Ang kuwentong represyon at labor malpractices sa loob ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela ay hindi na bago sa tainga naming mga estudyante. Noong nabasa ko ang mga inilabas na kuwento ni Jerry Gracio mula sa mga hindi nagpakilalang PLVian, napagtanto ko noong oras na iyon na kailangan na matigil ng represyon sa loob ng Pamantasan.
Kung kaya’t ibabahagi ko ang aking kuwento, sa kagustuhang hindi na ito mangyari muli sa iba pang PLVian, o sa kahit sinumang estudyante.
Ako si Eloisa Mesina, at sa pagkakataong ito, hindi na ako magpapauto at matatakot.
Bago pa ako pumasok ng Pamantasan, labis na talaga ang pagkasabik kong matuto, dahil, sa wakas, magkakaroon na rin ako ng espasyo kung saan mas matututo ako sa mga isyung sosyopolitikal dahil nasa ilalim ito ng istrand na HUMSS. Pero maaga pa lang ay may mga paalala na agad ang mga kakilala kong estudyante sa loob na mayroong nagaganap na represyon sa loob ng campus. Halimbawa nalang ang ibinilin ng admin kung ano ang nais nilang nilalaman ng papel ng The PLV Chronicle sa SHS (Achievements lamang ng PLV) at sa mga ‘espiyang’ nagmamanman sa mga Facebook ng estudyante. Ang kaso kasi, puwede ka naman daw maging pulitikal, basta siguraduhin mong ang mga sentimento mo ay hindi kontra administrasyon, mapa-gobyerno man ito o PLV.
Naranasan ko ang warning nila, kahit sa maliit na bagay. Noong Hunyo 25, 2019, pinatawag ako sa opisina dahil sa comment ng nanay ko sa Facebook na sumasang-ayon siya sa isang nanay na ‘mabaho’ ang CR sa Dalandanan National High School o DNHS. Ang sabi ng principal ay hindi naman daw ito mabaho at huwag magsabi ng ganoon dahil nakakahiya raw sa DNHS. Nadama ko na nais nila itong ipa-delete kaya sumunod lang ako. ‘Walang problema.
Lumipas ang ilang buwan at nasanay na ako sa sistema sa loob ng Pamantasan. Kapag tungkol sa pulitika o kay Mayor Rex ang usapan, kailangan pa naming makipagbulungan sa aming guro. Kapag may inconveniences kaming nararanasan, hindi na ito dinudulog ng aming guro sa mga admin dahil ‘tanggapin na lang at tiisin’ kaysa magalit pa sa amin.
Simula pa lang, nabalitaan ko na ang pagkakaantala ng pasahod sa aking mga guro at hindi ako makapaniwala na kahit may krisis sa COVID-19, nagagawa pa din nilang abusuhin ang mga ito. Pero linunok ko lang ang mga salitang ito at nagpatuloy sa aking pag-aaral.
Noong September 16, 2019, abala ang mga kaklase ko sa paghahanda para sa aming dula na gaganapin sa Valenzuela City Center for The Performing Arts o VCCPA Auditorium. Nasa People’s Park kami noong sinabihan ako ng kaklase ko na may nagsasagawa ng protesta sa Caltex. Pinuntahan ko ang kanilang puwesto at nakitang walang pagkain/kape o kahit tubig man lang. Pero ano nga bang magagawa ng mga tsuper na nagsakripisyo ng isang araw ng pamamasada? Bumili ako sa malapit na bakery ng tinapay at isang galon naman ng tubig sa Mercury. Nakipag-usap lang ako saglit, sinubukang sumabay sa kanilang chant, tapos umulan, kaya umuwi na ako.
Makalipas ang apat na araw, nakapag-set ng appointment ang kaibigan ko kay Mayor Rex ng alas-otso ng umaga. Ngunit ang nakuha lang naming mga sagot ay nasa ideyang “law is law”. Naparatangan pa si Kuya Raynaldo “Eman” Valenzuela na isang New People’s Army (NPA) at terorista. Pinaabot ko lang ang katanungan ng mga tsuper, at pinaabot ko din sa kanila ang mensahe ni Mayor Rex. Hindi ko naman inakala na may magaganap na red-tagging sa pagpapaintindi sa sitwasyon ng mga naghahanapbuhay na mga tsuper na naiipit lang sa bagong panukala.
