Mainam para sa mga mangingisda sa Laguna de Bay ang mga buwan ng Mayo hanggang Hunyo para sa pag-aani ng bangus. Bukod kasi sa isang taon ang kailangang hintayin bago anihin ang mga bangus fingerlings, malaking dagok sa mga mangingisda ang paulit-ulit na fish kill sa lawa.

Noong Abril 27, nag-ani na si Renato Martinez, 83 anyos, na mangingisda at operator, ng kanyang mga bangus. Kung dati ay maaaring dalawang beses sa isang taon ang anihan, ngayon ay isang beses na lamang ito dahil namamatay na ang kanyang mga huling isda.

Noong 2019, nagkaroon na rin ng fish kill sa lawa kung saan mahigit 500,000 isda ang namatay sa mga fish cages.

Ayon sa eksperto mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), ang fish kill ay dulot ng pag-usbong ng algal blooms o tinatawag na “green tide” sa mga freshwater tulad ng Laguna de Bay. Katulad nito ang “red tide” sa mga saltwater, na karaniwang nangyayari kapag mas mataas ang temperatura ng tubig kaysa sa karaniwan.

Ngunit ayon sa PAGASA, ang kasalukuyang nararanasang init ay hindi pa ang “peak heat” ng tag-init. Dagdag pa rito, inaasahan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng temperatura at lebel ng halumigmig sa mga susunod na linggo.

Naitala rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mataas na heat index level kung saan ang 42°C hanggang 51°C ay kabilang na sa “danger category,” samantalang ang 33°C hanggang 41°C ay pasok sa “extreme caution” category.

Bukod sa lumalalang epekto ng tag-init sa kanilang pag-aani, perwisyo pa rin sa mga mangingisda ang pagkakaroon ng invasive na clown knifefish sa kanilang mga fish cage.

Orihinal na mga aquarium fish ang mga knifefish. Ngunit ayon sa mga mangingisda, naging talamak ang mga ito sa Laguna de Bay kasagsagan ng Bagyong Ondoy. Bagamat malalaki at mahal sa lokal na pamilihan, mas malaki pa rin ang pinsalang dulot nila sa populasyon ng mga isda sa lawa dahil sila ay mga mandaragit ng mga native na isda. Target ng clown knifefish ang mga fingerlings ng bangus, tilapia, kanduli, at iba pang isdang inaani ng mga mangingisda.

Noong 2013, bumuo ng technical working group ang BFAR, LLDA, Department of Science and Technology (DOST), University of the Philippines—Los Baños (UPLB), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang lutasin ang infestation ng knifefish sa Laguna de Bay.

Ngayong taon, inilunsad ang Knifefish Collection and Retrieval Program sa Bayanan, Muntinlupa bilang bahagi ng mga pagsisikap na sugpuin ang knifefish sa lawa. Ang programang ito ay pinondohan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-National Fisheries Technology Center.

Sa kabilang banda, nagpaabot na ang mga mangingisda sa BFAR hinggil sa insidente ng fish kill. Ayon kay Larry Protacio, pangulo ng Fisheries and Aquatic Resource Management Council (FARMC), mahigit tatlong linggo na ang nakalipas mula nang mag-report sa BFAR ang mga mangingisda upang magsagawa ng pagsusuri sa lawa dahil sa abnormal na pagkamatay ng mga isda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here