Lagpas isang buwan nang simula akong magpokus sa iba’t ibang isyu sa edukasyon. Maraming estudyante at guro ang nakausap at nagbahagi ng kanilang mga kuwento, opinyon at saloobin hinggil sa nalalapit na pasukan. Karamihan sa mga nakapanayam ko, malaki ang agam-agam at puno ng kalituhan.

Siguro kaya ko sinulat ito dahil una, gusto kong bigyang linaw ang sistema ng edukasyon sa bansa at ikalawa, may “feeling” ako na dapat pag-usapan natin maigi ang mga susunod na hakbangin at plano sa edukasyon.

Kahapon, naging viral sa social media ang video post tungkol sa “rant” ng isang estudyante sa online classes. To be fair, pinanood ko ang buong video. Totoo na hindi pwedeng i-invalidate ang rant ng nasabing estudyante sa video pero kulang ito sa research, insensitive at makasarili. Kaya bago tayo mag-away-away, may mga ilang katanungan na tingin ko ay mahalagang idiskurso.

Una, bakit nga ba tayo humantong sa ganitong sitwasyon? Dahil may pandemya? Dahil ito lang ang option? Sa palagay ko, hindi. Dahil noon pa man, nakabalangkas sa kanluranining edukasyon at manipulado ng mga negosyante at lokal na mga alipores ng imperyalistang kaayusan ang edukasyon sa Pilipinas.

Samakatuwid, hindi hinuhubog at hindi hahayaan ang malalim at kritikal na kamalayan ng mga Filipino. Kaya naman, marapat sigurong tanungin muli ang mga sumusunod: anong edukasyon ang nagpapalago? Edukasyon para kanino? Sino ang makikinabang?

Dagdag pa, matagal na ring problema ang resources sa mga paaralan. Kulang ang mga aklat at school supplies na madalas nagiging 1:10 ang ratio o higit pa, over populated na klasrums, libraries na walang mga libro, laboratories na kulang-kulang ang mga gamit, lumang mga gusali, maruruming mga CR, walang tubig, atbp. Nariyan din ang mga estudyanteng kailangan pang tumawid ng bundok at ilog para makapag-aral. Isama na rin natin ang mga Lumad schools na naging militarized zone ang mga komunidad at ipinasara ng DepEd dahil umano subersibo ang kanilang pinag-aaralan.

Dahil hindi tinugunan ng pamahalaan ang mga problema, mas lalong hindi abot-kamay ang edukasyon sa panahon ng pandemya. Ika nga ng karamihan, depressing para sa mga guro at estudyante.

Bago siguro natin isipin at pagtalunan ang “implementation” sa sinasabing “blended learning” baka maaaring ituon muna natin sa paghahanap ng “resources.”

Don’t get me wrong. Pinupuri ko ang mga hakbangin ng mga lokal na pamahaalan at ilang indibidwal sa pagkakaroon ng inisyatibong magbigay ng gadget at internet connection. Ang kaso, hindi ba dapat maging in-touch ang DepEd at CHED sa tunay na sitwasyon ng mga pamantasan/paaralan? Hindi ba dapat panahon na para pakinggan nila ang demands ng mga estudyante/guro? Hindi ba dapat itigil na nila ang “sugar-coating” na handa sila sa pasukan? Hindi ba dapat may kakayahan ang kanilang mga ahensya na panagutin ang kanilang stakeholders na garapal sa paniningil ng mataas na matrikula at dagdag bayarin kahit online naman ang mga klase?

Ikalawa, kasalanan nga ba ng mga guro? May iba pa ba silang choice? Ano ang kalagayan nila? Again, don’t get me wrong. May mga ulat tungkol sa mga gurong hindi nakalapat ang mga paa sa tunay na karanasan ng kanilang mga estudyante. Hindi na rin naman bago ang ganitong isyu.

Nakakalungkot mang sabihin, pero may mga gurong hindi natututong sumipat sa  kung ano ang ano at sino ang sino. Malaking problema ito. Kaya nga patuloy pa rin ang panawagan sa lahat ng mga guro na lawakan ang pang-unawa at ikonsidera ang pakiusap ng mga estudyante, lalo na, hinggil sa online classes.

