Ginugunita ng kilusang makabayan at demokratiko ang “First Quarter Storm of 1970”, isang katawagan sa serye ng malalaking martsa at demonstrasyon noong unang tatlong buwan ng 1970 pagtutol sa represibong pamumuno ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. at sa namamayaning kaayusang panlipunan at pampulitika sa bansang Pilipinas.
Pagbabalik-tanaw
Bago ang “First Quarter Storm of 1970”, nagbabadya ang pagsiklab ng isang matinding krisis pang-ekonomiya sa bansa. Ilan sa mga senyales nito ay ang implasyon (sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin), debalwasyon ng piso, at paglawak ng disempleyo. Sinabayan pa ito ng magulong sitwasyong pulitikal dahil sa malaking pera na ginastos ng malalaking pulitiko para sa kanilang kampanyang elektoral noong mga huling buwan ng 1969.
Ang posibilidad ng isang malaking krisis panlipunan at ang kabiguan ng mga gobyernong Macapagal at Marcos na maagapan ang krisis na ito ay lumikha ng malawakang diskuntento sa panig ng masang Pilipino. Dahil dito, umalingawngaw ang mga pagpupunyagi para isulong ang mga radikal na pagbabago sa pamamagitan ng paglikha ng bagong konstitusyon na sasagot sa mga pangunahing isyu ng bansang ito gaya ng paghihikahos ng nakakarami, pamamayani ng lokal na oligarkya, at korapsyon at kabulukan sa gobyerno.
Nag-umpisa ang mga malalaking demonstrasyon noong Enero 26, 1970 nang nagtipon ang iba’t ibang organisasyong masa sa harap ng dating gusali ng Kongreso sa Maynila para itulak ang pagbubuo ng isang Kumbensyong Konstitusyonal na hindi pinakikialaman ng mga pulitiko na may pansariling interes. Ang aksyong masang ito ay humantong sa sukdulan nang ilagay ng mga kabataang demonstrador sa ibabang bahagi ng flagpole ang isang litrato ni Marcos na mistulang kawangis ng napabagsak na diktador ng Alemanya na si Adolf Hitler, isang kabaong na gawa sa mga cardboard na sumisimbolo sa pagpatay sa demokrasya, isang papier-mâché na hugis-buwaya na sumisimbolo sa korapsyon at kabulukan sa lipunang Pilipino, at isang effigy na may mukha ni Marcos.
Sinunog ng mga demonstrador ang effigy ni Marcos habang siya at ang noo’y Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos ay kalalabas lang mula sa Kongreso. Ibinato pa sa kanila ang kabaong at ang papier-mâché bago nagkaroon ng tensyon. Dinahas ng mga pulis-Maynila ang mga demonstrador ngunit simula pa lang ito ng mas papatinding pagsupil patungong Batas Militar. Gayundin, simula ito ng tumitinding ligalig na pinatunayan ng mga sumunod na malalaking martsa at demonstrasyon na humantong sa isang madugong “Labanan sa Mendiola” noong Enero 30-31.
Sinundan ito ng mga Kongresong Bayan noong Pebrero 12 at 18 at ng malalaking demonstrasyon noong Pebrero 26. Idinaos ang Martsang Bayan noong Marso 3 na sinundan naman ng mahabang martsa laban sa paghihikahos noong Marso 17.
Ang mga naganap na demonstrasyon noong mga unang buwan ng 1970 ay palatandaan na muling nagkaroon ng buhay ang kilusang makabayan at demokratiko na hindi pa sumisiklab mula noong dekada ’50.
Kabuluhan ng FQS
Naniniwala si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Prof. Jose Maria Sison na napapanahon ang paggunita sa First Quarter Storm (FQS) of 1970 hindi lamang dahil sa pumutok ito noong Enero 26 at nagpatuloy hanggang Marso ng 1970 kundi dahil sa kaharap muli ng estudyanteng kabataan ang halimaw na pasistang diktadura ni Duterte at pagpapasidhi nito ng pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino.
Ipinaliwanag niya na malaki ang kahalagahan ng FQS sa patuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
“Kumilos ang milyun-milyong estudyante at iba pang mamamayan sa Manila at ibang lungsod ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga martsa at rali para labanan ang rehimeng Marcos na papet ng US na katulad ng rehimeng Duterte.”
“Hindi nasindak ni Marcos ang mga kabataan at malawak na masa. Lumaban sila nang puspusan. Sigaw nila, Makibaka, huwag matakot! Inspirasyon sila hanggang ngayon sa pakikibaka,” dagdag-paliwanag niya.
