Sa paggunita sa Global Day of the Landless, nagprotesta ang grupo ng mga magsasaka at mga tagasuporta nito harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City noong Marso 29, 2023.

Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kasama ang mga balangay nito sa Gitnang Luson, Lambak ng Cagayan, at Timog Katagalugan.

Kinalampag ng mga magsasaka at iba pang progresibong grupo ang pambansang tanggapan ng DAR bunsod ng kawalang aksyon nito sa usaping kinahaharap ng mga magsasaka partikular sa pamamahagi ng mga lupang sakahan.

Saad ng KMP, pito sa 10 magsasaka ang walang sariling lupang binubungkal at nagpapatuloy ang kairalang ito matapos ang mga programa katulad ng Presidential Decree 27 (PD 27) ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Corazon Aquino hanggang sa mga kasalukuyang batas sa lupa sa ilalim ng panibagong administrasyong Marcos Jr.

“Milyung-milyong magsasaka hanggang ngayon ay wala pa ring [sariling] lupa. Limampung taon na mahigit ang PD 27, mahigit tatlong dekada na ang CARP, hanggang ngayon wala pa rin kaming lupa,” ani Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Sa kabilang banda, naglunsad din ng “Protestang Bukid” sa kanilang mga sakahan ang mga magbubukid sa rehiyon ng Bicol, isla ng Panay at Negros.

Panawagan ng grupo, imbis na itulak ang proyekto ng DAR at World Bank (WB) na Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT), ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at resolbahin ang mga nakabinbin na kaso hinggil sa pamamahagi ng lupa.

Ang SPLIT ay proyektong itinutulak ng DAR-WB na sumasaklaw sa taong 2020-2024. Ito ay may pondong P19 bilyon mula sa pautang ng International Monetary Fund at World Bank. Ang proyekto ito ay nasa ilalim ng programang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) na layong hati-hatiin ang 1.37 milyong ektaryang lupain ng 1.1 milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Ang mga ARBs na Collective Certificate Land Ownership Award (CCLOA) holder ay hihimuking humiwalay para sa indibidwal na pagbubungkal sa lupa na lumalabag sa 1987 konstitusyon.

Ayon kay Rafael Mariano, chairman emeritus ng KMP at dating kalihim ng DAR, layunin lamang ng SPLIT na watak-watakin ang nagkakaisang samahan ng mga magbubukid at palalakasin lamang nito ang kontrol ng mga korporasyon sa lupa sa pamamagitan ng pagbili sa mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng mga magsasakang walang puhunan sa pagsasaka.

Aniya, kung nais ng DAR na mahusay na ipamahagi ang lupa, dapat suportahan ng ahensya ang isinusulong na Genuine Agrarian Reform Bill (GARB); at ang inutang na pondo para sa proyektong SPLIT ay gamiting subsidyo para sa pagsasaka.

Sa datos noong Hunyo 2021, mayroong 42,645.42 ektarya na ang naparselisa. Samantalang ngayong Marso 2023, 67% na umano ang inabot na progreso ng proyekto.

Binatikos din ng grupo ang pagsasawalang bahala ng administrasyong Marcos Jr. sa krisis na dinaranas ng masang anakpawis at ang pagraratsada nito ng Charter Change (Cha-Cha) na magbibigay daan sa lalo pang liberalisasyon ng agrikultura sa bansa na maaaring magdulot sa pagkalugi ng mga lokal na prodyuser.

Matapos ang protesta, tumungo ang mga deligado sa Student Union building ng University of the Philippines, Diliman para talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., at ang masamang epekto ng proyektong SPLIT. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here