Pero ang punto, karamihan din sa mga guro ay nasa pagitan ng pagtuturo at kabuhayan. Wala silang pagpipilian kundi sumunod sa atas ng nasa itaas. Tulad ng mga estudyante, kailangan din nilang mabuhay. Tandaan na manggagawa ang mga guro. May mga binubuhay silang pamilya. May mga dapat silang bayaran. Kailangan nilang kumain ng tatlong beses sa isang araw.

Hindi rin makatao ang trato sa mga guro—overworked pero madalas underpaid, mga labor codes sa loob ng akademya na lagi silang ginigipit tulad ng kontraktwalisasyon, walang benefits at delayed na pasahod.

Sa panahon ng online classes, wala rin silang mga gadgets at internet connectivity na dapat sana ay tugunan ng DepEd at CHED, gumagawa sila ng mga modyul na free of charge na dapat ay may bayad, pinagsasabay din nila ang pagiging tatay, nanay o anak habang may online class at may epekto rin sa kanilang mental na kalusugan ang bagong moda ng pagtuturo.

Kumausap tayo ng mga guro para malaman natin ang hinaing nila. Hindi laging one-sided ang problema.

Ang maling pagtrato at mga anti-gurong polisiya ang tunay na salarin sa pagpapahirap sa kaguruan. Nilikha ng sistema ang problema nila. Kaya marapat lang na kalampagin ang pamahaalan at mga institusyon.

Ikatlo, ano ang dapat natin gawin? Paano ba tayo magsisimula? Saan dapat tayo magsimula? Hindi iisa ang sagot sa mga tanong. Maaari kasi tayong maglabas ng saloobin sa social media, mag-webinar tungkol sa edukasyon at mag-online rally.

May hatak ang ganitong platforms para pag-usapan ang mga isyu lalo bawal ang mass gatherings. ‘Yun nga lang, may limitasyon.

Distracted ang mga tao sa dagsa ng mga impormasyon at malabnaw na entertainment. Walang sapat na pundasyon sa pagkadismaya. Galit ang karamihan pero hindi mahawakan ang pangangailangang lumaban dahil safe tayo sa social media haven at netflix universe. Baka kung walang social media, malamang nasa labas tayong lahat para mag-rally.

Balik tayo. Paano nga ba natin haharapin ang baluktot na sistema ng edukasyon? Tingin ko, alam na natin ang sagot ayaw lang natin tanggapin at makialam.

Kung sana, may mataas na budget sa edukasyon, baka hindi natin problema ang blended learning. Kung sana, may sapat na sahod ang ating mga magulang at hindi kontraktwal, baka may pambili tayo ng gadgets at pampakabit ng internet. Kung sana naging bukas tayo sa paggiit ng ating karapatan tungo sa libre at dekalidad na edukasyon, baka walang #NoStudentsShouldBeLeftBehind o #AcademicFreeze.

Maniwala kayo, nasa pakikibaka ang solusyon para maiwasan natin ang banggaan ng mga estudyante at guro.

Ang edukasyon ay isang epektibong instrumento sa paghubog ng isipan ng mamamayan. Ginagamit ito ng estado para palaganapin ang kolonyal na mentalidad na magsisilbi sa neoliberal na balangkas. Hindi pinapakita ang papel ng indibidwal sa lipunan at ng lipunan sa indibidwal, sa halip ay pinapatimo na ang kapalaran ng indibidwal ay nasa kanyang kamay. Inilalayo din ang isip ng mga mamamayan sa pagiging kritikal sa kasalukuyang kaayusan at sila’y ginagawang mga sunud-sunuran.

Hangga’t komersyalisado at para sa iilan ang edukasyon, marami pang mga rant videos ang mapapanood natin na hindi umuugat sa kasalukuyang estado ng edukasyon. Nasa ating kolektibong mga kamalayan at abilidad ang tagumpay tungo sa makamasa, siyentipiko at makabayang edukasyon para sa lahat.

Sa huli sabi nga ni Paulo Freire, “Education must begin with the solution of the teacher-student contradiction, by reconciling the poles of contradiction so that both are simultaneously teachers and students.”

Hindi tayo ang magkakaaway, ang mga naghahari-harian ang gumagago sa atin. Sila ang dapat natin singilin. Higit sa lahat, baguhin natin ang sistema. Kailangan nating baguhin ang sistema.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here