Kung may naramdaman man ang masa sa pamumuno ni Presidente Duterte sa minamahal kong bayang Pilipinas, iyan ay ang pag-usbong ng kanyang mga DDS (Diehard Duterte Supporters; unang sumikat bilang mga inisyal ng notoryus na Davao Death Squad) sa kultura, lipunan, pulitika, sikolohiya, at kamalayang Pilipino. Bilang isang grupo, binigyan nila ng bagong kabuluhan ang kilusang propaganda dahil ginamit nila ito upang hikayatin ang taumbayan na suportahan ang kanyang gobyerno.
Lumabas ang mga DDS sa kasagsagan ng halalan noong 2016 sa pamamagitan ng paggamit sa internet at social media bilang paraan ng kanilang pangangampanya para kay Duterte.
Dahil sa demokratisasyon ng pamamahagi ng impormasyon, ginamit nila ang bagong midya at maging ang katangian at mga taktika ng kilusang masa upang iparating sa lahat ng Pilipino ang kanyang mensahe at maging ang kanyang mga pag-atake sa establesimientong pulitikal.
Kaya naman, naging madali ang pagpasok niya sa imahinasyon ng mga ordinaryong mamamayan habang nagulat ang mga tagapagtanggol ng establesimiento sa kanyang pag-usbong mula sa pagiging alkalde ng Lungsod ng Davao hanggang sa pagiging presidente ng minamahal kong Pilipinas.
Nakatulong ang propaganda ng mga DDS sa pagkaupo ni Duterte bilang presidente dahil ginamit nila ang kapangyarihan at potensyal ng social media upang bumuo ng isang kilusang masa na nakabatay sa mga pundasyon ng Dutertismo, kaya tinitiyak ko sa mga oras na ito na sila ang kanyang tunay na pamana para sa minamahal kong Pinas.
Ayon sa mga datos mula sa mga social media accounts, 200,000-250,000 Pilipino ay kasama sa mga grupong sumusuporta sa presidente habang 65,000-75,000 sa kanila ay mga ordinaryong mamamayan. Naniniwala ako na hindi puwedeng isantabi ang mga datos na iyon dahil ipinapakita nila ang epekto ng pagpasok ng Dutertismo sa puso at diwa ng bawat Pilipino. Ito ang tawag ng mga sosyolohista at siyentistang pulitikal sa katangian ng pamumuno at pamamahalang dinadala ni Duterte.
Tatalakayin ng kolumn na ito ang mga dahilan ng paghahangad nila para sa isang lider na handang pumatay para sa kanila at ang kahalagahan ng propaganda ng DDS sa kabalintunaan para sa kamulatang pulitikal at kamalayang panlipunan ng mga Pilipino bilang paalala na hindi sila ang tunay na kaaway ng masa. Kung sabagay, hindi naman talaga masama ang pagkilala sa kaaway sa pamamagitan ng pagkilala sa mga motibasyon at disposisyon ng mga puwersang nagpapalakas sa kanya.
Sa kanyang kolumn para sa pahayagang Business World noong Hunyo 27, nagbigay ang ekonomistang si Andrew J. Marasigan ng tatlong matinong paliwanag hinggil sa pagpasok ni Duterte sa sikolohiya at kamalayan ng ordinaryong mamamayan. Nakaligtaan lang niya na ang mga paliwanag na iyon ay ang mga pangunahing pundasyon ng kanilang mainit na pagtanggap sa Dutertismo bilang isang uri ng pamumuno at pamamahala na nakasandig sa pagtatakwil sa Bagong Demokrasya.
Una, matagumpay na inialok ni Duterte ang kanyang sarili sa panahon kung kailan hinahanap ng mayorya ang isang lider na may political will, may matapang na solusyon at mabilis na aksyon nang hindi hinahadlangan ng mababagal na mga prosesong burukratiko at/o demokratiko, at kumakatawan sa kanila at hindi sa mga elitista’t oligarko. Dahil sa pagkadismaya nila sa mga kabiguan ni PNoy at iba pang mga presidente pagkatapos ng unang pag-aalsang popular sa EDSA noong 1986, ipinagpalit nila ang Daang Matuwid at maging ang Bagong Demokrasya para sa Dutertismo.
