Kung sawa ka na sa paulit-ulit na “All I Want for Christmas is You” o sa walang kamatayang “Christmas in Our Hearts,” baka panahon na para makinig ng ibang mga piyesa. Hindi lahat ng awit-pamasko ay tungkol sa masayang family reunion, regalo, o komersiyalisadong jingles na parang sales pitch ng mall. May mga awit na mas mapanuri at mas totoo sa karanasan ng mga Pilipino. Heto ang ilang pamaskong kanta na hindi karaniwang maririnig sa radyo o TV, pero tiyak na makabuluhan.

“Paskong Biyaya” — Chickoy Pura

Isang taimtim na paalala na ang Pasko ay higit pa sa materyal na yaman. Sa halip na konsumerismo, itinatampok ng kanta ang pagsilang ng Manunubos bilang tunay na biyaya. Hinihikayat ang tagapakinig na huwag matakot sa dilim at sundan ang liwanag ng tala, habang inuugat ang tunay dahilan ng pagdiriwang ng Pasko.

“One More Chan” — We Are the Weird

Isang parody na ginawang pamasko, nakakatawa pero may kurot. Sinulat ni Cabring Cabrera ng Datu’s Tribe at inawit kasama ang buong tropa, binabatan nito ang hindi matatakasang mga kanta ni Jose Mari Chan tuwing Kapaskuhan. Mula mall hanggang banyo, tila “brainwashing” na ang nangyayari. Pinupuna rin ang irony ng mga lyrics tungkol sa reindeer at snow sa isang bansang tropikal, habang pansamantalang nalilimutan ang gutom at hirap dahil sa “magic” ng kanyang musika.

“Diwa ng Pasko” — Inang Laya

Sinulat nima Paul Galang at Ananias Montano, inilalarawan ng kanta ang karanasan ng mahihirap tuwing Kapaskuhan. Walang materyal na handog, pero naroon ang pagmamahal at init ng yakap. Kasabay nito, tinutuligsa ang huwad na pagtulong na nagiging taunang seremonya lamang. Hinahamon ang lipunan na alisin ang “itim na maskara” ng pagpapanggap at ipakita ang tunay na diwa ng Pasko—ang taos-pusong pagtulong.

“Jesus Christ” — Wuds

Kung hanap mo naman ay may angas at diwa ng punk, ito ang pamaskong awit na swak sa iyo. Mula sa AkustiKrismas compilation album, binabasag nito ang materyalistikong pananaw sa Pasko at ibinabalik ang pokus sa tunay na diwa: ang kapanganakan ni Hesus. Tulad ng paalala ni Bobby Balingit, “Si Jesus Christ ang Pasko, hindi mga regalo.”

“Paskong Walang Digmaan” — Levy Abad, Jr.

Isang madamdaming awit tungkol sa dalawang pusong magkahiwalay habang naglilingkod sa bayan. Sa taos-pusong pag-awit ni Levy Abad, ipinapaalala nito na ang pag-ibig sa bayan ang magluluwal ng isang Paskong walang digmaan, kung saan umiiral ang pagkakapantay-pantay. 

Kung tutuusin, mas marami pang pamaskong awit na hindi nakapaloob sa komersiyal na playlist ng mall. Ang mga kantang ito ay nagsisilbing paalala na ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa kislap ng dekorasyon o dami ng regalo, kundi sa pagninilay, pakikiramay, at tunay na malasakit.

Isang makabuluhan at mapagpalayang Pasko sa lahat!

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here