Muling na-reset ang pagdinig sa kaso ni Joel Demate, kilalang organisador ng mga manggagawa na inaresto at ikinulong noong 2020, sa Manila City Regional Trial Court Branch 50 bunsod ng hindi pagsipot ng public prosecutor.

Bulok, usad-pagong na sistemang panghustisya

Sa panayam ng Manila Today kay Demate, malinaw aniya ang bulok at usad-pagong na umiiral na sistema ng hustisya sa Pilipinas.

“Yung mga walang kasalanan at iligal na kinukulong ay pinagbibintangan sa mga kasalanang hindi naman nila ginawa,” ani Demate.

Kinondena ng Karapatan National Capital Region ang patuloy na panggigipit at pagpapatagal sa kaso ni Demate na higit apat na taon nang nakakakulong sa Metro Manila District Jail 4 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

“Naroon nga sa korte ang arresting officer ni Demate na nag-resign na raw umano sa serbisyo. May patutsada pang nagbagong buhay na raw. Mainam na panagutin muna niya at ng iba pang kasabwat nilang pulis, gayundin si Duterte, si Villavert at iba pang sangkot sa pagkukulong at pagpataw ng gawa-gawang kaso sa mga aktibista at lider manggagawa tulad ni Demate,” ayon kay Gabrielle Vistan ng Karapatan NCR.

Si Demate ay kabilang sa tinaguriang Human Rights Day 7 (HRD7), kasama sina Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, Jaymie Gregorio, Dennise Velasco, Lady Ann Salem at Rodrigo Esparago, na ikinulong sa bisa ng inilabas na search warrant ni Quezon City executive judge Cecilyn Burgos-Villavert. Sila ay inakusahan sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives.

Naging tampok ang insidente ng mga raid operations sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) sa mga tahanan at opisina ng mga aktibista at mamamahayag sa Metro Manila, Southern Tagalog, at Bacolod sa bisa ng search warrant na inisyu ni Villavert mula pa 2019.

Noong 2021, nakalaya sina Velasco, Salem at Esparago matapos katigan ng korte ang kanilang depensa na nagpapatunay sa iligal na pang-aaresto at pagtatanim ng ebidensya. Sa kaso nina Salem at Esparago, tinukoy na “fishing expedition” ng Mandaluyong RTC ang ginawang operasyon at naratibo ng PNP at napatunayang “inadmissible” ang kaso.

Mula sa paglaya ng dalawa ay sinundan ito ng pagbasura sa iba pang kaso kung saan tinutulan ng mga akusado ang pagtatanim ng ebidensya kabilang na ang mga warrant na inilabas ni Villavert. Napawalang-sala ang mga bilanggong pulitikal tulad nina Esterlita Suaybaguio; mag-asawang Cora Agovida at Michael Tan Bartolome; at ang Tondo 3 na sina Mae Nasino, Alma Moran, at Ram Carlo Bautista.

Ayon kay Vistan, kuwestiyonable ang patuloy na panggigipit at pagkakakulong nina Demate at iba pang natitirang bahagi ng HRD7 lalo’t iisa lamang ang batayan ng mga salaysay ng PNP hinggil sa pangyayari ng pag-aresto gamit ang inilabas na search warrant ni Villavert laban sa kanila. Tinukoy rin niya ang ginawang pangre-redtag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa HRD7 matapos itong arestuhin noong 2020.

“Malinaw ang pattern dito na ginagawa ng estado, partikular ng dating administrasyong Duterte at mangpahanggang ngayon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr, para supilin ang mga kritiko, mga aktibista, at organisador na nagsusulong ng interes ng taumbayan,” ani Vistan.

Palayain si Demate at ang lahat ng mga bilanggong pulitikal

Sinabayan naman ang nasabing pagdinig ng kilos-protesta ng iba’t ibang progresibong grupo na sumusuporta kay Demate at nananawagan para sa kanyang agarang pagpapalaya sa labas ng Manila City Hall.

Ayon kay Kilusang Mayo Uno secretary general Eduardo Gado, makabuluhan ang ambag ni Demate sa pagmumulat at pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa. Aniya, si Demate ang nanguna sa pagbubuo ng Solidarity of Labor Rights and Welfare (SOLAR) na nanguna sa pagsasagawa ng mga konsultasyon at pagtuturo ng batayang karapatan ng mga manggagawa sa bahagi ng Muntinlupa, Parañaque at Las Piñas.

Nakatakda ang pagdinig kay Demate sa darating na Hulyo 22 sa Manila RTC.

“Dapat pabilisin yung paglilitis sa korte dahil malinaw namang itinanim yung mga ebidensya at trumped up yung kaso. Panawagan ko rin na mabilis palayain hindi lamang ako kundi ang lahat ng mga bilanggong pulitikal,” ani Demate.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here