Setyembre 25, 2019. Tumawag ang admin sa magulang ko nang walang pasabi sa adviser ko, maski sa akin. May meeting daw sa Setyembre 26, pero coding ang nanay ko noon kaya naurong kinabukasan, Biyernes.
Setyembre 26, 2019. Nakumpirma ko na tungkol sa PISTON strike ang rason kung bakit tinawag ang nanay ko. Nalaman ko rin na may mga ipinatawag ding mga estudyante ng Grade 12 dahil sa kanilang Facebook posts na pulitikal.
Sabi ng adviser ko, may litrato raw ako na naka-uniform kasama ang mga jeepney drivers. Pina-background check na daw ako at ang pamilya ko ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, ang pangunahing tagapagsagawa ng intelligence ng Philippine National Police (PNP). Sabi naman ng isa ko pang teacher, maglalagay din daw sila ng intel [intelligence] sa araw ng play naming para magmanman. Baka raw kasi ma-recruit ako ng NPA. Ang sabi rin niya, na-hypnotize raw ako ng mga jeepney drivers.
Sinabi niya rin na sa Caloocan, may 25 raw na dinakip ng NPA. Ang quota raw ng insider na NPA sa PLV ay 100 katao, at target nito ang mga matatalino. Iniisip nila na makakasama raw ako dahil magaling daw ang NPA magmanipula. Tinanong ko kung paano nila nalaman at nakuha ang eksaktong bilang, pero ngumiti lang ang guro ko sa akin.
Setyembre 27, 2019. Sinabihan ako ng guro na kausap ko kahapon na gusto na raw akong ipa-kickout ni Mayor Rex. Tinanong niya ako kung ako raw ba ang nag-isip ng aming play at tinanggi ko ito. Ang katotohanan, binoto ko ang reenactment ng Martial Law (halimbawa, istorya ni Liliosa Hilao) ngunit napili ng majority sa amin ang isyu ng mga magsasaka. Pinagsama-sama namin ang istorya ng Sagay 9 at Negros 14 at nagdagdag ng panibagong istorya para sa batang naging witness noong massacre sa Sagay 9. Tinanong din kami ng aming guro kung mayroon daw ba kaming pinapatamaang politiko. Pero, wala naman kaming binanggit na batas o pulitiko sa dula.
Setyembre 30, 2019. Inanunsyo ng aking guro na rejected ang aming play ayon sa mga admin. Ang pagkakaintindi nila sa iskrip ay pagrerebelyon. Pero base sa totoong buhay ang pinili naming istorya, hindi ito gawa gawa lang at walang may balak sa aming mag-rebelde. Pinagbintangan nila ako na ako raw ang nag-isip ng title, script, at ng buong ideya. Direktor namin ang nagdesisyon sa title, mayroon kaming dalawang scriptwriter, at uulitin ko, hindi ko binoto ang isyung magsasaka para sa play.
Kinausap ng adviser ko ang principal, si Ma’am Bribon, at kinumpirma niya na pinaghihinalaan daw akong NPA ng admin.
Dagdag pa nito na nakaabot daw sa kanila ang aking pag room-to-room (RTR) sa apat na seksyon. Ginawa ko ito upang imbitahin sila para sa isang outreach sa Sitio San Roque (SSR). Base sa nakikita kong activities na ginawa nila at nakasama ako, puwede magpalaro, mural paint, storytell, at mag-perform sa harap ng mga bata at ibang residente. Ang pangalawang pagkakataon na ako’y nag-RTR ay noong pinaliwanag ko ang dahilan kung bakit may matagalang strike sa Valenzuela at nationwide (NCAP at Jeepney Phaseout). Nakaabot din sa admin na ako’y nag-RTR para magbenta ng medyas. Bagay na ginagawa ko para makatulong sa aking kaklase na working student, hindi mangrekrut.
