Sa gitna ng papainit na tubig sa lawa, lumalalang presensya ng knifefish, at mga banta ng proyektong pang-imprastruktura’t reklamasyon, patuloy ang hanapbuhay ni Tatay Renato Martinez, operator ng dalawang bakladan sa Cupang, Muntinlupa. Mula pa dekada ’70 ay mangingisda na si Tatay Renato.

Pagbabahagi ni Renato Martinez ng kanyang mga karanasan bilang mangingisda hanggang sa maging operator.

P70,000 ang halaga ng panimulang kapital ni Tatay Renato sa pagpapatayo ng kanyang bakladan. Hindi rin basta-basta ang halagang ito na maihahalintulad ngayon sa higit anim na milyong piso.

Sa kasalukuyan, mayroong dalawang fish pen si Tatay Renato na may laking sampung ektarya. Hiwalay pa rito ang kanyang ipinatayong tig-iisang bakladan para sa lima niyang tauhang mangingisda.

60-40

“Alam ko ang hirap ng mangingisda. Diyan din kasi ako nagsimula. Kaya nagpatayo ako ng iba pang mga baklad, ginagawa ko para may sariling kita sila,” ani Tatay Renato.

Aabot ang isang baklad sa halagang P50,000 o P250,000 kung para sa limang baklad na ipinatayo ni Tatay Renato para sa kanyang mga mangingisda.

“Kasi ang sweldo rito sa bakladan ko, maliit lang. Iyan naman ay para may sarili silang kita na pansuporta sa kanilang pamilya,” dagdag pa niya.

Ayon kay Aldy Ramirez, isa sa kaniyang tauhan, sadyang hindi sapat ang kita sa panghuhuli kung sa bakladan lamang ni Tatay Renato. Kung kaya naman sa sariling baklad ay natututo siyang magpalago ng produksyon ng isda. Makikibahagi na lamang sa magiging parte ng anihan si Tatay Renato.

Sa ganitong kalakaran ay nabibigyan ang maliliit na mangingisda tulad ni Aldy ng sariling pagsalo sa kita. Halimbawa, kung kikita ng P2,500 sa isang harvest ang baklad, may bahagi rito ng P1000 si Tatay Renato bilang pantustos sa gasolina at puhunan na rin sa baklad na siya ang nagpatayo at nagpapaayos.

Sampung tonelada

Bangus ang pangunahing isdang inaani sa dalawang bakladan ni Tatay Renato, bagamat may tilapia at kanduli ring naliligaw rito. Madalas pa rin ang pagkakaroon ng knifefish.

Ayon sa mga mangingisda, mayroong sinusunod na zoning ordinance sa Muntinlupa City hinggil sa kanilang pangingisda sa Laguna de Bay. Ang mga itinuturing na maliliit na mangingisda o individual permittees ay pinapayagan lamang ng isang ektarya na lawak ng lambat o baklad. Para naman sa mga asosasyon o kooperatiba, pinapahintulutan ang hanggang limang ektarya basta’t nahahati sa mga miyembro at hindi lumalagpas sa limitasyon.

Pagsalubong ni Aldy sa mga kapwa mangingisda mula Binangonan para sa anihan.

Noong Abril 27, sisikat pa lamang ang araw bandang 5:30 AM ay dumating na ang isang pituya kasama ang higit apat na mangingisdang katuwang ng mga tauhan ni Tatay Renato. Kabilang dito si Aldy.

Galing pang Binangonan ang pituya na magkakarga ng aanihing bangus sa bakladan ni Tatay Renato. Bayad na iyon ng kaniyang buyer maging ang mga katuwang na mangingisda para sa gagawing pag-ani sa higit kumulang sampung toneladang bangus kasama ang iba’t iba pang isda tulad ng tilapia at kanduli.

Kung dati ay dalawang beses ang anihan kada taon kasabay ng pagpapalit ng semilya ng bangus, ngayon ay isang beses na lang. Ayon pa kay Tatay Renato, sa buwan ng Mayo-Hunyo ang mainam na panahon para maglagay na ng semilya ng bangus sa lawa. Ngunit sa panahon ngayon ay tila hindi na normal ang kalagayan ng nagbabagong klima dahil sa epekto nito sa mga isdang mahuhuli sa lawa.

