Sa araw na ito ay nagpupugay kami sa lahat ng kapwa bilanggong pulitikal sa buong bansa sa kanilang mga pakikibaka. Nagdadalamhati naman kami sa pagkapaslang kamakailan ng militar at pulisya sa 14 kababayan sa Batangas; sa 14,000 napaslang sa “giyera kontra-droga”; sa mga nabiktima ng Martial Law at giyera sa Marawi na halos kalahating milyong nagbakwit, mahigit isang libong sibilyang napatay, 10 komunidad sa Mindanao na binomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US kung saan apektado ang 348,772 katao, 89 eskwelahang Lumad na hinaras at isinasara ng gobyerno at naapektuhang halos tatlong libong estudyante; ang 121 bagong naaresto sa panahon ng rehimeng US-Duterte (mula sa kabuuang 449 bilanggong pulitikal) sa buong bansa; at iba pang biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa buong bansa sa mahigit isang taon ng rehimeng US-Duterte. Ginugunita natin taun-taon ang Disyembre 3 bilang Araw ng Pakikiisa sa mga Bilanggong Pulitikal mula nang ideklara ito ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) noong 2004.

Kami ay nilulupig sa pulitika at pinalalabas na kriminal ang aming pampulitikang pagkilos. Lahat kami ay pinagkakaitan ng istatus na bilanggong pulitikal. Gawa-gawa ang mga kasong kriminal na isinampa sa amin. Nakaranas kami ng iba’t-ibang tipo ng tortyur. Ang marami sa amin ay matagal nang nakakulong. Nasasadlak kami sa di-makataong kalagayan sa bilangguan. Ibinubukod kami sa iba pang bilanggo at pinagkakaitan kami ng ugnay sa kanila. Nalalabag ang aming mga karapatang nakasaad sa Stand Minimum Rules for Treatment of Prisoners (SMRTP) ng United Nations noong 2015.

Hinuhuli ang mga kapatid na Moro dahil sa kanilang paniniwala, pagtutol sa Bangsamoro Basic Law, pagtatanggol sa lupang ninuno at pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili.

Naglulunsad kami ng iba’t ibang porma ng pakikibaka sa bilangguan para sa aming paglaya at mga karapatan. Bahagi kami ng nakikibakang mamamayan para sa lipunang makatarungan, malaya, progresibo at maunlad at para sa pagpapasya-sa-sarili ng Bangsamoro at iba pang katutubo. Kasama kami sa paglaban sa pananalasa ng mga neoliberal na patakaran ng dayuhang monopolyo kapital at tumitinding tiraniya ng rehimeng US-Duterte.

Bilang nga bilanggong pulitikal ay ipinaglalaban namin ang ss:

  • Itigil ang “giyera kontra-droga”, Oplan Kapayapaan at islamophobia at giyera kontra-Bangsamoro!
  • Itigil ang panlulupig sa pulitika, ilegal na pang-aaresto at pagkukulong at iba pang paglabag sa karapatang pantao!
  • Itigil ang kriminalisasyon ng mga pampulitikang pagkilos at kilalanin ang istatus ng mga bilanggong pulitikal!
  • Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng general at unconditional amnesty! Kagyat na palayain ang mga matatanda, maysakit, kababaihan, menor-de-edad at matagal na nakakulong!
  • Itigil ang solitary confinement at iba pang tipo ng pagbubukod! Itigil ang tortyur at parusahan ang mga nagpatupad nito!
  • Kilalanin ang mga karapatan ng mga bilanggo na nakasaad sa SMRTP! Ipawalambisa ang  Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Comprehensive Operations Manual ng 2015 at mga probisyon ng mga batas na lumalabag sa karapatan ng mga bilanggo!
  • Ipawalambisa ang terrorist listing ng Communist Party of the Philippines, National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at New People’s Army at ang Proclamation 360! Ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan! Igiit ang patuloy na bisa ng The Hague Declaration, JASIG at Comprehensive Agreemnt for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ng negosasyong pangkapayaan ng Government of the Philippines (GRP) at NDFP at lubusin ang kasunduan sa repormang sosyo-ekonomiko!

Mga Bilanggong Pulitikal

Camp Bagong Diwa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here