Ngayon, iginiit ni Ma’am sa aking adviser na ang Sitio San Roque ay matatagpuan sa Bulacan. Nasa Quezon City ito, katapat ng Pisay. Binahagi naman ng aking adviser kay Ma’am ang kalagayan ng maralitang komunidad na iyon. Sila iyong mga lumabas sa EDSA at nagsabing nagugutom na sila noong lockdown.
Oktubre 1, 2019. Inimbita ng administrators ang mga magulang ng HUMSS 11 & 12 sa Maysan sa darating na ika-3 ng Oktubre. Sa araw din na ito, bawal na lumabas ang Senior High School (SHS) hangga’t hindi pa pumapatak ang uwian. Upang ma-appease ang mga bata, ikinakalat ni Ma’am Ofelia sa STEM na mayroong mga pulis sa labas dahil may katulong daw ang NPA sa labas at may mga estudyante raw na sumasali ng NPA. Binanggit din na may quota itong 100 na estudyante. Lumayo rin daw sila kung mayroong mag-aaya, lalo na raw at mabilis makumbinse ang mga Grade 11.
Imbes na kwestyunin ng mga mag-aaral ang lockdown sa SHS, sumusunod nalang sila dahil kumbinsido sila na para ito sa kanilang ‘safety’.
Nagbigay ng litrato sa akin ang isang karinderya na walang laman ang kanilang kainan, nagbigay din sila ng promo para magpa-deliver kami sa loob. Sa isang interbyu namin sa mga maliliit na hanapbuhay kalapit ng Annex noong Nobyembre, nasa 40-70% ang nawala sa kanilang kita simula nang bawal na lumabas ang SHS.
Pinaliwanag ko sa may-ari ng isa sa mga sikat na kainan ang dahilan, at noon niya tinanong, “Kung totoong may threat sa safety ng mga bata, bakit walang pulis dito sa labas?”
Iginiit niya rin na maliit na eskinita ang daan malapit sa Annex, malalaman daw nila kung may idadakip na bata. Isa pa, mawawala rin daw ba ang mga teroristang nandadakip pagsapit ng uwian naming 12:30PM? Dito namin napagtanto na scare tactic lamang ang hindi pagpapalabas sa amin.
Ang desisyon nila na ito ay nagresulta sa kawalan ng pagpipilian ng mga bata sa pagkain at pagbaba ng kinikita ng maliliit na karinderya at tindahan malapit sa PLV Annex.
Maraming kuwento ang canteen sa PLV, kasama na noong may ipis ang pagkain na in-order ng aking kaklase. Alam ito ng principal at sinabing kahit siya raw ay hindi kumakain doon. Pati ang aking mga guro ay mas gustong kumain sa labas. Hindi nila alam na sa kagustuhan nilang patahimikin ang mga estudyante, nakakaapekto na sila sa mga ordinaryong mamamayan.
Nag-RTR si Ma’am Bribon sa Engineering building at inuna ang klase namin. Sinabi niya na mayroon daw isang estudyante na nag-iikot sa eskwelahan para mang-rekrut. Alam naming lahat na ako ang tinutukoy niya.
Tinaas ko ang aking kamay at sinabi, “Ma’am, please stop referring to me as ‘the student’. I have a name.”
Sinabi niya na nagrerekrut nga raw ako.
Nagsalita ako muli at sabi ko, “With all due respect Ma’am, I have never recruited anyone. Opo, nag-invite ako to an outreach, not to an organization.”
Ang sabi niya ay pareho lang daw yun. Umupo na lang ako at nakinig sa speech niya. Pinaalalahanan niya kami na kami daw ay anak ng Diyos at kung gaano niya kami kamahal bilang isang principal.
Pagkatapos ng kanyang speech, may pinapirmahan ang aming class president kaya naupo muna siya sa harap ng klase.
Linapitan ko siya at tinanong, “Ma’am, when do you plan on meeting me? Isang linggo na po kayong gumagawa ng aksyon regarding the issue pero never niyo ako kinausap.”
Sumagot siya ng, “Kinausap mo ba ako noong nag room-to-room ka?”
Sinagot ko, “Ayun nga Ma’am ang problema. Eh ‘di, dumaan po tayo sa due process base sa MOU [Memorandum of Understanding]. Kausapin niyo po ako.”
