

Ang pananampalataya ay ganap na tiwala o pananalig ng isang tao sa isang Makapangyarihan. Ang pananampalataya ay may mga kasingkahulugan ng pagtitiwala, paniniwala, pananalig. Mayroong mga tao na may matatag na paniniwala sa Diyos.
Ang pananampalataya ay isang pagtitiwala sa presensya ng Diyos, na sapat na simpleng sabihin, ngunit ang pamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugan na isuko ang iyong buong buhay sa Diyos, iwanan ang iyong sariling mga pagnanasa at maging ang lahat ng mayroon ka (kabilang na ang iyong pag-iral), na ang kapalit ay ang biyaya ng Diyos. Ito ay isang handog at biyaya mula sa Diyos.
Tulad ng nakikita natin sa buhay ng mga banal, ang mga kamangha-manghang bagay ay nangyayari kapag ginawa natin ang pagbabago sa buhay ayon sa kalooban ng Diyos; sa katunayan, ang pananampalataya ay maaaring lumago, na nagsisimula sa isang binhi tulad ng mustasa sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, upang pagpalain ang buong mundo.
Ang pananampalataya na ipinagtatapat o ipinapahayag ng Iglesia Filipina Independiente ay ang pananampalataya sa Diyos ng mahihirap, inaapi na pinagsasamantalahan. Ipinahayag g IFI ang pananampalataya kay Jesu-Kristo, bilang Panginoon at Tagapagligtas, at sinamahan niya ang mga tao sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan, panglipunang katarungan at makabuluhang kapayapaan – para sa Diyos at Bayan o Pro Deo Et Patria.

Sa ngayon, ang mamamayan ay nagdurusa mula sa paglalim ng kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala na nagpapababa sa kanilang pagkatao. Hangga’t ang mga pangunahing problema sa ating lipunan, ang mamamayan ay manatiling lugmok sa kahirapan. Hangga’t ang mga naghahari at nangingibabaw o ang may hawak ng kapangyarihan ay ang iilang mga taong humahawak din ng kayamanan ng bansa, walang magagawa ang mamamayan kundi makibaka o lumaban.
Matagal na nang nakikibaka ang mamamayan, dahil walang lugar sa ating bansa, walang sektor ng mga tao na hindi lumahok sa isang uri ng protesta at pagtutol. Ang kanilang mga kalat-kalat at nakakalat na mga pakikibaka ay dumadaloy sa isang makasaysayang pakikibka at patuloy na nabubuhay sa kasalukuyang pakikibaka ng mamamayan para sa buhay, mga karapatan, katarungan at kapayapaan.
Bilang kabahagi ng mamamayan, dapat naniniwala tayo na ang Diyos ay kumikilos at tumatawag sa atin upang makilahok sa paggawa ng ating karaniwang kaligtasan sa makasaysayang pagbabago. Dapat ang ganitong katangian ay maging pananampalataya natin. Ito ang ating pananampalataya, isang pananampalataya na dapat na buhayin sa buong buhay natin sa pakikibaka ng mamamayan.
Bilang mga Kristiyano, nahaharap tayo sa dalawang hamon, ang hamon ng ating pananampalataya at ang hamon ng pakikibaka.
Ang pakikilahok natin sa pakikibaka ng mamamayan ay nakabatay sa Bibliya, na si Jesus ay humirang sa mga mahihirap. Sa ika-apat na kabanata sa Ebanghelyo ni Lukas, naparito siya upang ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa mga mahihirap (Lukas 4:16-21), at sila yaong ang mga mahihirap na magsasaka sa ating lipunan na sumisigaw para sa kalayaan, lupa at pag-unlad. Ang ganitong mapagpalayang adhikain ay ipinapahayag sa pinagsanib ng mga adhikain ng iba pang pinagsasamantalahang mamamayan ng mga manggagawa, mga maralitang lunsod, mga mangingisda, mga pambansang minorya, mga mamamayan ng Moro, mga kababaihan, mga kabataan na wala sa paaralan, kabatan-estudyante, mga Filipinong manggagawa sa ibang bansa, mga guro, mga empleyado ng gobyerno, at iba pang mga inaapi.