Sa pagsama sa laot ng Manila Today, binahagi naman ni Larry Protacio, isa ring mangingisda, ang nangyayaring fish kills sa lawa.

Nagiging praktikal na rin ang mga mangingisda kung sa usapin ng kanilang pag-ani. Sa bahagi ni Tatay Renato, dahil isang beses na lang kung palitan ang semilya sa kanyang bakladan, tumatanggap na lamang siya ng mga order. Tulad na lamang din sa araw na iyon kung saan kinontrata na siya para sa sampung toneladang bangus.

Pagsisid ng mga busero upang kalkulahin ang bilang ng isda at alamin kung sapat na ang laki para anihin.
Pag-agapay ng mga mangingisda sa pag-angat ng lambat para makuha ang huling isda.
Paghango ng mga huling isda gamit ang hiwalay na lambat patungo sa pituya ng mga mangingisda.

Habang nasa pituya, may iba’t iba ring gawi o routine ang mga mangingisda sa pamamaraan ng kanilang pag-ani: may isang busero ang sumisisid sa ilalim para alamin ang kalagayan ng mga isdang maaari nang anihin, habang tulong-tulong ang iba pang mga mangingisda sa palibot ng baklad na unti-unting humihilala sa lambat. Hinanda rin nila ang paglalagyan ng mga huli kung saan bloke-blokeng yelo ang agad na inilagay roon. Habang hinahango na ang mga huli ay saka naman inilalagay ang sako-sakong asin. Ginagawa ito para manatiling sariwa ang itsura ng isda, ani Tatay Renato.

Umabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang pagtitiyak ng busero sa loob ng bakladan. Maagap din ang pag-uulat kay Tatay Renato na agad namang nagbibigay ng atas kung magpapakawala ng isda sa baklad.

Mag-aalas diyes na bago matapos ang pag-ani sa dalawang bakladan ni Tatay Renato. Aniya, malalaman na lamang sa pagbabagsakan nila sa Binangonan kung tumpak ang pagtataya nilang sampung tonelada ang ikinarga sa pituya.

“Malamang mga sampung tonelada din ’yan,” sabi niya habang pinagmamasdan ang huling pag-ahon ng lambat.

Tapos na ang unang beses na pag-ani ni Tatay Renato sa kanyang bangus para sa kasalukuyang taon. Aniya, maari pa rin naman siyang makapag-ani ngunit mas pinipili na lamang niya ang makapagbibigay ng makatarungang halaga para sa kanyang isda.

“Hindi rin kasi biro ang usapin ng mga gastusin sa anihan pa lang,” paliwanag niya.

Isang prinsipyo

Sa kabila ng pagbabago ng klima at mga proyektong pang-imprastruktura’t reklamasyon, patuloy pa rin ang paghahanapbuhay ni Tatay Renato hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa komunidad ng mga mangingisda sa Muntinlupa.

Ayon kay Protacio, sa naturang siyudad umusbong ang Save Laguna Lake Movement kung saan lumalawak ang pananaw ng mga mangingisda mula sa pag-ani ng isda tungo sa paninindigang ipagtanggol ang mismong lawa.

Pinangunahan ng Alyansa ng mga Mangingisda Laguna de Bay (ALMALAG) kasama ang iba’t ibang lokal na samahan sa paligid ng lawa ang kilusang tumutol sa panukalang reklamasyon sa Laguna de Bay, lalo noong maugong ang usapin ng Laguna Lakeshore Expressway Dike Project (LLEDP) at ngayon na Laguna Lakeshore Road Network (LLRN).

Sa tulong din ng iba’t ibang grupo tulad ng PAMALAKAYA, Gabriela Muntinlupa, Kabataan Parylist Muntinlupa at iba, nakapagsasagawa ang mga maliliit na mangingisda ng mga konsultasyon, lakbayan, at serye ng mga dayalogo upang igiit sa gobyerno ang kanilang karapatan sa kabuhayan.

“Hindi lang ito usapin ng kita o ani,” ani Tatay Renato “Kapag may nagtangkang palayasin kami sa lawa, para na rin kaming tinanggalan ng kakayahang mabuhay.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here