Pinaniwala tayo ng tradisyon na hindi dapat pumapanig ang midya. Sabi nga ng isang higanteng mainstream network: Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan, serbisyong totoo lamang. Tumutugon umano sa trabaho nila sa taumbayan ang mga mamamahayag kung mananatili itong neutral o unbias sa mga isyung kinasasadlakan ng lipunan. Bawal kumampi, bawal manindigan, tagapaghatid lamang ng katotohanan.
Sa kabila nito, marami na ring nagdududa sa tunay na kakayahan ng midya bilang tagapagsulong ng pagbabago. Pagkatapos ihatid sa telebisyon, dyaryo, at radyo ang balita, anong gagawin ng taumbayan sa ipinamahaging impormasyon sa kanila? Matapos ihayag na umangat ang ekonomya ng bansa, na si Aquino ang pangunahing dapat managot sa Mamasapano encounter, na kinaltasan ng badyet ang sektor ng edukasyon, may pagbabago nga bang nakamit? Hindi ba’t maituturing na ring apathy ang pagiging neutral sa gitna ng krisis ng bayan?
Ito ang pangunahing binalikwas ng advocacy journalism. Bitbit ang layuning makapag-ambag sa pagbabagong-lipunan, binasag ng advocacy journalism ang nosyong walang dapat na kinakampihan ang midya. Pangunahing prinsipyo ng pagkilos na ito ang mulatin ang masang-tagasubaybay sa mga napapanahong isyu. Higit sa lahat, pakay nilang pakilusin ang sambayanan na umaksyon sa problema ng lipunan. Pumapanig sila kung kinakailangan at hinihikayat ang taumbayan na sundin ang adhikain o paniniwalang kanilang isinusulong.
Samakatuwid, hindi lamang katotohanan ang ipinaglalaban ng advocacy journalism kundi kapakanan at pangangailangan ng mga marhinalisadong sektor ng lipunan.
Tunggalian ng nakasanayan at ng bagong larangan
Kung susundin ang tradisyonal na pananaw, mahigpit na pinagbabawalan ang midya na kumampi sa anomang panig ng argumentong inilahahad nito. Dulot ng layuning absolute objectivity, pilit tumatayo sa neutral grounds ang mga mamamahayag upang matiyak ang kawalan umano ng kinikilingan. Dagdag pa rito, pinagbabawalan din ang mga peryodista (journalist) na magbigay ng anomang opinyon o komentaryo sa mga napapanahong isyung panlipunan maliban na lamang kung editoryal ang artikulo sa dyaryo o social commentary program ang palabas sa radyo at telebisyon. Ito ang kasanayang isinasakatuparan ng mainstream at ilan pang traditional media: ang pamantayan ng basic journalism.
Kung kaya’t maituturing na subersibo at mapangahas ang advocacy journalism dahil tinatalikuran nito ang pormula at estrukturang itinaguyod ng basic journalism. Isinusulong ng advocacy journalism ang makatotohanang pagmumulat ng kaisipan ng mamamayan sa pamamagitan ng paghahatid ng balitang may paninindigan. Taliwas man sa kombensyon at madalas akusahang propaganda ng mga radikal, pinatutunayan ng bagong midyang ito ang kakayanan ng pamamahayag na makapagsulong ng interes ng masang sambayanan kasabay ng obligasyong makapaghatid ng katotohanan.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Max B. Santiago, graphics editor ng Manila Today, isang online newspaper, inihayag niyang matindi ang pangangailangan ng bias sa journalism sa kasalukuyang panahon. Aniya, “Nangangailangan ng bias ang media upang mabigyan ang boses ang mamamayang ‘di nabibigyang-pansin sa mainstream [platform].”
Kontrolado ng malalaking negosyo ang mainstream networks kung kaya’t karaniwan lamang na panigan nito ang interes ng kapitalismo
Ipinaliwanag ni Santiago na kontrolado ng malalaking negosyo ang mainstream networks kung kaya’t karaniwan lamang na panigan nito ang interes ng kapitalismo. Samakatuwid, hindi nito nabibigyan ng tamang tuon ang mga marhinalisadong sektor ng bansa gayong mas isinasaalang-alang nito ang interes ng mga korporasyon (advertisements, commercial airtime, endorsements, tie-up projects). Kung anong papatok sa panlasang popular at kikita ng salapi, ibabalita ng mainstream networks, tulad ng sex scandal ng kilalang mga artista, wedding sensationalism ng bigating mga pangalan, at ilan pang walang kabuluhang balita.
Pahayag ni Santiago, “Tinatawag itong mass media (giant news networks) dahil [para ito sa madla]. Pero may kontradiksyon sa terminong ito mismo dahil ang mga bilyonaryo ang may hawak ng media at hindi ang masa.”
Sa kabilang banda, naniniwala ang progresibong graphics editor sa kakayanan ng advocacy journalism na makapanghimok ng argumento at diskurso sa loob mismo ng komunidad ng masang sambayanan. Sa pamamagitan ng paggamit ng online media, nagsisilbi nang lunsaran ng opinyong pampubliko ang mga tulad ng Manila Today gayong kontrobersyal at radikal ang paglalahad nila ng mga napapanahong impormasyon at balita.
Hulmahan ng opinyong publiko ang social media. At kung epektibo ang paggamit nito, makapagpapakilos ito ng mamamayan para sa pagbabago
Dagdag pa rito, mas malapit sila sa panlasa ng kabataan at gitnang-uring intelektuwal gayong madalas na online platform ang nagsisilbing tahanan ng advocacy journalism. Dulot ng katanyagan ng social media at Internet, mas nauunang makarating sa diwa’t kaisipan ng mambabasa ang isang isyu batay sa paglalahad ng mga advocacy journalists. Sa ganitong patakaran mas nahihikayat ang taumbayan na lumahok sa mga krisis ng bayan.
