

Si Melly Gumban, 63 taong gulang, ay kabilang sa mga magsasaka lumuwas mula pa Bacolod City sa Negros Occidental para idulog sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang kanilang hinaing hinggil sa kanselasyon ng Certificate of Land Ownership award (CLOA) sa 22 at 79 ektaryang lupain sa probinsya.
Mula Oktubre 17 hanggang 21, kasama si Nanay Melly sa daan-daang magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa Gitnang Luzon, Timong Katagalugan at Negros na naglunsad ng kampuhan sa paggunita ng Buwan ng Pesante ngayong taon.
CLOA, repormang panlilinlang


Miyembro si Nanay Melly ng Hacienda Chiquita Farmworkers Association kung saan pagtutubo ang pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka sa naturang probinsya.
Katuwang niya sa paggagapak ang kanyang asawa sa kanilang tubuhan na may laking tatlong ektarya. Samantala, dalawa naman sa kanilang limang anak ang naging magtutubo rin at siyang nangangasiwa sa apat na ektaryang tubuhan sa Hacienda Chiquita.
Noong 2022, kinansela ng DAR Central Office ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) coverage sa mahigit 100 magsasaka ng Hacienda Chiquita. Apektado ng kanselasyong ito ang 22 at 79 ektaryang lupain na matagal nang sinasaka ng mga residente mula pa noong dekada 1950.
Dagdag pa, nanganganib ding mawalan ng lupang sinasaka ang mahigit 120 manggagawang-bukid at halos 300 kabahayan sa mga barangay Tuburan at Poblacion 1 sa bayan ng E.B. Magalona.
Giit ni Nanay Melly, walang sapat na batayan ang desisyon ng DAR na nagkansela sa notice of coverage, na anila’y nakabatay lamang sa “erroneous location.”
“Pinaniwala kami ng DAR na para sa amin na itong lupa. Ngayon, parang gusto na naman nila itong bawiin,” pagbabahagi niya.
Aniya, matagal nang napagtibay ang pagmamay-ari ng gobyerno sa ilan sa mga lupain ngunit nananatiling hindi sila naipapainstall bilang mga benepisyaryo dahil sa pagtutol ng mga dating may-ari ng lupa.
“Dati namumuhay kami nang maayos at matiwasay sa pagsasaka at pangingisda sa aming lugar, ngunit mula nang naniwala kami sa Comprehensive Agrarian Reform Program, nagkaroon na ng conflict sa pagitan ng may-ari ng lupa at kaming mga magsasaka,” ani Alex Necessario ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas South Negros.




Sa karanasan ng mga magsasaka, madalas akalain na kapag napagkalooban na ng CLOA ay tapos na ang laban. Ngunit ayon kay Necessario, doon pa lamang nagsisimula ang kanilang kalbaryo. Sa Negros, ang mga lupang dating ipinamahagi ng estado ay unti-unti ring binabawi sa pamamagitan ng mga dokumento at proyektong land conversion.
Binahagi rin ni Necessario ang iba’t ibang tipo ng karahasang danas ng magsasakang Negrosanon.
“Una, pinagbintangan kaming mga landgrabber. Ikalawa, pinagbintangan kaming kasapi ng New Peoples Army,” aniya.
Ang pinagtataka ni Necessario kung bakit ganito ang naratibo kung simula’t sapul ay punaloob naman sila sa proyekto mismo ng DAR.
“Bakit, ang ahensya ba ng DAR mga NPA? Eh dahil sa kanilang programa naman nila kami sumakay. Pinaniwala kami sa palpak na programa na naglagay sa amin sa matinding hirap, takot, at sakripisyo,” ani Necessario.
Malaking kalbaryo para kina Necessario, Nanay Melly at iba pang mga magsasaka’t magbubukid ang militarisasyon at red-tagging, dahilan para ang ilan sa kanila ay tuluyang matakot at umiwas sa mga samahan.
“Habang binubulldozer ang palayan mo, ang katabi nun ay mga armado at nakauniporme. Saan kami lalapit o dudulog? Kahit sa ganoong sitwasyon, ultimo barangay ayaw makialam sa probema roon. Kaya kami nagkakaisang mga Negrosanon para itigil na ang pangwawalanghiya sa aming mga magsasaka at sa mamamayan. Nandito kami para iparating at ipagsigawan dito sa Maynila ang panawagan namin,” ani Necessario.
Magmulat, kumilos, mag-organisa


Sa ikalawang araw ng kampuhan ng mga magsasaka sa DAR, naglunsad ng cultural night ang iba’t ibang progresibong organisasyon upang bigyang-pugay ang mga magsasaka sa kanilang makabuluhang ambag sa lipunan mula sa binhing itinatanim hanggang sa pagkaing inilalagay sa ating hapag.
Kabilang sa nagbahagi ng mensahe ng pakikiisa si Zerland Delostrico mula Anakbayan Pasay na nagsalita sa wikang Bisaya upang higit na maunawaan ng mga magsasakang dumalo.
“Para sa aton mga mangunguma, sa atong mga magsasaka karong adlawa, isang pakikiisa at isang suporta ang binibigay po sa inyo ng mga kabataan ng urban diri sa Metro Manila,” ani Delostrico.
[Para sa ating mga magsasaka, ngayong araw na ito ay ipinapaabot ng mga kabataan mula sa kalunsuran dito sa Metro Manila ang kanilang pakikiisa at suporta sa inyo]
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pag-oorganisa sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban para sa tunay na repormang agraryo.
“Ug syempre, isa lang po na maistorya na mo karoon sa inyo na magpa-organisa ta kay atong organisasyon, ang atong maging sandigan, ang atong organisasyon ang atong malapitan kapag need nato ug kailangan nato malapitan. Nama po diri sa urban ug sa kanayunan ang KMP na handa po na maghatag ng suporta sa manghuhuma at magbubukid,” aniya.
[Gusto rin naming iparating na magpa-organisa tayo, dahil ang ating organisasyon ang magiging sandigan natin, ang ating malalapitan kapag tayo ay may pangangailangan. Naririto sa kalunsuran at sa kanayunan ang KMP na handang magbigay ng suporta sa mga magsasaka at magbubukid]
Korupsyon sa flood control at farm-to-market roads, walang napapanagot