Samakatuwid, ang pakikibaka ay kinakailangan ng ating pananampalataya upang ipahayag ito kasama ang mga hangarin ng mamamayan para sa buhay na kasiya-siya (Juan 10:10). Ang pananampalataya at pakikibaka ay ipinahayag sa mga nagkakaisang aksyon ng mga tao para sa pagbabagong-anyo ng lipunan.
Ang pangako ng kaligtasan ay nakaugat sa pananampalataya at kabahagi ito sa pakikibaka para sa kalayaan at pagpapalaya sa lipunan. Ang makasaysayang pagpapahayag ng ating bokasyon upang maipahayag ang paghahari ng Diyos, bilang mga Kristiyano, tayo ay tinawag upang ipahayag ang mahahalagang misyon dito sa lupa at hanggang maganap ang paghahari ng Diyos. Dapat nakikita at nararanasan natin ang pakikibaka ng mamamayan at ang kanilang tagumpay laban sa mga kasamaan sa ating lipunan, tagumpay laban sa dominasyon ng mga dayuhang kapangyarihan, ang mga malalaking kapitalista at malalaking panginoong maylupa.
Bilang mga kalahok ng pakikibaka, ipinapahayag natin ang patuloy na paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo Jesus. Bilang mga Kristiyano, dapat nating kilalanin ang paghihirap ng mga tao at makilahok sa kanilang pakikibaka.
Tinawag tayo upang maging kaisa ng mamamayan sa pamumuhay at kasalukuyan nilang pakikibaka para sa kalayaan, panlipunan hustisya at walang hanggang kapayapaan – isang tawag sa pagpapalaya, isang tawag sa pagmamahal at pag-aalay ng buhay kung kinakailangan, upang ang iba ay mabuhay nang lubusan.
Ang ating pagdurusa at pakikibaka ay patuloy na lumalaki at naging kumplikado at naging masidhi sa panlipunan dahil sa makauring tunggalian. Ang mga tunggalian na ito ay makikita sa tunggalian sa pamamagitan ng kontrol at impluwesya ng dayuhan at mamayang Pilipino. Makikita din ang tunggalian sa mga malalaking kapitalista laban sa manggagawa at tunggalian ng malaking panginoong maylupa at mga magsasaka. Hindi tayo maaaring tumugon lamang bilang mga indibidwal, kahit na kailangan nating gumawa ng indibidwal o personal na mga desisyon na lumahok, kailangan natin ang organisadong pagkilos kung gustong epektibo nating labanan ang naghaharing uri at mapaglingkuran ang Diyos at mamamayan o Diyos at Bayan.

Ang isang organisasyon ay ang isang organisadong tugon sa kagyat na hamon ng pagdurusa at pakikibaka ng mamamayan. Ang organisasyong ito ay isang sosyo-pulitika-kultura na organisasyon ng mga tao na nakatuon sa pagbabagong-anyo ng lipunan.
Ang pangunahing batayan ng pagkakaisa at ang pangunahing layunin nito ay ang pagbabago – kasama ang pagbabago sa pag-uugali, pagbabago sa maling kaisipan at mga tradisyon na hindi makakatulong sa pagsulong ng pakikibaka para sa buhay, mga karapatan, katarungan, kapunuan ng buhay at walang hanggang kapayapaan. Ang organisasyon na ito ay nagpapatatag ng paninindigan ng pumaloob nito. Kaya ang isang organisasyon ay ang pagbuklod-buklod para isang pakikibaka at isang tagumpay.
Ang pangunahing gawain ay ang paglahok sa pakikibaka upang baguhin ang mga hindi makatarungang sistema ng lipunang Pilipino.
Dahil sa kalawakan ng adyenda ng mamamayan para sa pagbabago ng lipunan, ang isang organisasyon ay hindi kayang maging sektaryan, upang gumana nang hiwalay mula sa ibang mga sektor o mga tao o makipagkumpitensya sa kanila. Sa halip, ipinagkakatiwala natin ang ating sarili upang makatulong na bumuo ng pagkakaisa at kooperasyon sa isang malawak na organisasyon at alyansa.
