Bilang bahagi sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples Day, isang pagbabalik sa lugar na aking pinag-aralan ang aking ibabahagi— ang yaman ng kasaysayan ng mga binukot.

Ang Pilipinas ay maituturing na napakayaman mula sa likas na biyaya hanggang sa kultura at kasaysayang lumalarawan sa pagkatao ng bawat Pilipino. May mga bahagi ng kasaysayang ating nalalaman at kinamulatan ngunit may ilang parte rin nito ang hindi pa nating lubusang napapasok at napag-aaralan bilang bahagi ng ating pagkatao, kalinangan at kasaysayan. Isa na rito ang mga binukot ng Tapaz, Capiz sa isla ng Panay na may malaking gampanin sa panitikang oral tulad ng kasaysayang awit o epiko.

Sa kasalukuyan ayon kay propesor at mananaliksik na si Dr. Alicia Magos ng University of the Philippines Center for West Visayan Studies (UP-CWVS) mayroon na lamang isang etnikong grupong natitira sa kabundukan ng Panay, sila ang mga Sulod o Panay-Bukinon. Noong panahon ng mga Kastila, ayon kay Bryan Mari Argos sa kanyang artikulo, tinawag ang kanilang tribo na mundo na mula sa salitang Espanyol na vagamundo nangangahulugang hindi sibilisado at mabangis. Matapos ang pananakop, dahil na rin sa negatibong kahulugan ng salita, nabago ito at sa kalaunan ay kinilala bilang Bukidnon o mga taong mula sa itaas o kabundukan. Ang pangalan ay nagbago muli at tentatibong tinawag ni Dr. Felipe Landa Jocano na Sulod na may kahulugang loob at sa kasalukuyang kinikilalang Panayanon Sulud o Suludnon na katumbas ng taong mula sa loob ng Panay. Sa kabuuan ang salitang Suludnon ay mula sa Hiligaynong mga taong naninirahan sa loob at itaas ng kabundukan ng Panay. Sila ang mga taong mayroong mayamang kultura at kasaysayan kabilang na ang pagbibinukot.

Sa kabila ng angking kariktan, kapangyarihan at kasikatan sa pagiging binukot, maraming pamilya at anak ang hindi na sumunod sa kultura ng pagbibinukot. Ibabahagi sa papel na ito ang naging paglalakbay, pakikipamuhay at pag-unawa ng mananaliksik upang matahak ang mga dahilan sa pagtangging maisalin sa mga batang babae ng Tapaz, Capiz ang isang mahabang tradisyon ng kanilang kasaysayan na humantong sa pagkawala ng pagbibinukot sa kanilang lugar.

 

BI (da) NUKOT: Ang Paglalarawan sa mga Huling Prinsesa

Itinuturing na huling prinsesa sa malalayo at mabubundok na lugar ng Tapaz, Capiz ang huling pinakamagandang babae na hindi nakikita sa mata ng publiko mula sa kanyang pagkabata. Ang pinakamaputi na inihahalintulad sa isang diwata o di kaya’y sa diyosa, sila ang mga binukot na isang salitang Bisayang may literal na kahulugang itago sa tagong lugar sa kultura ng mga Sulod o kilala rin bilang Panay-Bukidnon o Tumandok-Bukidnon. Ang mga babae ng kasaysayang bihirang nabibigyang pansin, ang mga dalaga ngunit nakatakdang ipakasal ayon sa mapagkakasunduan at kaalinsabay ng kanyang pagpapakasal ay ang pagkaputol sa kanyang mga gawain at pananagutan bilang isang binukot.

Ang mga binukot ang nagdadala ng kasikatan at karangalan sa kanyang pamilya kaya minarapat na magkaroon ng mga tagapagsilbi at hindi gumawa ng mabibigat na gawain tulad ng mga prinsesa sa fairy tales. Mula sa pagsusuklay ng kanyang buhok, ang pagbibigay sa kanya nang pinakamahusay at magagarang damit at pagsisilbi sa kanya ng masasarap na pagkain ay ilan lamang sa pag-aalagang ginagawa. Sila ay kakaiba bukod sa pagiging ubod nang ganda at puti, sila ay maihahalintulad sa mga prinsesa. Sila ay nagsusuot ng magagarang damit na kalimitang kanilang hinabi habang sila ay nasa loob ng isang kwarto. Hindi rin hinahayaang tumapak ang kaniyang mga paa sa lupa, kung kaya’t sa tuwing nanaising lumipat sa isang lugar siya ay binubuhat ng duyan at tinatakluban upang hindi masilayan.