Sa talumpati naman ni Alwen ng Bagong Alyansang Makabayan–NCR, binigyang-diin niya ang kawalan ng pananagutan hinggil sa flood control projects at ang paglipat ng atensyon sa farm-to-market roads. Aniya, ang mga farm-to-market roads ay proyektong matagal na ring batbat ng korupsyon at pinagkakaperahan ng mga lokal na politiko at kontraktor tulad sa Negros.
“Ito ang bagong update: bibitawan na raw ng Senate Blue Ribbon Committee yung imbestigasyon sa flood control projects. Bibitawan nila nang walang napapanagot—ni isang contractor, ni isang congressman, ni isang senador, at si Marcos mismo bilang ulo ng burukrata kapitalismo dito sa ating bansa,” ani Santos.
Noong Oktubre 12, ipinahayag ni Sen. Erwin Tulfo noong na balak nang ilipat ang pokus ng Senado mula sa flood control patungo imbestigasyon sa overpriced farm-to-market road projects. Gayunman, tiniyak niyang may ilang nalalabing pagdinig pa hinggil sa flood control bago tuluyang maisentro ang imbestigasyon sa farm-to-market roads na magsisimula sa darating na Oktubre 23 hanggang 27.


Binanggit din ni Santos ang pagkakaroon ng mga substandard na mga proyekto, kabilang ang isang tulay sa Negros sa bahagi ng Hacienda Loygoy na animo’y gumigewang. Aniya, isang halimbawa lamang ito sa mga palpak na proyektong malinaw na larawan ng korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Bukod dito, tinawag din niyang “palpak” ang itinatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa kabila ng sunod-sunod na paglalantad ng mga anomalya at iregularidad hinggil sa flood control projects.
“Tatlong buwan na, wala pa ring nakukulong, wala pa ring napapanagot. Nagtayo ng isang investigation body, independent investigation body, na ang layunin ay itago sa taumbayan ang proseso ng pag-iimbestiga ng gobyerno sa korupsyon,” ani Santos.
“Una nga sa lahat, Bakit nga ba natin naaasahan na iimbestigahan ng gobyerno yung sarili niya? Bakitt natin naaasahan na ang korap ay iimbestigahan yung kapwa niya korap? Eh pag nahuli yung isa, damay din siya (Marcos),” dagdag ni Santos.
Sa paglilipat ng pokus ng imbestigasyon tungong farm-to-market roads, kinondena ni Santos ang lumalalang korupsyon kasabwat ang iba’t ibang ahensiya gayundin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Ang AFP at NTF-ELCAC ay kabilang sa mga nagpapatupad ng mga proyekto na sila ring nakikinabang sa korupsiyon sa usapin ng farm-to-market roads,” aniya.
Ayon sa 2026 National Expenditure Program (NEP), tumaas ng P8.1 bilyon ang panukalang pondo para sa Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ECLAC mula sa P1.95 bilyon na pondo nito sa taong 2025 sa kabila ng matinding panawagan mula sa iba’t ibang sektor na tuluyang buwagin o gawing “zero budget” ang naturang programa dahil sa mga kaso ng red-tagging at pang-aabuso.
Sa kabilang banda, nananatiling isa rin sa mga may pinakamalaking alokasyon sa panukalang badyet ang AFP sa halagang P299.3 bilyon para sa 2026. Kabilang dito ang P40 bilyon para sa AFP modernization program na, ayon kay Santos, ay ginagamit sa operasyong kontra-insurhensiya at militarisasyon sa kanayunan.


Sa pag-aaral pa ng IBON Foundation, tinatayang P197 bilyong pondo para sa flood control projects ang nakurakot mula 2023 hanggang 2025 sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Kung nagamit nang tama ang halagang ito, kaya sana nitong pondohan ang 6.27 milyong metric tons ng palay, magpagawa ng 84,022 small-scale dryers, at 42,011 large-scale dryers na makatutulong sa mga magsasaka upang makamit ang makatarungang presyo ng kanilang ani.
Sa huli, hinimok ni Santos ang mga mamamayan na patuloy na magkaisa upang wakasan ang sistematikong korupsiyon sa bansa.
“Kaya naman, inaaasahan natin na mas lalo pa nating palakasin yung ating panawagan: isama sa panawagan natin ang tunay na reporma sa lupa, iwaksi ang export-oriented import-dependent policies, Rice Tariffication Law, at iba’t iba pang mga polisiya na pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang maralitang sektor,” ani Santos.
“Tanging sa pagsulong lamang ng pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba natin magagapi ang lahat ng traydor sa ating bayan,” pagwawakas ni Santos.

