Ang mungkahi ng pagkakaisa sa lahat ng mga pinahihirapan, pinagsamantalahan at mga pinagkaitan ay dapat nakabatay sa pangalawang dakilang utos ng Diyos ng “Pag-ibig sa Iyong Kapwa.” Maaring gawin ang pagkakaisa na nakabatay sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, subalit mas marami ang magkakaisa sa pag-ibig sa kapwa dahil pag-aawayan pa natin ang mga doktrina tungkol sa Diyos. Mas madali ang pagkakaisa kung ang pag-ibig sa kapwa ang magiging pangunhing batayan at panawagan.
Sa ganitong espiritu o diwa, ang isang organisasyon ay nagpapatunay sa pangako nito na makipagtulungan sa mga tao.
Ang organisasyong ito ay may mga sumusunod na responsibilidad: 1) pakilusin ang mga Kristiyanong Simbahan upang ipahayag ang mabuting balita ng kalayaan at wakasan ang mga kasamaan na pumipighati sa mga tao; 2) magpahayag ng katotohanan sa pagitan ng simbahan at estado; 3) pagsikapan ang pagkilos para sa mga reporma sa loob ng mga simbahang Kristiyano upang makatulong ang kanilang moral, personel, materyal at pasilidad para sa pakikibaka; 4) aktibong lumahok sa mga kilusan ng pinagsamantalahan at pinahihirapan hindi lamang sa ating bayan kundi sa buong mundo.
Ang isang organisasyon ay dapat gagap ang prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan at estado upag ipaglaban ang katotohanan at mabuti. Ito ang kalayaan ng Simbahan upang sambahin sng Diyos ayon sa liwanag ng kanyang konsiyensya at pananampalataya.

Una.
Labanan ang konserbatismo at anti-komunista sentimiyento sa lahat ng aspeto ng buhay. Upang maharap ang konserbatismo at mga anti-komunista pamahayag, kailangan nating hikayatin ang lahat, lalo na ang mga Kristiyano na makiisa o makipamuhay sa mga mahihirap upang mararanasan ang kongkretong sitwasyon o kalagayan ng mga mahihirap at mga inaapi. Ito ay ang tanging paraan upang iwasto ang mga maling ideya tungkol sa mga nakikibaka, lalo na sa mga kaliwang grupo at maiwasto ang hindi tamang mga ideya.
Ipinakita ng kongkretong karanasan na ang pinaka-epektibong paraan upang mabago ang mga agam-agam at maling mga ideya ay ang pakipagsalamuha sa mga nakikibaka ng mga mamamayan. Ang karanasan sa pamamagitan ng pag-uugnay sa buhay at pakikibaka ng mga inaapi at pinagsasamantalahan ay malaking tulong sa pagpawi ng suliranin sa konserbatismo at anti-komunistang mga ideya at pananaw. Bilang mga tagasunod ni Kristo na dumating “upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha,” sa palagay natin kailangang gawin natin ang pagdanas ng sakripisyo na may kaugnayan sa mga isyu ng mga komunidad at pangunahing sektor ng mga mamamayan.
Ang mga programa para sa pakikisalamuha at aktwal na paglahok ng mga taong simbhan at mga Kristiyano sa buhay at pakikibaka ng mga batayang masa, sa suporta sa pakikiisa para sa kanila at iba pang mga batayang sektor ay maaaring magbigay ng malawak na batayan para sa paglahok ng mga taong simbahan at maaaring maging makakatulong sa pagpapalawak at pagpapatatag ng organisasyon.
Pangalawa.
Kailangan ang isang pakikibaka laban sa kolonyal, pyudal at pasistang kultura, at itaguyod ang isang pambansa, siyentipiko, pangmasang kultura.
Ang organisasyon at pakikibaka ay maaaring sumusulong kung may pangkalahatang pagpukaw sa malawak na masa ng mamamayan at may adhikain sa pagbabago sa lahat ng aspeto ng buhay, kabilang ang larangan ng kultura.