Tulad sa ibang lugar sa Panay, ang paraan ng pagpili sa binukot ng Tapaz, Capiz na itinuturing na orihinal na pinagmulan ng binukot ay may pamantayan. Ang mga batang babae edad tatlo hanggang lima na pinakamaganda at pinakamaputi sa pamilya ay inihahanda para maging isang binukot at pagsapit ng tamang edad ay maaari nang ipakasal kapalit ng dowry na ibibigay ng mangingibig. Sa oras na mapili na ang batang binukot, karaniwang nasa sariling kuwarto at duyan na lamang siya na kung saan kanyang ginugugol ang buong araw sa pananahi, pagbuburda at higit sa lahat ay pag-aaral, pagmememorya at pagbigkas ng kanilang mahaba at makasaysayang epiko ng mga Sulod. Dahil sa mga gawaing ito, itinuturing na isa sa pinakamahusay na tagapagbigkas (chant) ng kanilang epiko ang binukot.

 

BI (di) NUKOT: Ang Pagkawala at Transpormasyon ng mga Binukot

Ang mga karanasan at uri ng pamumuhay sa kabundukan ng Tapaz ang isa sa mga nagbunsod sa isang desisyong hindi pagtanggap at pagpapatuloy sa tradisyon ng pagbibinukot.

Ilan sa mga dahilan ng pagtanggi ng mga batang Panay-Bukidnon o Sulod at maging ng kanilang pamilya ay ang kalagayan sa pamumuhay ng kanilang sarili kapag naging binukot na. Ang mga natitirang binukot ay hindi nakaranas o nakatamasa ng kasayahang maging isang bata dahil na rin sa pagkakakulong nito sa loob ng isang silid at paghiwalay sa kanya sa komunidad na kinabibilangan. Nabanggit ng mga binukot na isa sa mga dahilan ng kanilang pagtanggap sa obligasyon ay ang pagpapaliwanag ng kanilang magulang na mahalaga ang kanilang gampanin bilang tagapagdaloy ng kanilang tradisyon at kultura lalo na ang epiko.

Sa nangyaring pananakop ng Hapon sa bansa at paggalugad ng mga mananakop sa mga liblib na lugar, isa ang Tapaz, Capiz sa narating ng mga Hapon ayon na rin sa mga talang pangkasaysayan ng bayan at panayam mula sa susing tao ng lugar. Nilikas ng mga Sulod ang kanilang mga tahanan at naiwan ang mga binukot dahil dito, sila ay nakaranas ng pananamantala at karamihan ay nagahasa at natagpuang wala ng buhay dahil na rin sa masyadong mahina ang kanilang mga katawan para makatakdo at makatakas. Dahil sa insidenteng ito ng kasaysayan, karamihan sa mga pamilya ang nagdesisyong huwag ng ibukot ang kanilang mga anak na babae. Sa pangyayaring ito tuluyan nang nawala ang isang bahagi ng kasaysayan ng Tapaz at maging ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, marami nang tumanggi na mga kabataan babae ng Tapaz na mapiling binukot, ilan sa dahilan na mula sa kanilang mga kwento ay ang buhay na parang preso. Dahil sa ang mapipiling babae ng kanilang magulang ay ikinukulong sa isang madilim na kwarto at hindi pinapayagang makipag-ugnayan sa labas ng komunidad. Naging malaki na rin ang pagpapahalaga nila sa konsepto ng kalayaan na para sa kanila ay magpapaunlad ng kanilang katayuan sa buhay.

Sa kabila ng mga dahilan ng pagkawala ng pagbibinukot ay paglaho rin ng mahabang tradisyon ng mayamang kultura ng lugar. Iilan na lamang ang may interes na pag-aralan ang mga sayaw, awit at iba pang gawain at panitikan tulad ng epiko ayon na rin sa bilang ng mga mag-aaral sa Balay-Turun-an na napuputol dahil sa kawalang pondo at suporta. Sa kadahilanang ito, paano pa mapapanatili at maipapasa sa susunod na henerasyon ang kanilang kasaysayan at kultura. Ang binukot na siyang tagapagdaloy ng kultura at panitikang oral ang siya ngayong paksain ng mga usapan at maging ng kanilang panitikang oral.

