Ang pahayag na ito ay bahagi ng pahayag ng Departamento ng Filipino ng De La Salle University-Manila sa Paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa noong Agosto 2014.

_______________________________________________________

Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa. Dahil sa pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo bunsod ng Commission on Higher Education/CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, nagpasya ang Departamento ng Filipino na gawing higit na katangi-tangi ang paggunita sa Buwan ng Wika sa taong ito sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga adbokasiyang pangwika. Magsasagawa ang Departamento ng mga gawaing naglalayong imulat ang ating komunidad sa kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal na wikang panturo lamang ang wikang Filipino sapagkat alam naman nating mas nakakiling sa Ingles ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas…

Malaki ang pangangailangan sa paglilinaw at pagsusulong ng adbokasiyang pangwika sapagkat mula pa noong Enero 2013 ay nakikipagdiyalogo na ang Departamento sa administrasyon ng pamantasan upang hilingin na panatilihin sa kurikulum ng DLSU ang asignaturang Filipino, ngunit hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng lahat ng ating pagsisikap na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, hindi pa rin isinama ng Komite sa New Lasallian Core Curriculum (NLCC) ang asignaturang Filipino. Gayunman, sinusuportahan ng Komite sa NLCC ang opsyonal na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa alinmang asignatura sa bagong kurikulum. Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal na wikang panturo lamang ang wikang Filipino sapagkat alam naman nating mas nakakiling sa Ingles ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas dahil na rin sa ating pinagdaanang malalim at matagal na kolonisasyon ng mga Amerikano. Hindi rin magiging mabisang wikang panturo ang Filipino sa Agham, Matematika, Inhenyeriya, Komersyo, Agham Panlipunan, Humanidades, at iba pa, kung walang asignatura sa kolehiyo na magtitiyak sa pagkakaroon ng mataas na antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa paggamit nito sa intelektwal na diskurso, komunikasyon, at pananaliksik. Samakatuwid, ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ay matitiyak lamang kung may asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo sa kolehiyo.

…ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ay matitiyak lamang kung may asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo sa kolehiyo.

Sa ganitong diwa, hinihiling namin sa komunidad ng ating pamantasan na suportahan ang adbokasiya ng Departamento na adbokasiya rin ng libo-libong mamamayan sa buong bansa at maging sa ibayong-dagat.

Una, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay nakapag-aambag sa pagiging mabisa ng community engagement ng ating pamantasan sapagkat ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Ang pagpapalakas sa ugnayan ng ating pamantasan at ng mga ordinaryong mamamayan ay alinsunod sa bokasyon ni San Juan Bautista De La Salle na nagsikhay sa paggamit ng wika ng mga ordinaryong mamamayan sa edukasyon. Dapat bigyang-diin na ang Filipinisasyon ng mga pananaliksik ng iba’t ibang departamento at kolehiyo sa pamantasan ay makatutulong din nang malaki sa pagtitiyak na ang ating mga pananaliksik ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.

Ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran.

Ikalawa, sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Integration, ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng globalisasyong pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi natin pag-aaralan ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung hindi kilala ang sarili?

Ang pagbura sa espasyo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas ay tiyak na may negatibong epekto sa espasyo nito sa ibang bansa.

Ikatlo, ang wikang Filipino ay wikang global na itinuturo bilang asignatura o kaya’y komponent ng Philippine Studies sa mahigit 45 unibersidad at mahigit 100 hayskul sa buong mundo. Ang pagbura sa espasyo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas ay tiyak na may negatibong epekto sa espasyo nito sa ibang bansa.

Ikaapat, kinikilala ang kahusayan ng DLSU-Manila sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik sa Filipino gaya ng pinatutunayan ng dalawang ulit na paggawad ng rekognisyon ng CHED sa Departamento ng Filipino bilang Center of Excellence (COE), ang kaisa-isang Departamento ng Filipino sa buong bansa na may ganitong karangalan. Mahalagang komponent ng pagiging COE ng Departamento ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may mataas na antas. Kaugnay nito, ang Departamento rin ang nagpapatakbo sa operasyon ng Malay, isa sa iilang multidisiplinaring journal sa Filipino na may rekognisyong internasyonal. Dagdag pa, kinikilala sa larangan ng malikhaing pagsulat at pananaliksik ang Departamento, gaya na rin ng pinatutunayan ng mga de-kalidad na publikasyong inilalathala ng mga guro nito.

Ikalima, sa mga nakaraang dekada ng pag-iral nito, malaki na ang naiambag ng Departamento sa pamamagitan ng mga regular na proyektong gaya ng Seryeng Panayam, Pambansang Seminar, Community Engagement, at International Conference, na nakapagdulot ng positibong impact di lamang sa ating pamantasan, kundi lalo’t higit sa libo-libong mga mamamayang lumahok at lumalahok sa mga ito. Hinggil sa usaping pangwika, ang Departamento ang isa sa pinakamasigasig sa mga grupong nagbuo sa Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) na ngayo’y nangunguna sa pakikipaglaban para sa wikang Filipino sa antas tersyarya sa buong bansa. Matatandaang sa inisyatiba ng Departamento at sa pagsuporta ng Kolehiyo ng Malalayang Sining ay isinagawa sa DLSU-Manila ang asembliya ng pagtatatag ng TANGGOL WIKA noong ika-21 ng Hunyo. Mananatiling matatag ang Departamento sa pag-aambag sa mga nabanggit na inisyatiba kung magkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, na magtitiyak sa patuloy na pag-iral at pag-unlad nito.