Kailangan na magkaroon ng pag-aaral at baguhin ang ating pananaw, aktitud, pag-uugali at pamaraan dahil hindi lamang ginagamit ng mga naghahari ang armadong lakas laban sa mga tao kundi gumagamit din sila ng mga kultural na armas kabilang ang relihiyon upang mapanatiling masunurin at kimi ang mga tao.
Gumamit sila ng kolonyal, pyudal at pasistang kultura upang mapanatili ang mga tao na walang pasubali, nalilito at nahati. Itinuturo ito ng mapang-aping kultura sa kanilang pagpasakop sa iilang banyagang kapangyarihan o makapangyarihang lider, o umaasa lamang sa ilang mahiwagang kapangyarihan.
Ang organisasyon ay dapat tumulong na itaas ang kamalayan ng mamamayan upang magpapalakas sa kanila upang labanan ang mga nang-aapi sa kanila. Dapat itaguyod ang makabayan, siyentipiko at pangmasang kultura at palitan ang kolonyal, pyudal, pasista at anti-mamamayang kultura na sa ngayon ay ang mga umiiral sa ating lipunan.
Dapat nating palaganapin ang makabayang kultura upang labanan ang kundisyon ng kolonyal at pagpapaubaya na lamang sa kapalaran ang lahat, at itaguyod ang karangalan at kalayaan ng sambayanang Pilipino.
Ang isang siyentipikong kultura ay dapat palakasin upang salungatin ang pyudal na pag-iisip, mga pamahiin at mga ideya na nagpapanatili sa mga tao sa isang mundo ng kawalang-alam, walang batayan na mga paniniwala at mga konserbatibong pag-iisip na nagpapahina sa kanila sa paglahok sa pakikibaka para sa pagbabago.
Dapat nating itaguyod ang isang pangmasang kultura na nagpapahayag ng mga kabayanihan ng mga nakikibaka at ang aspirasyon ng masang anakpawis.
Dapat nating suportahan ang pakikibaka ng pambansang minorya laban sa pambansang pang-aapi at labanan ang sobinismong Kristiyano at diskriminasyon sa kultura at kaugalian ng mga pambansang minorya.
Higit na mahalaga ang isang organisasyon na may pananagutan na manguna sa pakikibaka sa relihiyosong kalagayan, sa isang espesyal na paraan, dahil ang kultura ng relihiyon ay ginagamit ng estado upang mananatiling kimi at walang pakiramdam o pakialam ang mga tao.
Sa gayon, dapat maingat tayo na pag-aralan at tutulan ang mapang-aping paggamit ng relihiyon, at ang pasistang paggamit ng popular na relihiyon at panatisismo sa relihiyon na kontra sa pagbabago. Dapat din nating labanan ang pagkalat ng pundamentalismo ng relihiyon sa hanay ng masa.
Kinikilala dapat ng isang organisasyon na ang simbahan ay ang pundohan at tagapagpalaganap ng kultura patriyarkal. Ang mga Kristiyano na sumusuporta para sa pambansang kalayaan ay dapat ring makikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan laban sa pang-aaping patriyarka. Kinikilala din natin ang karapatan sa mga indibidwal na kagustuhan sa sekswal. Ipagtanggol ang anumang uri ng diskriminasyon batay sa mga pagkakaiba sa sekswal at kasarian.
Ibinahagi ng organisasyon ang gawaing ito sa paglunsad ng isang pakikibaka laban sa kolonyal, pyudal at pasistang kultura, at itaguyod ang isang pambansa, siyentipiko, pangmasang kultura sa lahat ng posibleng mga porma: sining at agham, literatura, biswal, arte, musika, teatro, pelikula, sayaw at liturhiya.
Hindi lamang ito labanan sa mga konsepto at mga simbolo. Ito ay isang pakikibaka sa mga institusyong kultural: relihiyon, pang-edukasyon at media upang itaguyod ang isang progresibo, mapagpapalaya at pagbabago ng kultura alinsunod sa isang makabayang adhikain. perspektiba at pakikibaka.