Sinabi lang niya na may ginagawa raw siya. Lumabas siya ng classroom at nag-RTR sa buong HUMSS, GAS at ARTS.
Ayon sa narinig ng estudyante sa ibang seksyon, ganito ang linyahang sinambit ni Ma’am Bribon, “Siyempre bata, tutulungan niyo, maaawa kayo, masisiyahan kayo, pero nasa dulo ang kapahamakan.”
Ilang beses na akong nakapunta sa Sitio San Roque pero ni-isang beses ay hindi ako napahamak. Mababait ang mga bata, nanay, at matatanda doon, may libre pa ngang tanghalian na hinahanda sa center. Urban poor community ito na nangangailangan ng tulong, bakit kailangan siraan ng admin?
Dinagdagan pa ito ng isang guro at sinabi sa kanyang klase, “I discourage you all na pumunta ng San Roque. Akala niyo pa-games lang ang gagawin.”
Pagkatapos ng kanyang pagkalat ng pekeng impormasyon sa buong building, naupo na ako sa kanyang opisina. Tinanong niya ako kung naniniwala raw ba akong maganda ako, nalito ako pero um-oo rin.
Pagkatapos, sabi niya, “Look at you! You’re an asset!”
Dagdag niya pa na, “Maganda ka, matalino, confident, magaling gumawa ng pera, mapagbigay.”
In short, mapusok daw ako at easy target ng NPA. ‘Asset’ daw ako kung sakali at ‘perfect’ kung dakpin ng NPA.
Tinanong ko rin siya, “Ma’am, bakit naman po may nag-aabang sa akin na PNP mobile na naka-black tint buong araw?”
At biglang sagot niya sakin ay, “O tamo, ayan napapala mo, na-PNP surveillance ka tuloy.”
Napansin ko kasi noon na may police mobile sa sakayan ko sa umaga at sa babaan ko sa hapon, kahit gabi pa ako umuwi. Hindi sila nagsasabay.
Kahit sino ay magiging praning kung pinaparatangan kang NPA ng paaralan mo. Dahil dito, kinabahan ang aking pamilya, umabot pa sa puntong nais nila ako lagyan ng tracking device. Ganunpaman, alam nila na dahil ito sa pananakot ng Pamantasan, hindi dahil naniniwala silang may NPA.
Napaliwanag na ng nanay ko kung paano ang buhay ko simula Grade 10 noong meeting nila noong Setyembre 27. Parte ako ng KATRIBU (org. para sa mga katutubo at ang kanilang self-determination), at sinusubukan ko tumulong sa kahit anong paraan na kaya ko dahil bihira lang ako nakakarating sa malalayong lugar (Hal. SSR/Bakwit School). Alam ng nanay ko ang lahat.
Sinabi ni Ma’am Bribon, bakit daw ‘chill’ lang ang nanay ko samantalang ang mga pinatawag na magulang sa Grade 12 ay umiyak. Ganoon daw ba ako ka-“uncontrollable”? Kaya nagtaka ako, ano ba ang ginawa kong masama?
Kung tunay daw akong matalino, mag-experiment daw ako. Iwanan ko raw ang KATRIBU at Sitio San Roque, tingnan ko raw kung hahanapin ako. Hindi naman daw ako kawalan. Pinaratangan niya ring mga NPA ang mga Lumad. Para sa akin, lahat ng redtagging na ito ay masakit dahil marangal silang mga tao.
Naiipit na nga sila ng sistema, iniipit pa lalo para hindi sila mapakinggan. At ngayon, kasama na ako doon.
Sinabi ko na hindi naman ako pinapaalis ni Mama palagi papunta sa organization ko. Pinapa-Grab ko ang mga nakakalap kong donasyon mula dito sa Valenzuela.
Nag-sorry din ako sa nagawa kong pag-RTR. Oo, sketchy iyon tignan, pero kung may ganitong pangyayari, dumaan sila sa due process. Kausapin nila ako, mag imbestiga. Pero sariling MOU hindi nila masunod. Hindi na kailangan madamay ng San Roque dito. Sinabi ko kay Ma’am na tanggap ko ang kahit anong punishment sa aking pag-RTR. For expulsion nga daw iyon at hinanap niya ito sa MOU, pero ilang minuto rin ang nakalipas nung sinabi niyang, “Basta nakatago ‘yan diyan.”
