Ang lupa ay buhay. Iyan ang pahayag ni Jerie Luna, pangulo ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMATA). 

Pitong dekada nang nililinang ng mga magsasaka’t manggagawang bukid ang Lupang Tartaria, isang  malawak na parsela ng lupang bahagi ng 200-ektaryang lupain na pilit inaangkin ng angkan ng mga Aguinaldo. 

Tulad ng matatandang punong malalim na ang ugat, ang mga magsasaka ng Tartaria ay malalim na rin ang ugnayan sa kanilang lupang sinasaka. Ayon kay Jerie, mahigit 20 taon na siyang nagsasaka sa kanilang lupa na minana pa niya mula sa kanyang mga ninuno. 

“Nasa dalawampung taon na akong magsasaka. Pero yung mga ninuno namin nauna pa. At nasa daantaon na ng paninirahan [nila dito]. Naniniwala kami na ang tumuklas, naglinang, at nagpayaman sa Tartaria ay walang iba kundi yung mga magsasaka” pahayag ni Jerie. 

Pangunahing tanim ng mga magsasaka sa kanilang lupa ay mais, palay, at niyog. Sinundan din ito ng mga pananim tulad ng pinya, saging, root crops, at iba’t ibang punong namumunga.

Taong 1911 pa nang simulang tirhan at paunlarin ng mga residente ang Lupang Tartaria bilang sentro ng kanilang kabuhayan, kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal sa parehong taon. Mula noon, ito ang ang naging pundasyon ng kanilang paniniwala na sila ang tunay na nagmamay-ari ng lupa bago dumating ang banta ng pangangamkam ng angkang Aguinaldo noong 1940.

Makalipas ang isang dekada noong 1950, doon na pinagting ng mga magsasaka ang kanilang pakikibaka para sa kanilang lupang ninuno. Taong 1978, pormal na nabuo ang SAMATA kasabay ng patuloy na negosasyon para sa kinabukasan ng Tartaria.

Minanang pakikibaka

Pangunahing layunin ng SAMATA ang tumindig para sa kanilang lupa at paninirahan. 

Noong 1995, pinagkaloob sa kanila ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA)  sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), kung saan ipinangako ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagpapamahagi ng Lupang Tartaria sa 137 benepisyaryo. 

Ngunit sa sumunod na taon, bigla kinansela ng DAR ang kanilang CLOA dahilan upang malagay sa panganib ang karapatan nilang manatili sa lupa. Ang hakbang na ito ay itinuring ng mga residente bilang tugon ng angkang Aguinaldo matapos nilang itulak na ideklarang CARP-exempt ang Lupang Tartaria sa ilalim ng administrasyong Ramos.

Ayon kay Jerie, balak ikumbert bilang subdibisyon ng pamilyang Aguinaldo-Ayala ang kanilang lupang sakahan. Dagdag pa rito, binabalak ding pumarte ng limang-ektaryang lupa ang lokal na gubyerno ng Silang para gawing extension ng kanilang munisipyo. 

Sa ganitong kalagayan, para kay Jerie, wala nang dapat asahan ang mga magsasaka sa lokal na pamahalaan dahil sila rin mismo ang kasabwat para tuluyang mawala ang kanilang lupang sakahan.

Bagaman gumugulong pa ang kaso sa korte, natulak na ang mga magsasaka na kumilos at makibaka para protektahan at ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupang sakahan.

Pagkakaisa kontra pasismo, militarisasyon

Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng mga magsasaka ng Tartaria at ng angkang Aguinaldo-Ayala nang tangkain ng mga gwardya at armadong goons mula sa Jarton Security Agency (JSA) na bakuran ang lupa noong Abril 3 ng nakaraang taon. Nagresulta ito sa malawakang karahasan at panggigipi sa mga magsasaka. 

Pagbabahagi pa ni Jerie, mahigpit ang naging pagtutol at paglaban dito ng mga magsasaka at natulak pa ang pagtayo ng kanilang barikada. Aniya,  maraming kabataan at kababaihan ang nasaktan matapos nilang buwagin ang pwersa ng mga pribadong guwardiya na nagtangkang harangin ang kanilang lupang sakahan.

“Patuloy naming hinarang yung pagbabakod hanggang sa dumating na yung matitinding harassment. Marami sa mga kabataan at magsasaka ang nasaktan dahil sa iligal na pagbabakod,” ani Jerie.

