Taon-taon na lang kapag panahon na ng tag-ulan, nagbabago ang mukha ng ating mga lungsod—hindi para sa mas ikagaganda nito, bagkus ay mas sumasama pa nga, dahil sa hagupit ng bagyo na nagdudulot ng matinding pagbaha. Sa paulit-ulit na eksenang ito, isa ako at ang aking pamilya na tulad din ng ibang ordinaryong Pilipinong palaging biktima ng pagbaha. Naranasan ko na ring lumusong sa baha upang makabili ng pagkain. Madalas, mas pinipili naming magtiis na lumusong sa bahang umaabot sa aming baywang kaysa hintayin ang tubig na bumaba. Kaysa naman magutom, ‘di ba?

Sa ganitong sitwasyon, ang delivery service ay parang ilaw sa dilim—ang takbuhan at pag-asa para makakain. Ngunit paano kung pati sila ay hindi makalusot sa tindi ng balakid na sa dapat ay hindi rin nila nararanasan?

Hindi biro ang pagharap ng mga rider sa magulong panahon. Iba rin ang hamon sa kanila lalo na tuwing tag-ulan. Totoo mang mataas ang demand sa food delivery riders lalo kapag napakalakas na ng buhos ng ulan, hindi naman ibig sabihin nitong awtomatikong hayahay na ang hanapbuhay nila. 

Mula sa mga panayam ko sa food delivery riders, may malinaw na dahilan kung bakit sila umaatras. Sa makulimlim na kalangitan dahil sa ulan at sa malalalim na mga baha, hindi biro ang panganib na kanilang nilalabanan, lalo’t kapote lang ang kanilang panangga at diskarte ang kanilang sandata.

“Kinakabisado na lang namin yung mga lugar kung saan may baha para iwas booking,” ani Jerome Bajo, 28. 

May babala man sa app tungkol sa baha, “Sana, kapag alam na ng Grab na baha ang lugar ay huwag nang patakbuhin kami sa malalayong lugar para hindi kami maaksidente,” saad naman ni John Ace Castro, 30. 

Mataas man ang demand at paminsan ay mas malaki ang kita sa tag-ulan, ngunit hindi pa rin sapat ang kompensasyon para sa mga rider kung ilalapat sa panganib na sinusuong nila para mag-deliver. Bagamat may dagdag na ₱15 na fare bawat kilometro ang Grab sa mga delivery, hindi ito ramdam ng karamihan ng mga manggagawa, lalo kung napupunta rin ang kalakhan ng kita sa piyesa o maintenance para ikumpuni ang mga motor nila. O di kaya naman ay sa gamot o ospital kung madisgrasya sila sa madulas na daan at baha. 

Kung titignan, parehong apektado ang mga riders at mga konsumer na umaasa sa kanilang serbisyo. Parehong naaabala dahil sa lumalalang kalidad ng serbisyo publiko tulad ng flood control projects. Sa bawat order na hindi natanggap ng rider, sa bawat pamilya na una nang nagugutom bago makarating ang pagkain, may hinuhugot na malalim na katanungan: Hanggang kailan tayo magtitiis sa ganitong kalagayan?

Nakabibigla rin ang pambihirang pagbanggit ni PBBM tungkol sa 20% ng ₱545 bilyong pondo ng flood control projects ay napunta lamang sa iilang kontraktor lamang. Sa kabila ng malawak na badyet, marami pa ring nasasalanta kapag tag-ulan at bumaha. Marami ang nawawalan ng kita at nagugutom dahil sa kakulangan sa pagsasaayos sa bulok na sistema. 

Hindi ba ito isang malawakang kabiguan? Sa totoo lang, dapat isa sa pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang flood control. Ang responsableng pamamahala ng pondo at serbisyo publiko ay hindi kailanman dapat ipinagpapaliban.  

Bukod pa, dapat ding isinasaalang-alang ang kalagayan ng mga delivery riders, bilang esensyal din ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa panahon man ng tag-init o tag-ulan. Mahalagang alalahanin na nangangailangan din sila ng proteksyon sa trabaho at dagdag na benepisyo sa kanilang larangan ng paggawa. Kapag hindi natin pinahahalagahan ang mga manggagawa, bumabagsak hindi lamang ang kanilang kabuhayan, kundi pati na rin ang kalidad ng serbisyong natatanggap ng publiko. 

Para sa akin, ang pamalagiang pagtitiis ng mga pamilya kapag baha at ang hinaing ng mga delivery riders ay hudyat na upang pagtuunan ng pansin ang mga tunay na ugat ng problema. Hindi natin pwedeng hayaang maging dagdag pasanin ang ulan at baha sa mga naghahanap-buhay sa kalsada, at gawing hadlang naman sa pagkakaroon ng sapat na pagkain at serbisyo sa bawat tahanang nasasalanta. Ang kailangan natin ay konkretong aksyon. Lumusong na nga tayo sa baha, sana’y hindi na tayo abusuhin pa ng sistema.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here