Ikalawa, nakikita ng mayorya na nagpapakatotoo siya. Sabi nga sa Ingles, what you see is what you get. Wala siyang bahid ng pagkukunwari at hindi na siya kailangang ayusan para magmukhang perpekto. Tumutugma umano ang kanyang mga pananalita sa kanyang mga kilos, kaya naniniwala ang marami sa kanyang mga tagasuporta na si Duterte ay “isa sa atin” dahil ipinapahayag niya ang kanilang itinatagong mga hinanakit at sama ng loob sa establesimientong nagpapahirap sa kanila. Ikinukumpara siya kay PNoy na mayroon ngang integridad ngunit wala namang pakialam sa masa dahil sa kanyang pagiging asendero.
Panghuli, nararamdaman ng marami ang kanyang sinseridad at ang kanyang malasakit para sa kanila dahil simple ang kanyang mensahe para sa taumbayan. Nakuha niya ang atensyon at imahinasyon nila dahil ipinakilala lang naman niya ang kanyang sarili bilang huling baraha para sa tunay na pagbabago at bilang presidente na magwawakas sa paghahari-harian ng mga oligarko na kinakatawan noon ni PNoy, kaya lumalabas ang kanyang Messianic complex o ang pakiramdam ng isang tao na kailangan niyang lutasin kahit ang kumplikadong mga usapin. Kaya naman, naniniwala sila na hindi na niya kinailangang magpaligoy-ligoy gaya ng mga akademiko at intelektwal dahil nauunawaan naman nila na ang paglutas sa problema sa droga at kriminalidad ang susi sa tunay na pagbabago sa minamahal kong Pinas.
Samakatuwid, ang Dutertismo ay sumasalamin sa pagtatakwil ng mayorya sa Daang Matuwid at sa Bagong Demokrasya sa pangkalahatan noong 2016. Hindi magiging presidente si Duterte kung hindi ginamit ng mga DDS ang katangian at ang mga taktika ng kilusang masa at magbahagi ng mga propaganda na pumapabor sa kanya para iparating sa mga ordinaryong mamamayan ang mensahe ng pagbabago.
Batay sa aking personal na mga obserbasyon at pagbabasa sa mga social media accounts na sumusuporta kay Duterte at kay dating Senador Bongbong Marcos, isinasabuhay ng mga DDS ang mga prinsiyo na itinuro ng ama ng public relations na si Edward Louis Bernays pagdating sa propaganda. Ayon sa kanya, ang propaganda ay isang tuloy-tuloy na pagsisikap para maimpluwensyahan ang mga pangyayari sa isang lipunan sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga tao at paghuhubog sa kanilang mga opiniyon, asal at pananaw sa mga paraang hindi nila nalalaman gaya ng mga paniniwala ng kanyang tiyuhing si Sigmund Freud na kinikilalang ama ng psychoanalysis. Ito ay nangangahulugan na hindi nila dapat mabatid na sila ay ginagamit ng isang gobyernong hindi nila nakikita. Kakaiba ang kanyang mga taktikang propaganda dahil tumataliwas ang mga iyon sa mga tradisyonal na prinsipyo at gawi ng marketing at advertising.
Maaring lingid ito sa kaalaman ng lahat ngunit siya ay inatasan ng United Fruit Company na maglatag ng mga taktikang propaganda upang galitin ang mga pulitiko, sundalo at ordinaryong mamamayan ng Guatemala laban sa kanilang presidenteng si Jacobo Arbenz dahil lang sa mga batas na nagtataguyod sa mga karapatan ng mga manggagawa. Ang mga taktikang iyon ay nagbigay-daan para sa pagpapatalsik kay Arbenz sa puwesto sa isang madugong kudetang militar noong 1954.