Sa layuning patahimikin ang kanilang paglaban, talamak ang ginagawang harassment at red-tagging sa kanila ng mga militar at pulis matapos ang insidente. 

“Nagpunta rin ang mga pulis don sa pangunguna ng Municipal Task Force-ELCAC, at nitong bandang huli, ay yung Task Force Ugnay naman. Kasalukuyang may kampo na sila doon sa barangay Tartaria. Mag-iisang buwan na rin sila,” saad ni Jerie.

Binubuo ang Task Force Ugnay ng pinagsamang pwersa ng 2nd Civil Military Operations (CMO) Batalion sa ilalim ng 2022ng Infrantry Brigade at PNP Regional Office Calabarzon. Nauna na ring magimbal ng militarisasyon ang komunidad ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite noong nakaraang taon na sinundan ng pagkakampo rin sa komunidad ng Tartaria ngayong taon. 

Mula noon ay naging talamak na ang operasyon at programa ng NTF-ELCAC at red-tagging sa SAMATA at sa mga organisasyong sumusuporta sa laban ng mga magsasaka ng Tartaria. Ngunit sa kabila ng mga atake, naging sandata ng mga magsasaka ang pagkakaisa upang labanan ang ginagawang pasismo at pananakot ng estado sa kanila.

“Wala naman kaming ibang sandata kundi yung sama-samang pagkilos ng mga magsasaka at doon sa paggigiit ng mga karapatan nila sa pagmamay-ari ng lupa. Naninindigan yung mga magsasaka doon na huwag umalis sa lupang sinasakahan nila,” aniya. 

Para sa samahan, isa sa pangunahing motibo ng mga militar at pulis, sa pangunguna ng Task Force Ugnay, na buwagin ang samahan ng mga magsasaka at tuluyang mapalayas ang mga ito. 

“Sa kabila ng matinding paghaharas ng Aguinaldo-Ayala, ang naging sandata ng mga magsasaka ay yung sama-samang pagkilos…naninindigan pa rin kami na ipaglaban at depensahan ang lupang Tartaria,” ani Jerie.

Panawagan ngayong Buwan ng mga Magsasaka

Ngayong buwan ng magsasaka, lalong tumitingkad ang mahalagang gampanin ng mga magsasaka pagdating sa pagpapakain ng buong bansa. Mula sa lupang sakahan patungong pamilihan o pabrika, at hanggang sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino, lahat ng ito ay hindi posible kung hindi dahil sa pawis at dugo ng mga magsasaka sa kanilang lupa. 

Subalit, imbis na kilalanin ng gubyerno ang ambag at kontribusyon ng mga magsasaka sa ekonomya at katiyakan sa pagkain, kulang na kulang pa rin ang suporta at proteksyon ng mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. 

“Mga magsasaka ang nagbubungkal ng lupa para mapakain ang sambayanang Pilipino. Pero sa kasalukuyan, siya ang kawawa at ‘di makakain nang maayos, at di sinusuportahan ng gobyerno natin, kaya patuloy na naghihirap ang mga magsasaka,” pahayag ni Jerie.

Para sa mga magsasaka ng Tartaria, matutugunan ang problema sa lupa ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kongkreto at makabayang solusyon, at pagsulong ng tunay na repormang agraryo na itutulak ng malawak na kilusang masa.

“Walang ibang gagawa ng tunay na reporma sa lupa kundi ang sama-samang pagkilos ng mga magsasaka, sa tulong ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Pero kung aasa tayo sa gobyerno sa pamamahagi ng lupa, ay wala na tayong aasahan. Dahil hindi na ipapamahagi ng gobyerno ang lupa,” ani Jerie. 

Ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng lupang Tartaria ang nagpatimo kay Jerie sa realidad ng buhay ng mga magsasaka: una, na makailang ulit lamang  bibiguin ng gubyerno ang pangako nito sa mga naglilinang ng lupa; at ikalawa, na kung nais nilang kamtin ang lehitimong pagbabago, kalayaang magtanim, at tunay na reporma sa lupa, ay wala silang masasaligan pa kundi ang kanilang sariling lakas kasama ang malawak na hanay ng masang nakikibaka para sa isang mas masagana at makatarungang lipunan. 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here