Dalawang araw matapos magpalit ng taon, sumambulat ang balita ng direktang pag-atake ng Estados Unidos sa Venezuela at pagdukot sa pangulo nitong si Nicolas Maduro. Mula sa tangkang coup d’état noong 2002 laban kay Hugo Chavez hanggang sa lantarang pambobomba ngayong 2026, hindi maikakaila ang imperyalistang pakay ng US. At sa gitna ng ingay ng mainstream media at propaganda ng mga pasista, muling sumulpot sa alaala ang dokumentaryong The Revolution Will Not Be Televised o Chavez: Inside the Coup

Dokyu Bilang Lente ng Kasaysayan

Halaw ang pamagat sa kanta ni Gil Scott-Heron, ang pelikulang ito ay higit pa sa pagsilip sa coup attempt noong Abril 2002 laban kay Hugo Chavez. Isa itong malalim na lente na naglalantad kung paanong ang media, ang oligarkiya, at ang mga interes ng imperyo ay nagsasanib para ipataw ang tinatawag nilang “regime change.” Sa ilalim ng direksyon nina Kim Bartley at Donnacha Ó Briain, parehong Irish filmmaker, ramdam ang tensyon sa pelikula—mula sa karahasan sa lansangan ng Caracas hanggang sa pagbabalik ni Chavez sa Miraflores.

Ang dokumentaryo ay paalala na hindi natatapos ang laban hangga’t may imperyalismo. Ang mga taktika ng disinformation, destabilization, at direktang panghihimasok ng US ay paulit-ulit na mangyayari, gaya ng nakikita ngayon sa Venezuela at iba pang bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Pagtatahi ng Nakaraan at Kasalukuyan

Kinokontra ng pelikula ang naratibo na ang coup laban kay Chavez ay kusang tugon ng mamamayang Venezuelan sa umano’y represyon ng kanyang administrasyon. Sa halip, malinaw na ito’y planadong atake ng oposisyon na suportado ng US. 

Ganito rin ang kasalukuyang eksena: ang pag-atake sa Caracas, Miranda, Aragua, at La Guaira ay ekstensyon ng parehong imperyalistang agenda—mula sa media war hanggang sa military aggression. Kung sa dokumentaryo ay pinapalabas ng mainstream media na ang karahasan ay mula sa panig ng mga tagasuporta ni Chavez, ngayon naman ay tila binibigyang-katwiran ang pag-atake sa Venezuela kahit malinaw na labag ito sa international law. Patunay nito ang mga headline kung saan sinasabing “nahuli” o “nadakip” si Maduro, sa halip na dinukot, at hindi pagpapakita ng mga malawakang protesta na kumukundena rito.

Ang Tunay na Motibo

Mahalagang balikan kung paano naging sentro ng interes ng US ang Venezuela. 

Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, natuklasan ang malalaking reserba ng langis sa Maracaibo Basin, na agad na dinagsa ng mga kompanyang Amerikano.

Pagsapit ng 1920s, isa na ang Venezuela sa pinakamalakas na ekonomiya sa Latin America, bagamat nakatali sa impluwensiya ng dayuhang kapital. Sa mga sumunod na dekada ay lalo pang tumindi ang interes ng US.

Nang umupo si Chavez noong 1999 at ipinatupad ang “Bolivarian Revolution,” tinutulan ng US ang kanyang patakarang nagtatanggol sa langis at soberanya ng Venezuela at nagpataw ng mabibigat na sanction sa PDVSA (state-owned oil company ng Venezuela).

Kaya’t hindi droga (!) kundi langis, ginto at iba pang likas-yaman ang tunay na dahilan ng pag-atake ng US.

Mamamayan ang Mapagpasya

Nakabalik si Chavez sa poder noong 2002 sa loon ng dalawang araw dahil sa kolektibong pagkilos ng mamamayan. Ganoon din ang panawagan ngayon: “People to the streets” bilang tugon sa imperyalistang atake.

Ang The Revolution Will Not Be Televised ay higit pa sa dokyu—isa itong paalala na hindi kailanman magtatagumpay ang mananakop laban sa nagkakaisang mamamayan. Ilang beses na itong pinatunayan ng kasaysayan. Nahihibang si Donald Trump kung inaakala niyang yuyukod ang mamamayang Venezuuelan sa dikta at pandarahas ng US.

Sabi nga ng Chilean composer na si Sergio Ortega Alvarado: “El pueblo unido jamás será vencido!” (“The people united will never be defeated!”).

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here