Mahalagang maiangkla ang ekonomiyang kalagayan ng mga naninirahan sa kabundukan ng Tapaz upang maunawaan ang unti-unti nilang pagbaba sa sentro. Ang kahirapan mula sa itatanim na makakain, ang mga mapagkukunan ng makakain, ang kakulangan sa mapagkakakitaan ay ilan lamang sa ekonomiyang kalagayan ng mga Tapaznon sa kabundukan. Hindi rin maiaalis ang kalagayang pangseguridad na kanilang nararanasan sa kabundukan, ilan sa kanila ang nagbahagi ng karanasan hinggil sa engkwentrong nagaganap sa pagitan ng militar at itinuturing na rebelde. Sa katunayan sa naging pag-akyat ng mananaliksik sa kabundukan ay may naganap na sagupaan na hinihinalang kinasasangkutan ng militar at rebelde na nagresulta ng pagbubuwis sa buhay ng magkabilang panig.

Bukod sa ekonomiya at seguridad na kalagayan, mahalaga ring masiyasat ang sentro bilang isang mapanghalinang atraksyon para sa mga naninirahan sa kabundukan na tuluyang iwanan ang paninirahan at tuluyang manatili sa sentro. Ang mga magagandang paaralan, gusali at serbisyong pampublikong ospital, pamahalaang bayan, parke at iba pa ay ilan lamang sa matatagpuang atraksyon. Sa lahat ng nabanggit, mahalagang maiangkla ang konsepto ng itaas at loob sa relasyon nito sa ibaba at labas. Ang tunay na itaas at loob ay matatagpuan sa kabundukan ng Tapaz na lumalarawan at repleksyon sa kanyang pakikipag-ugnayan sa ibaba at labas. Ang lahat ng nasa kabundukan ay hindi lamang nanatili sa loob bagkus ito’y kumokonekta sa mas malaking larawan ng katotohanan at muling papasok dahil sa magiging bahagi na ito ng lipunan. Tulad na lamang sa kaso ng mga binukot at pamilyang naninirahan sa kabundukan sila’y patuloy na bumababa sa sentro upang maging bahagi ng kaayusang kanilang ninanais.

 

BINU (buhay) KOT: Ang Bagong Mukha ng Pagbibinukot

Ang pagbibinukot ay masasabing patay na sa lugar ng Tapaz, Capiz. Sa kasalukuyan may mga buhay pa ring mga huling binukot sa kani-kanilang lugar at pamilya, sa tuwing may bisita o dayuhan sa kanilang lugar ay doon na lamang nila inaawit ang kanilang mga epiko. Matatanda na ngang maituturing ang mga huling binukot, ngunit bakas pa rin sa kanilang balat ang palatandaan ng pagiging isang prinsesa, kakikitaan sila ng mga tattoo na larawan ng pagiging maganda at makapangyarihan. Patuloy pa ring namumutawi sa kanilang mga memorya at salita ang laman ng kanilang makasaysayang epiko. Sa kabila ng nagbabagong panahon at pagkawala ng pagbibinukot, patuloy pa rin na nauunawaan at nakikilala ng mga Tapiznon ang isang kulturang naputol sa kanilang kasaysayan. Dahil na rin ito sa kanilang iba’t ibang porma ng pagsasabuhay

Sa kaso ng pagbibinukot sa bayan ng Tapaz, mahalagang maipaunawa ang gamit ng wika sa pag-alam ng kanilang kultura. Karaniwang bihasa sa kasaysayang awit at iba pang tradisyong oral ang mga binukot ngunit sa paglipas ng panahon ay wala ng nangahas na sumunod sa kanilang kinagawian. Dahil dito, iilan na lamang ang may interes at may kaalaman sa orihinal na wikang binibigkas ng mga binukot. Isa sa mga patunay ang hindi pagiging pamilyar ng mga Tapaznon sa ilang salita o bokabularyong nababanggit ng mga binukot sa kanilang pag-awit at pagbigkas.

Ang pag-unawa ng mga Tapaznon sa kanilang kultura kabilang na rito ang epiko ay isang paraan upang mapanumbalik ang nawalang tradisyon ng pagbibinukot. Bagamat wala ng binukot sa lugar, malaking tulong ang kasalukuyang mga School for Living Tradition o Balay Turun-an upang ipagpatuloy ang naputol na kultura lalo na sa mga kabataan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here