Dapat ang organisasyon ay aktibong nagtataguyod ng mga programa sa pagkakaisa sa mahihirap at gamitin ang mapagpalayang teyolohiya o paniniwala sa Diyos bilang sarili nitong natatanging kontribusyon sa pagsulong ng pakikibaka laban sa kolonyal, pyudal, pasista at anti-mamamayang kultura.
Pangatlo.
Sa mga Kristiyano na aktibo lumalahok sa mga gwain ng Simbhan dapat lumahok sa pakikibaka para sa mga reporma o pagbabago sa loob ng mga simbahan bilang suporta sa pakikibaka laban sa kolonyal, pyudal, pasista at anti-mamamayang kultura.
Ang konserbatibong katangian ng mga Kristiyanong simbahan ay pumipigil sa higit na buong paglahok ng mga taong simbahan at mga Kristiyano para sa tunay na pagbabago. Samakatuwid, ang pakikibaka para sa reporma sa loob ng mga Simbahan ay para sa pagsuporta sa pagbabago ng lipunan.
Gayunpaman, hindi dapat mag-ilusyon ang isang organisasyon na maaaring baguhin ang mga simbahan upang maging “mga pambansang makabayang simbahan,” dahil katangian ng isang institusyunal na simbahan ang paglaban sa ganap at tunay na pagbabago o ayaw gawin ng pagbabago sa sariling institusyon.
Sinusuportahan dapat ng organisasyon ang mga pagkilos o gawain para sa mga makabayan at makamasang gawi at istruktura sa loob ng mga simbahan.
Ipinapaabot dapat sa mga nasa otoridad ng simbahan ang higit na malaking gawain ng pagtutulungan ng layko at mga ministro sa pantay na partisipasyon ng mga kalalakihan at kababaihan at kabataan sa mga proseso ng pamumuhay at paggawa ng desisyon ng mga simbahan. Hinihikayat nito ang higit na malawak na kakayahang tumugon at pananagutan ng pamumuno sa komunidad at sa loob ng simbahan. Ito ay laban sa pagpapatuloy ng lahat ng mga umiiral na anyo ng mga pyudal at kolonyal na relasyon sa mga simbahan.

Ang mga gawain sa pagsasabuhay ng pananampalataya ay kabahagi ang mga gawain ng pagtuturo, pagpapakilos at pag-oorganisa ng malaking bilang ng mga mananampalataya upang makilahok sa pakikibaka para sa buhay, mga karapatan, katarungan at walang hanggang kapayapaan.
Sa pagtupad sa mga gawaing ito, ibinibigay natin ang laman at dugo sa ating pananampalatayang Kristiyano. Higit pa rito, mamumuhay tayo sa pinakamalalim na posibleng paraan, sa pamamagitan ng pag-uugnay sa buhay at kamatayan na pakikibaka ng mamamayan na gayon din ang ginawa ni Jesu-Kristo.
Hindi ito madali. Ito ay isang tawag ng sakripisyo, ng pagtalikod sa sariling interes bagkus pagyakap sa mamamayan upag isulong ang interes nila.
Ganunpaman, tayo ay puno ng makatotohanang pag-asa. Alam natin na ang ating mga sakripisyo, tulad ni Jesu-Kristo, katulad ng mga taong nag-aalay ng buhay para sa bayan, at ang iba ay magpapatuloy pa sa pakikibaka, sa katulad na paraan na inaakay dapat natin ang ang mga taong-simbhana at mga Kristiyano na makikibaka para sa ganap na pagbabago bilang pinakikios ng ating pananampalataya.
Ang ating magiging karanasan sa pakikibaka ay nagpapahiwatig sa ating pananampalataya na may kahulugan at kabuluhan.
Nawa’y makakamit natin ang ating pangkalahatang kalayaan at maranasan ang kapangyarihan ng pagpapalaya ng ating pananampalatayang Kristiyano at ang buhay na kasiya-siya ay maghahari dito sa lupa.
Tinalakay sa pagtitipon ng kabataang estuyante sa Camarin, Caloocan City noong Nobyembre 3, 2017, na nagtatag ng dalawang balangay ng Student Christian Movement of the Philippines – University of Caloocan City Chapter at Camarin High School Chapter