Tinaguriang Kamalig ng Bigas ng Pilipinas ang Gitnang Luson kung saan kabilang ang mga bayan ng Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, at Bulacan na ang kabuhayan ay nakasandig sa malalawak na kapatagan at lupang pang-agrikultura.
Ngunit sa mga nagdaang taon, malaking dagok sa mga magsasaka at manggagawang bukid ang sunod-sunod na mga proyektong nagdulot ng demolisyon at pagkasira sa mga lupang sakahan.
Mula sa programang Build, Build, Build ng dating administrasyong Duterte hanggang sa Build Better More ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr., nagbigay-daan ang mga ito sa malawakang land conversion sa tabing ng mga proyektong itinuturing na kaunlaran tulad ng mga imprastruktura, industriyal na pasilidad, real estate development, at mga proyektong “renewable” na sa sadyang nakapipinsala sa kabuhayang pang-agrikultura ng rehiyon.
Sa gitna ng araw, sa gitna ng laban


Noong Oktubre 21, hindi alintana nina Gloria Gutierrez, 58; at Syrel Edu, 44, ang matinding sikat ng araw sa Liwasang Bonifacio kung saan nagtipon ang mga magsasaka para sa kilos-protesta sa paggunita ng Araw ng mga Pesante.
Kasama rin nila ang iba pang mga kababaihang magsasaka ng Samahan ng Magsasaka at Mangingisda sa Barangay Taltal (SAMMBAT) bitibit ang panawagan at mariing pagtutol sa land use conversion sa Masinloc, Zambales.


“Umaabot ng 2,125 square meters ang sinasaka namin. Malawak na kapatagan iyon at tinataniman namin ng kalabasa, okra, malunggay, tanglad, mais, at sili,” pagbabahagi ni Gutierrez.
Mahigit 400 indibidwal ang naninirahan sa 32-ektaryang lupain sa Brgy. Taltal na inaangkin bilang pribadong pag-aari ng pamilyang Daniel at Edgardo Yap.
Noong Hulyo 19, higit 100 kabahayan sa nasabing barangay ang dinemolish upang bigyang-daan ang pribatisasyon ng lupa sa kabila ng mga petisyon ng mga residente sa Department of Agrarian Reform (DAR). Kasabay rin nito ang pag-aresto sa limang magsasaka matapos tanggihan ang alok na P31,000 kapalit ng sapilitang pag-alis sa kanilang lupang sakahan.
“Naiwan ang mga tanim namin noong nag-demolish. Iba na ang nag-ani, mga trabahador na nagtayo ng mga tower daw para sa proyekto. Hindi ko alam kung para saan, basta sabi nila ‘tower’ daw. Wala rin kaming natanggap na kompensasyon sa mga pananim namin,” dagdag pa ni Gutierrez.
Laban para sa lupa at karapatan
Giit ng SAMMBAT, matagal na silang nagsasaka at nagpaunlad ng lupa mula pa 1940s. Mula sa kabuoang 55 ektarya, 32 ektarya ang saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na bahagi ng pinagsasakahan ng SAMMBAT. Noong 1992, 23 ektarya ang ipinamahagi ng DAR sa probinsya kalakip ng pangakong ipamamahagi rin ang natitirang 32 ektarya paglaon. Subalit noong 2004, idineklara ng DAR Provicial Office na hindi angkop sa agrikultura ang lupain na nagbigay daan sa land-use conversion pabor sa pamilyang Yap.
“Mahalaga talaga sa amin ang lupang iyon. Doon lang kami nakakaluwag. Doon namin kinukuha ang pagkain namin. Kaya pa naman naming magtanim sa edad naming ito, pero mapipilitan kaming umasa na lang sa mga anak ngayong wala na kaming mataniman,” ani Gutierrez.
Katuwang ni Gutierrez ang kanyang asawa sa paghahanapbuhay, siya bilang magsasaka at ang asawa naman niya bilang mangingisda.
“Mangingisda at magsasaka rin ang asawa ko. May maliit lang siyang bangka na ginagamit para makakuha ng pangkain namin araw-araw. Nangangawil siya. Kung ano ang sumabit sa kawil, iyon na ang ulam,” pagbabahagi ni Gutierrez.
Matatagpuan ang Brgy. Taltal malapit sa mga baybaying dagat at napalilibutan ng matabang lupang agrikultural na nagsisilbing kahubayan ng maliliit na mangingisda at pagsasaka. Nasa tabi lang din nito ang coal plant ng San Miguel Corporation (SMC) maging ng pantalan patungong Scarborough Shoal.


“Ang lupang tinatayuan noon ng aming mga bahay ay binili raw ng SMC. Gagawin daw nilang mga tower ng kuryente kahit walang conversion order na pinapakita sa aming mga magsasaka’t residente,” ani Edu.
Para kay Edu, hindi lamang kabuhayan ang kinitil ng demolisyon kundi pati ang pangarap ng kanyang anak.
“Namimiss ko yung bahay natin, Mama,” maluhang pagbabahagi ni Edu nang alalahanin ang nabanggit sa kanya ng walong taong gulang niyang anak.
Nasaksihan mismo ng anak ni Edu kung paano sila pinalayas ng demolition team katuwang ang mga pulis. Aniya, masakit marinig na umiiyak ang anak niya turing gabi dahil sa trauma at pagkabalisa.
“Sabi niya sa akin, ‘Mama, ang sama naman nila. Paglaki ko, gusto kong mag-abogado para matulungan ang mga mahihirap,’” kuwento ni Edu.
Panawagan para sa hustisya

Mula sa Liwasang Bonifacio ay nagmartsa ang mga grupo ng magsasaka patungong Mendiola upang ipanawagan ang hustisya at karapatan sa lupa. Para sa kanila, makasaysayan at simboliko ang Mendiola bilang lugar ng paniningil at paggunita sa matagal nang laban para sa tunay na reporma sa lupa.
Binigyang-diin ng mga nagprotesta ang pinaigting na kalagayan ng mga magsasaka sa paglipas ng panahon, sa kabila ng iba’t ibang administrasyon na dumaan matapos ang Mendiola Massacre. Giit nila, walang naging pagbabago higit pa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. na bigong itaguyod ang mga katarungang panlipunan at tunay na reporma sa lupa.
Kabilang sa mga isyung binigyang-diin ay ang patuloy na land grabbing, red-tagging, land use conversion, at ang epekto ng Rice Tariffication Law, na lalong nagpapahirap at nagpapalugmok sa mga manggagawang bukid sa bansa.
“Sana ay magkaroon ng hustisya para sa mga taga-Masinloc. Kami ay magsasaka na gusto lamang mabuhay sa sariling lupa, sa lugar kung saan kami ipinananak, pinalaki, at binuhay ng aming mga magulang. Gusto namin doon na rin mamatay sa lupang amin,” ani Gutierrez.

























