas ang kalam ng sikmura ng masa.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here