Naniniwala si Bernays na magiging epektibo ang propaganda sa isang kaayusang demokratiko kapag nararamdaman ng mga kasapi ng isang grupo ang kanilang lakas at importansya. Sa pagtanggap nila sa mga prinspyong ipinaglalaban ng kinabibilangan nilang grupo, nawawala ang kanya-kanyang mga personalidad at pagpapahalaga ng mga kasapi nito sa paraan na hindi nila nalalaman.
Kaya naman, naniniwala ako na ang buong-puso at panatikong pagsuporta ng mga DDS kay Duterte ang nagbubuklod sa kanila bilang isang kakaibang kilusang propaganda sa kabila ng kawalan ng malinaw na istrakturang organisasyonal at ideolohiyang panlipunan at pampulitika.
Marahil, sinusuportahan nila ang presidente dahil dinadala niya ang mga hangaring ipinaglalaban nila ngunit hindi nila nakamit sa paikot-ikot na mga proseso ng demokrasyang elitista. Madali nilang mahihikayat ang mga tao na suportahan siya sa kabila ng kanyang mga kabiguan at mga atraso sa taumbayan dahil hindi nila nababatid na pinagsama-sama ng Dutertismo ang kanilang mga kagustuhang sumali sa pagpapatakbo ng establesimiento at kanilang pagkadismaya sa kabiguan ng naturang uri ng demokrasya na tuparin ang ipinangakong bagong kaayusang panlipunan na nakabatay sa katarungang panlipunan, kalayaang pang-ekonomiya, at pagbabagong pampulitika.
Batay sa aking mga obserbasyon hinggil sa diskursong pulitikal at sibil, lumalabas na maraming DDS dahil nararamdaman nila na kakampi nila ang kasalukuyang rehimen. Ayon sa kanila, nakakalakad na sila sa gabi nang walang pangamba para sa kaligtasan nila at ng kanilang pamilya dahil pinapatay ang mga “adik” at maging ang mga “pulahan.”
Kaya naman, hindi ko sila itinuturing bilang mga uto-utong tao na may mababang antas ng kamulatang pampulitika at kamalayang panlipunan dahil mayroon silang lehitimong dahilan para suportahan si Duterte. Sang-ayon sa dikta ng kanilang mga emosyon, ipinagtatanggol nila ang kanilang pasiya sa gitna ng mga protesta laban sa kanyang gobyerno gaya ng kanilang pagbibigay-katuwiran sa pagpasok nila sa mga nakalalasong relasyon. Masasaktan kasi sila kapag dumating ang realisasyon hingil sa paggamit ng isang tatak ng pamumuno sa kanilang mga hinaing kahit naniniwala pa sila ito ang solusyon sa mga problema ng minamahal kong Pinas.
Patuloy na lumalabas ang mga side effects ng Dutertismo at maging ng propaganda ng DDS sa kultura, lipunan, pulitika, sikolohiya, at kamulatang Pilipino sa gitna ng pandemya kaya dumarami ang mga mamamayan na nanghihinayang sa mga bagay na nawala sa minamahal kong Pinas sa ilalim ng gobyernong Duterte.
Gayunman, naniniwala ako na hindi maaring balewalain ng mga mamamahayag, propagandista, at komunikador ang patuloy na ebolusyon ng DDS bilang isang kilusang propaganda dahil ito ay isang nabubuhay na halimbawa ng matagumpay na pagpapatakbo sa puso at isip ng mga tao sa paraang hindi nila nalalaman. Nararapat na manatili ang DDS bilang negatibong leksyon pagdating sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagmomobilisa sa masa. Sa madaling salita, ang DDS ang daluyan ng suportang popular para sa gobyernong Duterte.
==
Si J.V. Ayson ay isang mag-aaral sa ikatlong taon sa Bachelor of Arts in Communication sa Trinity University of Asia.