Tinanong niya rin ako kung ilang taon na ako, sabi ko 17 at sinabi niya namang siya daw ay 64. Papunta pa lang daw ako, pabalik na raw siya. May pinsan na raw siyang namundok at 1st year college raw siya noong 1972 Martial Law. Ayaw niya raw makakita ng PLVian na kinidnap ng makakaliwa sa balita. Pinapatigil niya ako, manahimik na raw ako pero sabi ko gusto ko pong tumulong. Sabi niya, dito na lang daw ako sa Valenzuela tumulong. Tutal kating-kati raw ako tumulong, isasali niya raw ako sa kahit anong organization (Kahit PLV Singers daw) or puwede raw ako bumuo ng organization under Supreme Student Council ng college. Imbes din daw na kumilos ako, magdasal nalang. Isa lang daw ang paraan para tumulong, ang magdasal. Isa pang beses na gumawa daw ulit ako ng aksyon, papaalisin na daw ako sa PLV.
Oktubre 3, 2019. Sinabi sa akin ng aking guro na nakipag-meet na si Ma’am Torralba sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Ngayong araw din ang meeting ng parents ng HUMSS 11 & 12 sa Maysan. Nalaman naming pag-uwi, sa mga litratong kinuha ng magulang ng aking kaklase, na puro black propaganda at fake news ang pinakita ng AFP sa aming mga magulang. Umabot sa punto na ayaw na paaralin ang kaklase ko sa UP o PUP ng kanyang magulang. Dito pa lang, nakikita na namin ang pagtatagumpay ng kanilang mga desperadong aksyon.
Kahit noong 2019 pa ito nangyari, ang kanilang mga ginawa ay nagkaroon ng malaking epekto hindi lang sa aking learning environment, kung hindi ay sa mga sumunod na buwan sa loob ng Pamantasan. Rinig mo ang aming katahimikan. Ngunit kahit ganoon ay naiintindihan ko bagkus hinubog lamang kami ng Pamantasan maging takot, kung kaya’t sa mga simpleng anonymous account ay saludo na ako.
Ang represyon na isinailalim ako ay patunay lang kung gaano kagaling magmanipula ang mga tagapangasiwa ng PLV upang mahubog ang situwasyon na naaayon sa kanilang naratibo. Takot sila sa estudyanteng marunong bumuo ng opinyon sa nangyayari sa lipunan kaya sinimulan na nila ito nang nakakita sila ng batang nais lamang magsagawa ng outreach. Sa batang nagabot lamang ng tulong sa mga taong nangangailangan.
Nananawagan ako kay Mayor at sa mga admin. Ang hinihiling namin ay ang magkaroon ng kalayaang pang-akademiko ang mga estudyante at guro at mangyayari lang ‘yon sa pamamagitan ng pagreporma ng MOU at pagiging bukas sa dayalogo sa mga isyung panlipunan at isyu sa loob ng unibersidad.
Ang patakaran katulad ng #12 Bringing dishonor to the university ay naaabuso dahil sa hindi malinaw at espisipiko na grounds. Nagagamit ito ng mga admin sa mga simpleng reklamo o aktibidad na makatwiran. Natitigil ang progreso ng paaralan dahil pilit nitong pinatatahimik ang mga guro at estudyante.
Mahal ko ang Pamantasan. Dito ko nakilala ang pinakamabait at matalino na mga kaklase at guro. Puno ng talento, ideya, at pagmamahal sa bayan na hindi matatawaran ng iba. At kailanman ay hindi tatalikuran ng kabataang PLVian ang gampanin nito bilang mga pag-asa ng bayan. Kaya tama na ang represyon at pagpapatahimik.
Oras na para kayo ay makinig, kumilos, magbigay ng ligtas na espasyo para sa malayang kaisipan at pamamahayag.
Ika nga ng PLV Hymn, “Mabuhay, mabuhay, pag-asa ng bayan.”