Dumaloy ang ulan at luha sa huling paglalakbay ni Eric Saber, isang construction worker na nadagit ng bala sa gitna ng protesta laban sa korapsyon at katiwalian sa Recto Avenue noong Setyembre 21.

Sa kabila ng matinding buhos ng ulan, inihatid siya ng pamilya, kaibigan, at mga kasama mula San Roque Chapel hanggang Manila North Cemetery.

Ngunit kahit sa kanyang pagpanaw, tila ginupo pa rin siya ng parehong katiwalian na kanyang ikinamatay.

Sa bahang nitso inilibing si Eric. Ang kanyang katawan, hindi iba sa libo-libong pamilyang lugmok sa kahirapan, ay dinala sa huling hantungang nagtagpo ang baha at bala na sumasalamin sa larawan ng kultura ng impunidad sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Pauwi na sana si Eric mula sa trabaho, ngunit natapos ang lahat sa isang bala na tumama sa kanyang leeg.

Para sa kanyang pamilya, si Eric ay hindi lamang isang manggagawa kundi ama, anak, at haligi ng tahanan. Para sa mga kasama sa kilusan, siya ay mukha ng karaniwang Pilipino na nadadamay sa karahasang dulot ng pasistang estado.

Mahigit 200 katao ang inaresto sa mga kilos-protesta noong Setyembre 21. Kinabibilangan ito ng mga manggagawa, kabataan, at mga estudyante na lumahok sa mga demonstrasyon laban sa maanomalyang flood control projects. Sa loob halos dalawang linggo, sinapit nila ang matinding tortyur, bureaucratic inquest proceedings, at iba pang karahasan sa loob ng kustodiya ng Manila Police District (MPD).

Mabilis naman ang ginawang pagtanggi ng mga nasa kapangyarihan bunsod ng nangyari kay Eric at sa mga inaresto.

Ayon kina Justice Secretary Boying Remulla at Manila city mayor Francisco ‘Isko’ Moreno na walang kaswalti at nagpatupad ng “maximum tolerance” ang mga pulis. Dagdag pa, ang Department of Health (DOH) ay naglabas lamang ng ulat tungkol sa pagkamatay ng isang kabataan na namatay sa pananaksak.

Ngayon, nagpapatuloy ang naratibo ng paghuhugas-kamay. Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi raw galing sa hanay ng pulis ang nagpaputok.

“Talaga, DILG? sino ang nagpaputok? Sino ang kumalabit ng gatilyo? Sino ang nag-utos na magpaputok? Hindi niyo na ito pwede itago at ikaila. Walang maximum tolerance dahil may namatay. Maraming iligal na dinampot lamang at inaresto at tinorture,” ani Atty. Maria Sol Taule, deputy secretary general ng KARAPATAN.

Sa ilalim ng konstitusyon, malinaw na si Ferdinand Marcos Jr. ang commander-in-chief ng lahat ng sandatahang lakas. Kabilang na rito ang Philippine National Police. Anumang putok ng baril ay hindi hiwalay sa kanyang pananagutan.

“Bakit lagi na lang ang mahihirap ang nagdadala ng pasanin, samantalang ang mga senador at politiko ay nalulunod sa bilyon-bilyong perang ninakaw mula sa bayan? Bakit kapag lumalaban ang mahihirap, sila pa ang tinatawag na kriminal?” ani Atty. Taule.

Ang inilibing na bangkay ni Eric sa bahang nitso ay hindi lamang imahe ng isang maralitang manggagawa na binawian ng buhay. Isa itong malakas na pahiwatig ng katiwalian sa kung paanong ang bilyun-bilyong proyekto para sa flood control ay nauuwi lamang sa korapsyon at katiwalian.

At gaya rin ng baha, ang bala ay dumadaloy nang walang pinipili. Labas pa sa katotohanang madalas na biktima ang pinakamahihirap, ang mga hindi makapagsalita, at ang mga walang laban sa kapangyarihan ng burukratikong estado.

Habang umuulan, hindi natitinag ang mga kaanak at nagdadalamhati para kay Eric bitbit ang panawagan para sa hustisya at pananagutan.

Pagdating sa sementeryo, sa huling pagtanaw kay Eric, tumatangis ang luha ng pighati at galit ng mga naiwan.

Sa bahang nitso, nakahimlay si Eric. Ngunit sa bawat patak ng ulan at bawat bakas ng putik, nananatiling buhay ang kanyang alaala. Isang paalala na ang bala at baha ay siyang larawan ng impunidad, pasismo, at burukrasya sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Batid ng mamamayang lumalaban, darating din ang araw ng paniningil.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here