Taong 2017, ipinatupad ang “zero fishpen policy” sa Laguna de Bay sa direktiba ng Laguna Lake Development Authority (LLDA). Batay ito sa Board Resolution No. 518 na inilabas naman noong Oktubre 2016.

Layunin ng nasabing polisya na tanggalin ang aabot sa 13,000 ektaryang sinasaklaw ng mga iligal na istrukturang sa lawa batay sa pagtataya ng Department of Environment and Natural Resources. Bunsod nito, idineklara ang isang taong moratorium o tigil-operasyon ng mga bakladan sa lawa.

Ayon naman sa pag-aaral ng PAMALAKAYA katuwang ang Save Laguna Lake Movement (SLLM), aabot sa 60% o aabot sa 54,000 ektarya mula sa 90,000 kabuoang ektarya ng lawa ang inookupa ng mga pribadong kumpanya.

Epekto ng zero fishpen policy sa mga mangingisda

Para sa mga mangingisda, ang pagpapatupad ng zero fishpen policy ay labis na nagpakita ng panghahati partikular ng maliliit na mangingisda sa komersyal at malalaking korporasyon.

Giit ng grupong PAMALAKAYA, mainam na matamang banggitin sa resolusyon ang pagtatanggal ng mga iligal na istrukturang may 50-ektarya pataas na pagmamay-ari ng mga komersyal at malalaking korporasyon.

Malaking pangamba kasi ang naidulot ng kawalan ng malinaw na direktiba para sa mga mangingisda ng lawa. Isa na rin dito si Tatay Renato.

“Mabigat sa amin na kami ang nagtayo, kami rin ang magtatanggal,” paglalahad ni Tatay Renato.

Aniya, humigit kumulang kalahating milyon ang gastos sa pagtatayo pa lamang ng isang ektaryang bakladan. Mula sa pagbili ng kawayan, lambat, hanggang sa pagpapako at pagpupuwesto nito sa lawa. Hiwalay rin ang pangangailangan ng dalawang tao para sa lakas-paggawa.

“Isang tulos ng kawayan, nasa P1,300 na. Ilang daan ang kailangan mo depende sa laki. Sa limang ektarya, halos P1,000 na tulos ang kailangan,” paliwanag niya.

LLEDP at LLRNP, pasakit sa mga mangingisda

Hindi lamang zero fishpen policy ang naging banta sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Isa pa rito ang mga malalaking proyekto sa lawa tulad ng Laguna Lakeshore Expressway Dike Project (LLEDP) at Laguna Lakeshore Road Network Project (LLRNP).

“Kami ang lumaban noon sa reklamasyon katuwang ang mga kasama. Imbis na magtambak, viaduct nalang mula Bicutan hanggang San Pedro,” ani Larry Protacio, mangingisda at kasalukuyang pangulo ng Fisheries and Aquatic Resource Management Council (FARMC).

Ang LLEDP ay isang malaking proyektong megadike na layong magtayo ng 47-kilometrong expressway mula Taguig City hanggang sa ilang mga bayan sa probinsya ng Laguna. Higit 700 ektarya ng lawa ang panukalang reklamasyon para sa commercial o mixed use.

Ang naturang proyekto ay bahagi ng Public-Private Partnership project (PPP) ng dating administrasyong Aquino na may pondong 122.8 bilyon.

Gayumpaman, bigo ang naging bidding para sa LLEDP dahilan para ihinto ang proyekto ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Para kay Protacio, hindi lamang sa teknikal na usapin ang naging dahilan ng pagkaka-antala kundi bunga rin ng mariing pagtutol ng mga mangingisda sa pangunguna ng Save Laguna Lake Movement.

“Matindi ang mga naging usap doon noon. Kung saan saan kami sumusulat, sa Kongreso, Malacañang, para makausap namin ang dapat makausap,” aniya.

Samantala, taong 2019 ay muling binuhay ang ideya para solusyonan umano ang krisis sa pampublikong transportasyon sa anyo naman ng LLRNP.

Taong 2021 nang simulang gawin ang disenyo ng LLRNP bilang bahagi ng Build, Build, Build program ng dating administrasyong Duterte na ipinagpatuloy naman ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. sa kanyang flagship program na Build Better More.

May inilaang pondong P174.3 bilyon para sa LLRNP na inutang ng administrasyong Marcos Jr. mula sa Asian Development Bank (ADB), na sinundan pa ng dagdag na $905.26 milyong pondo mula naman sa Export-Import Bank of Korea.

Itinuturing ang LLRNP na mas maliit at modernisadong bersyon ng LLEDP. Magtatayo ito ng 37.5 kilometrong kombinasyong viaduct at embankment road mula Taguig hanggang Laguna.

Ayon sa grupong PAMALAKAYA, may bahagi pa rin sa proyekto ang may kaakibat na reklamasyon, partikular sa ilang segment sa baybaying bahagi ng Laguna.

Halos isang kilometro naman ang layo mula shoreline ang planong pagtatayo ng viaduct o elevated expressway para sa LLRNP.

“Kapag tambak kaysa viaduct, magiging stagnant ang tubig malapit sa shoreline kaya mas mataas ang posibilidad ng pagbaha sa mga kalapit na komunidad,” paliwanag ni Protacio.

Tuloy ang laban

“Mga magulang pa namin at matatandang mangingisda ang nagpasimula ng SLLM. Hindi kami pumayag noon na magkaroon ng reclamation dito sa lawa,” ani Protacio.

Ngunit sa panayam ng Manila Today sa ilang mangingisda, lumitaw ang mga pangangamba at hindi pagrekomenda para ipagpatuloy ang hanapbuhay na pangingisda sa kanilang mga anak.

“Ayaw na namin silang maging mangingisda. Hirap na,” ani Aldy Ramirez, isang mangingisda.

Sa bahagi naman ng mga kabataang nakipag-integrasyon sa mga mangingisda sa lawa, nakita nila ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng laban para sa usapin ng katiyakan sa kabuhayan.

“Hindi maaaring ihiwalay ang laban ng mga mangingisda sa laban para sa kinabukasan ng kabataan. Dapat tayong makipagtalakayan, makipag-integrasyon, at lumahok sa mga aktwal na gawain sa produksyon hindi lang para makibahagi, kundi upang matuto at makiisa sa kanilang panawagan,” ani Eleazar Anaya mula Kabataan Partylist Muntinlupa.

Ayon sa kanya, nakakalungkot mang marinig sa mga mangingisda na ayaw na nilang ipamana ang hanapbuhay sa mga anak nila ngunit hindi ito dahil sa kakulangan ng dignidad sa paggawa kundi sa kawalang-katiyakan sa kita at kapabayaan ng gobyerno na tugunan ang mga banta tulad ng LLRNP, fish kills, at iba pang epekto ng lumalalang sosyo-ekonomikong krisis.

“Huwag nating kalimutan na minsan ding naging kabataan si Ka Larry na ipinagpatuloy ang laban ng kanyang mga magulang. Ang laban na sinimulan nila bilang kabataan ay siyang laban na dapat ipagpatuloy din natin hanggang ngayon,” pahayag ni Anaya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here