“Ang pag-alsa ng kabataang estudyante ay naging hudyat sa malawakang paggising at pagkilos ng mga anakpawis, mga propesyonal, mga makabansang namumuhunan, mga relihyoso at iba pang sektor ng lipunan para lumahok sa kilusang makabayan at demokratiko.”
Binanggit niya na “lumaki ang kasapian ng Kabataang Makabayan at iba pang makabayang organisasyon at ang mga ito ay nagpatibay sa pundasyon ng kilusang laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo” noong panahong iyon.
“Tumaas ang kanilang diwang lumaban ayon sa linyang digmang bayan ang sagot sa batas militar.”
Aniya, pinanday ng FQS ang maraming militante na handang sumanib sa CPP at New People’s Army (NPA) at lumahok sa digmang bayan.
“Hanggang ngayon, bangungot ng naghaharing sistema ang FQS ng 1970.”
Ang kalakasan ng FQS ay malayo sa anumang kahinaan. Tama ang linya nito sa pulitika at sa organisasyon. Hindi totoo ang paratang ng mga rebisyonista at iba pang ilang tagasalungat na nakatuon lamang ang paglaban sa persona ni Marcos. Linabanan ng FQS ang tatlong halimaw (imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo) na pinangatawanan ni Marcos.
Hanggang ngayon, sabi ni Prof. Sison, “modelo ang FQS sa malawakang edukasyon, pag-organisa at mobilisasyon” ng masa.
“Dapat tularan ngayon ng mga organisasyong masa ang paghahanda ng mga martsa at rali sa pamamagitan ng mga miting sa mga paaralan, paligid ng mga pabrika at loob ng komunidad at pagkatapos may iba’t ibang assembly points sa Metro Manila para magmartsa patungo sa converging point sa angkop na piniling sentro ng Metro Manila.”
Naniniwala siya na “mahalaga iyong martsa na mahaba sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila dahil naaakit na lumahok ang masang dinadaanan.”
Nasaan na nga ba ang tunay na pagbabago?
“Maliwanag sa akin na nananatili pa rin ang mga usaping panlipunan at pang-ekonomiya na naging mitsa ng muling paglakas at paglawak ng kilusang makabayan at demokratiko na muling binuhay noong gitnang bahagi ng dekada ’60 at tumungo sa malakihang pag-aalsa ng FQS ng 1970,” sabi niya sa akin hinggil sa kawalan ng tunay na pagbabago sa pamumuhay ng mga ordinaryong Pilipino.
“Hindi naman nalulutas ang mga saligang problema ng bayan: ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.”
“May malinaw at tumpak na programa ang kilusang makabayan at demokratiko para lutasin ang mga pangunahing problema ng bansang Pilipinas,” ayon sa CPP founding chairman.
“Pinakamalinaw ang Programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ng CPP hanggang sa mga tungkulin sa pagrerebolusyon. Pero sapat din ang linaw at husay ng mga programa ng ibat organisasyong masa sa pagpapaliwanag sa mga problema at mga tungkuling angkop sa legal na pakikibaka, na tuwiran o di-tuwirang kaugnay sa armadong pakikibaka.”
Naniniwala siya na “hindi totoo ang sinasabi ng mga reaksyonaryo at bayarang umano’y eksperto na hanggang ngayon mataas ang antas ng kasiyahan at pagtitiwala ng mga ordinaryong Pilipino kay Duterte at hindi rin totoo ang sinasabing kawalan ng malinaw na alternatibong programa de gobyerno.”
“Hubad na hubad na umano ang emperador sa pagsisinungaling, paltos na mga pangako, pagiging brutal at korap at pagiging utusan ng imperyalismong US at mga nagsasamantalang uri ng malalaking komprador at asendero.”
“Mga komerysal na poll survey firm ay hindi nagtatanong ng mga tanong na dapat tanungin sa masang anakpawis at gitnang saray ng lipunan tungkol sa pagtaas ng buwis at presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo, pagdukot at pamamaslang sa mga tinawag na drug suspect at terrorist suspect, drug smuggling ng mga kamag-anak mismo ni Duterte, laganap na pangongotong ng militar at pulis sa mga checkpoint, ang garapal na korupsyon ng mga mataas na opisyal at pagsunod sa utos ng mga imperyalista at mga naghaharing uri,” ani Prof. Sison.
