Sinalubong ng mga kamag-anak, kaibigan, at sumusuporta kay Joel Demate ang taong 2021 sa isang malikhaing pagtatanghal bitbit ang panawagan para sa kaniyang agarang pagpapalaya.

Si Joel Demate ay isa sa pitong sabay-sabay na hinuli noong paggunita ng Araw ng Pandaigdigang Karapatang Pantao o Human Rights Day, Disyembre 10. Sila ay tinaguriang HRD7 at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Nagtanghal ang Musicians for Peace ng mga likha nilang awitin na may katangi-tanging liriko tulad ng:

“Hindi ka malaya, mahaba lamang ang tanikala

Hirap magsalita, may banta at dahas na kasama”

Ani ng Musicians for Peace, ang partikular na linya ay alay para sa lahat ng bilanggong pulitikal at sa lahat ng Pilipino na sa kasalukuyan ay nasa madilim na tagpo ng papulitikang kalagayan.

Dagdag pa rito ang mga linyang tungkol sa matagal nang alegasyon sa hanay ng mga kapulisan hinggil sa pagtatanim ng ebidensya sa mga hinuhuling (mga) indibidwal na kritikal sa kasalukuyang administrasyon.

“Hindi ako ang iyong kalaban;

Sa kaliwa ka man o kanan

Hindi tutubo ang halaman

kung tao ang tinataniman”

Sino si Joel Demate?

Bukod sa mga pagtatanghal, nagsalita rin ang pamilya ni Joel bilang pagpapakilala sa kanya.

Ayon sa asawa niyang si Cora Demate, dahil naiintindihan ni Joel ang kalagayan ng mga manggagawa ay naging mabilis lang sa kaniya na magdesisyon na buong panahong mag-organisa sa hanay ng mga manggagawa.

“Halos hindi na nga umuuwi si Joel sa amin dahil nakikitulog na siya sa mga bahay ng mga manggagawang inoorganisa niya,” ani Cora Demate.

Taong 1980 unang naorganisa si Joel sa ilalim ng grupong Young Christian Workers (YCW) kung saan rin niya unang nakilala ang kaniyang asawa.

Nagtuloy-tuloy ang kaniyang buhay bilang organisador hanggang taong 2004. Itinayo nila ang Solidarity for Labor and Rights Welfare (SOLAR), isang organisasyong kinapapalooban ng lahat ng mga unyon sa Muntinlupa, Taguig, Parañaque, Pasay, at iba pa. Bagama’t may panahong nagpahinga dahil sa naging karamdaman, agad namang bumalik sa pag-oorganisa si Joel noong taong 2011 at tumulong sa iba’t ibang isyu ng mga manggagawa.

“Halos tatlumpung taon na siyang naglilingkod bilang organizer ng mga manggagawa, halos kalahati ng buhay niya… (kaya) ‘yung ginawa nila hindi talaga makatao,” dagdag pa sa pahayag ng kaniyang asawa.

Nagtapos ang cultural night sa pagkanta ng mga dumalo sa “Awit ng Pag-asa” ng Tambisan ng Sining habang hawak ang mga sulo bilang simbolo ng kanilang nag-aalab na galit sa mga inhustisya kaliwa’t kanang atake sa batayang karapatang pantao.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here