Ani Santiago, “Sa pamamagitan ng online media, nagagamit natin ang platform na ito upang makapaglinaw sa mga isyu. Hulmahan ng opinyong publiko ang social media. At kung epektibo ang paggamit nito, makapagpapakilos ito ng mamamayan para sa pagbabago.”
Ibinigay na halimbawa ni Santiago ang matagumpay na pagkilos ng masa laban sa Anti-Cybercrime Law noong 2012. Matatandaang umani ng kabi-kabilang batikos mula sa netizens ang batas na siyang nagtulak sa taumbayan na maglunsad ng sunod-sunod na kilos-protesta laban sa pagpapatupad nito. Dulot ng kolektibong pagkilos, napatawan ng indefinite restraining order ang Anti-Cybercrime Law. Kung sisipating mabuti, kung hindi dahil sa advocacy journalism na naglantad ng mga kamalian ng batas, malamang na hindi ito matutugunan sa pinakamaagap na panahon at maaaring napatupad ng tuluyan ang mapaniil nitong mga probisyon.
Adyenda ng mainstream laban sa prinsipyo ng alternative
May tinatawag na agenda setting sa larangan ng journalism. Sa ilalim ng patakarang ito, tinutukoy ng midya kung anong nais nilang palabasing imahen ng isang isyu sa mata ng taumbayan. Kung nais nilang siraan ang maralita, maaari nilang palabasin na tamad ang mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbabanggit na maraming walang trabaho kahit pa kakulangan sa oportunidad ang ugat ng problema. Kung pakay nilang pabanguhin ang reputasyon ng Pangulo, pauulanan nila ang kanilang headlines ng mabubuting nagawa umano ni Aquino sa kabila ng lantaran niyang kapalpakan. Madumi ang sistema sa midya, partikular sa sirkulasyon ng mainstream platform, gayong sinusubok nilang hulmahin sa maling kaisipan ang masang-tagasubaybay.
“Sa pagiging neutral, hinahayaan mo na lamang ang pananatili ng oppressive status quo at walang pagbabago ang magaganap dito”
Taliwas sa kasanayang ito ang isinusulong na prinsipyo ng advocacy journalism bilang uri ng altenatibong midya. Ayon kay Flor Chantal Eco, director for video ng progresibong media platform na Tudla Productions, agad na matutukoy ang malaking pagkakaiba ng traditional journalism sa advocacy journalism batay sa layuning ipinamumukha nila sa madla. Naglilingkod sa ngalan ng negosyo ang higanteng networks na siyang kabaligtaran ng advocacy media na nagsisilbi sa interes ng maralitang Pilipino.
Para kay Eco, inilalako ng mainstream media ang balita batay sa kapatukan nito kung kaya’t nawawalan ito ng saysay at kabuluhan. Sa kabilang banda, inamin din naman niyang bagamat slanted at bias ang advocacy journalism, tinitiyak naman nilang balanse ang pamamahagi ng balita at ipinapakita nito ang parehong anggulo ng diskurso. Sa huli, hindi lamang nasisikmura ng mga advocacy journalists na manatiling neutral habang nasasaksihan nila kung paano tinatapakan ng malalaking institusyon ang karapatan ng sambayanan. “Sa pagiging neutral, hinahayaan mo na lamang ang pananatili ng oppressive status quo at walang pagbabago ang magaganap dito,” pagdidiin ni Eco.
Mahalagang pumanig ang mga mamamahayag ngayon lalo pa’t talamak ang kaso ng mga paglabag sa karapatang-pantao
Para naman kay John Arvin Reola, National Council member ng College Editors Guild of the Philippines, mahalagang pumanig ang mga mamamahayag ngayon lalo pa’t talamak ang kaso ng mga paglabag sa karapatang-pantao. Nararapat matutuhan ng mga peryodista na ipaglaban maging ang karapatan ng mga taong paksa nila sa artikulo’t mga balita.
Ani Reola, “Sa kalagayan ngayon ng mainstream media, makikita talaga kung bakit kailangan ng isang mamamahayag na mamili ng mga isyu […] na nakaaapekto sa mas nakakarami. Iba pa rin ang kuwento ng HRVs (human rights violations) at displacements (ng mga katutubo) [kaysa] sa mga kinakasal na politiko at artista.”
Bilang campus journalist, naniniwala si Reola sa kakayanan ng advocacy journalism na makapaglunsad ng malayang diskurso sa pagitan ng mga masang-tagasubaybay. Higit sa lahat, nagsisilbi itong plataporma kung saan nabibigyang-linaw ng may kritikal na perspektiba ang nagtutunggaling panig sa isang napapanahong isyu.
Advocacy journalism: Susi sa mapagpalayang pamamahayag
Walang mali sa pagpanig; may mali kaya dapat pumanig. Sa isang lipunang patuloy na binabagabag ng mga kontrobersya, isyu, eskandalo, korupsyon, at madilim na kasaysayan, walang katotohanang makakamit sa simpleng paghahatid lamang ng balita. Higit sa lahat, walang hustisyang matatamo kung mananatiling apathetic ang mga taong nagsisilbing tagapagmandila ng diskurso at impormasyon. Samakatuwid, tanggapin nating nagbabago ang panahon kung kaya’t kinailangan ng mga mamamahayag na lumabas sa kombensyon ng basic journalism at lumikha ng mga makabagong uri ng pamamahayag tulad ng advocacy journalism. Tandaan nating upang marating ang isang malayang lipunan, kailangan nating magsulong ng mapagpalayang kilusan.
Editor’s Note: Ang artikulong ito ay unang lumabas sa PLARIDEL, opisyal na pahayagang pang-magaaral mula sa pamantasang De La Salle.