“Hindi lamang malaki ang posibilidad kundi namiminto ang mas madalas, maramihan at malakihang mga aksyong masa dahil sa kawalan ng pagbabago sa pamumuhay ng mga ordinaryong Pilipino sa kabila ng pag-usad ng TRAIN ng mabigat na buwis at implasyon ng presyo ng mga kalakal at serbisyo at ng Charter Change tungo sa madugo at malupit na pasistang diktadura ni Duterte,” sabi ni Prof. Sison hinggil sa kanyang mga unang pagpapaliwanag sa mga panayam ng Philippine Daily Inquirer ukol sa posibilidad ng mga aksyong masa ngayong taong ito.
Nagbabadyang ligalig
“Sa abot ng kaalaman ko, handa na ang masa at mga organisasyon sa legal na pakikibaka. Maging sa armadong rebolusyon, ipinahayag na ng CPP at NPA pati mga lihim na organisasyon at organo ng kapangyarihang pampulitika na handa silang magpaigting ng sandatahang pakikibaka sa buong kapuluan hanggang mapatalsik ang rehimeng Duterte,” pagtataya niya hinggil sa posibilidad ng pakikibakang popular at armadong rebolusyon sa ilalim ng gobyernong Duterte na nakakakuha ng mataas pa ring antas ng kasiyahan at pagtitiwala (ayon sa mga survey firm).
“Kahit na sabihin na mataas ang tantos ng paglaki ng gross domestic product (GDP), ang halos lahat ng kita naman ay napupunta sa mga imperyalista, mga malaking komprador, sendero at mga korap na opisyal.”
Naniniwala siya na “patuloy ang atrasadong ekonomya, ang kawalan o malaking kakulangan ng trabaho, labis na mababang pasahod, kawalan ng lupa para sa mga magsasaka at laganap na kahirapan.”
Kasabay nito, aniya, “may rehimeng mahilig magbanta at pumatay ng maraming tao.”
“Naipakita na ang lakas ng pambansa demokratikong kilusan sa protestang masa noong Setyembre [2017] laban sa tiraniya ni Duterte at mga human rights violations sa Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan. Umpisa pa lamang iyon. Ilampunglibo na ang dumalo,” ayon sa kanya.
“Sa pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, lalong magagalit ang masang anakpawis pati na ang gitnang saray na mabababa ang sahod.”
Nahuhubaran na rin umano ang tipo ng pederalismo ni Duterte [bilang maskara] ng isang pasistang diktadura.
“Nasa ibabaw ang unitaryong presidenteng diktador sa mga magastos na gobyernong rehiyonal na idodomina naman ng mga rehiyonal na oligarko, komprador, at asendero, mga dinastiya at mga warlord,” paliwanag niya hinggil sa inilalakong pederal na anyo ng gobyerno ni Duterte.
Isa pang malaking kapahamakan sa mamamayan, aniya, ang planong payagan ang 100 porsyentong kontrol ng mga dayuhan sa pagsasamantala sa likas na yaman at sa lahat ng tipo ng negosyo. Habang nalalantad ang katotohanan, magagalit ang masa at kikilos.
“Hindi totoo na may tunay na pagbabago. Patuloy ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng pang-aapi at pagsasasamantala sa sambayanang Pilipino.”
Mga hamon ng panahon
Malaking hamon umano sa mga makabayan at demokratikong pwersa ang pagpapaklikos sa masa at paglaban sa rehimeng pasista sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka.
“Dahil sa malupit at marahas ang tiranikal na rehimeng Duterte, tiyak na may kahirapan at sakripisyo at magkakaroon pa ng ilang martir sa pakikibaka. Subalit tuwing may brutal na aksyon ng mga nasa kapangyarihan, tiyak na magngangalit ang mamamayan at lalo pang lalaban. Ito ay aral na makukuha natin sa FQS. Bantayan lamang ng mga lider na hindi sila masindak o mabuyo sa anumang panlilinlang ng kaaway.”
Naniniwala si Prof. Sison na malayong mas mahinang kaaway si Duterte kaysa si Marcos.
“Garapal siya na kumilos at magsalita laban sa mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng sambayanang Pilipino,” komento niya sa mga panibagong banat ni Presidente Duterte laban sa NPA noong nakaraang lingo.
“Akala niya makakapaghari siya nang matagal sa pamamagitan ng barumbado at bastos na pagmumura at mga maramihang pamamaslang sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, Oplan Tokhang, martial law, kunwari’y anti-terorismo at pekeng pederal na konstitusyon na pantabing sa tunay na terorismo ng pasistang diktadura.”