Ikaanim, ginagarantiyahan ng pagkakaroon ng Filipino sa DLSU ang aktibong pakikisangkot ng mga guro ng Departamento at bawat mag-aaral na Lasalyano sa mga kolaboratibong pananaliksik na isinusulong ng ibang mga departamento gaya ng Natural Language Processing Department (CCS) kaugnay ng paglinang ng Machine Translation Software sa Filipino, pagsasalin ng iba’t ibang materyal tulad ng survey instruments mula sa iba’t ibang disiplina at larangan gaya ng Inhenyeriya, Sikolohiya, Batas, Komersyo, at Ekonomiks, at iba pang gawaing pananaliksik.

Ikapito, sa pamamagitan ng asignaturang Filipino sa DLSU, inaasahang may sapat na katatasan sa wikang pambansa ang sinumang gradweyt ng Pamantasang ito sa pakikipagtalastasan sa iba’t ibang pangangailangan o kontekstong pangkomunikasyon pang-akademiko man o pangkultura, tulad ng nililinang sa ibang pamantasan.

Ang pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo ay nangangahulugan ding pagbura at paglusaw sa mga Departamento ng Filipino sa buong bansa. Sa kabutihang-palad, tuloy ang pagsusulong ng adbokasiyang makabayan sa wika at edukasyon ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng bansa. Maging ang administrasyon ng ilang unibersidad gaya ng University of the Philippines, University of Asia and the Pacific, Philippine Normal University, Polytechnic University of the Philippines, National Teachers’ College, Assumption College, Mapua Institute of Technology, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Xavier University, De La Salle-College of St. Benilde, De La Salle University-Dasmariñas, Technological University of the Philippines, at iba pa, ay nagpahayag ng suporta sa pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo sa pamamagitan ng paglagda sa mga posisyong papel na inihanda ng kani-kanilang mga Departamento ng Filipino, o kaya’y paglalahad ng komitment na magdaragdag ng required na asignaturang Filipino.

Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang adbokasiyang ito. Ang adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon…

Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang adbokasiyang ito. Ang adbokasiyang ito’y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon na huhubog ng mga estudyanteng magiging mga kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bansa. Umaasa kami na sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos, ang makabayang adbokasiya sa wika at edukasyon ng ating unibersidad na nagluwal na ng mga makabayang lingkod-bayan gaya ni Senador Lorenzo M. Tañada at mga makabayang edukador gaya ni Br. Andrew Gonzalez, FSC, ay patuloy na mananatiling buhay ngayon at magpakailanman. Hanggang sa mangyari iyon ay ipagluluksa natin ang pagkamatay ng asignaturang Filipino sa ating pamantasan. Ipagluluksa natin ang katotohanan na sa kasaysayan ng ating pamantasan, sa ating henerasyon ay namatay ang ating wikang pambansa.

Sa ganitong diwa, inaanyayahan namin ang buong komunidad na makiisa sa mga panawagan ng Departamento ng Filipino sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit o itim na ribbon araw-araw ngayong buwan ng Agosto. Ang gawaing ito ay simula pa lamang ng ating tuluy-tuloy na pakikibaka para sa kapakanan ng wikang Filipino at nasyonalistang edukasyon.

Para sa regular na update hinggil sa pambansang pakikibaka para sa wikang Filipino at makabayang edukasyon, hinihikayat din ang lahat na bisitahin ang www.facebook.com/TANGGOLWIKA

Isulong ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo!

Gamiting wikang panturo ang Filipino sa iba’t ibang asignatura!

Itaguyod ang makabayang edukasyon!

_______________________________________________

Tungkol sa isyu:

Noong Mayo 2013, pinirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang batas na K-12 (Enhanced Basic Education Act) na magreresulta sa karagdagang tatlong taon sa sampung taon na basic education ng mga Pilipino. Ito raw ay para makasabay sa kalidad ng edukasyon sa mga karatig na bansa. Bago mapirmahan ang batas, isang taon nang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 sa mga “pilot school” at ihinabol na lang ang batas para gawing ligal ang patakaran at maipatupad sa buong kapuluan. Kinaharap naman ng implementasyon ng K to 12 ang maraming usapin, gaya ng kakulangan ng klasrum, guro sa grades 11-12, technical expertise sa “senior high”, at iba pa. Ibang usapin pa ang pagsusuri at pag-alam sa kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga kabataan sa bagong programang ito.

Alinsunod sa batas na ito, at sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, ipinataw ng CHED ang General Education Curriculum, na magtatanggal sa wika at Panitikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo pagdating ng Akademikong Taon.

Binatikos ng iba’t ibang paaralan ang patakarang ito dahil hindi lang pagtatanggal sa Filipino sa kurikulum ng kolehiyo ang magiging implikasyon nito, kundi pagtatanggal din ng mga guro sa Filipino na karamihan ay matagal nang panahong nagsisilbi sa paaralan. Muli ring nabuksan ang mga diskurso at usapan hinggil sa pagpapanatili at pagpapayaman ng wikang Filipino, pagpapayabong ng sariling kultura at pagmamahal sa bayan.

Mula sa sama-samang pagkilos ng mga guro sa kolehiyo, nabuo ang Tanggol Wika o Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na naglalayon na panatilihin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, at isulong ang makabayang  edukasyon. Patuloy pa rin ang paglaban ng mga guro at pagkondena sa CHED Memo na inaasahang maisakatuparan sa S.Y. 2018-2019.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here