Hindi umano natanggap ng Grasials Port Services and Stevedoring Corp. (Grasials Corp.) ang notice para sa mandatory conference sa Department of Labor and Employment (DOLE) NCR sa araw na ito kaya hindi dumating ang manpower agency. Natanggap naman ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (Harbour Centre) ang notice noong April 15, ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ng mga manggagawa na kumontrata sa Grasials Corp. para sa pagkuha ng mga manggagawa, pero hindi rin ito sumipot sa mandatory conference. Ang kumpanyang Harbour Centre (na tinuturing na principal) at ang manpower agency na Grasials Corp. (ang contractor) ang inaasahang dumalo sa mandatory conference.

Inasahang magsumite ng position paper ang Harbour Centre at Grasials Corp. sa DOLE NCR bilang sagot sa mga natuklasan ng Labor Law Compliance Office ng DOLE. Kabilang sa maaaring ihapag ng DOLE sa Harbour Centre at Grasials ang natuklasan nilang ‘labor-only contracting’ sa kumpanya at ang reklamo ng mga manggagawa.

Inireklamo ng mga manggagawa ng Harbour Centre ang Grasials Corp. nitong Enero sa DOLE. Agad namang ininspeksyon ng DOLE ang ahensya noon ding buwan na iyon.

Underpayment ng sahod, overtime pay at 13th month pay, delayed na sahod, walang payslip, walang break time para kumain, hindi pagre-remit sa SSS, Philhealth at Pag-ibig, hindi pagbibigay ng Personal Protective Equipment, walang fire safety inspection certificate, walang safety at health committee, walang nakapagsanay na safety officer at walang emergency medicine ang kabilang sa mga natuklasan ng DOLE sa General Labor Standards (GLS) at Occupational Safety and Health Standards (OSHS) batay sa inspeksyon sa lugar ng trabaho at sa panayam sa mga manggagawa.

BASAHIN: Harbour Centre workers demand DOLE to take action vs contractualization

Ang 10 hektaryang Harbour Centre ay isang private commercial port sa loob ng Manila Harbour Centre sa Tondo, Maynila na pag-aari ni Reghis Romero II, may-ari rin ng R-II Builders, Inc. at PhilEcology Systems Corporation. Binansagan ng kumpanya ang sarili nito bilang “gateway to progress” at ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng kakayahang maglaman ng 6.5 toneladang bulk at break bulk cargo, sariling pag-aaring mga forklift at mabibigat na kagamitan at 1,000 skilled na manggagawa. Ngunit ang kalakhan ng mga manggagawa na sangkot sa pagbubuhat at paglilipat ng cargo ay ipinasok sa mga ahensyang Grasials Corp., Gerolyn Contracting and Stevedoring Corp (na sinasabing nag-expire na ang registration noong Abril 15), at iba pang manpower agency at pawang mga kontraktwal na manggagawa.

harbour-centre-from-fb
Larawan mula sa Facebook ng Harbour Centre Terminal Port, Inc.
harbour-centre-aerial
Larawan mula sa Facebook ng Harbour Centre Terminal Port, Inc.

Ang susunod na iskedyul ng mandatory conference ay sa Abril 25. Kung hindi pa rin sisipot ang Harbour Centre at Grasials Corp., sinasabi ng DOLE NCR na dedeisyunan na nila ang kaso laban sa dalawa.

Nagtungo naman sa DOLE NCR ang mga manggagawa ng Harbour Centre sa araw ng mandatory conference upang magbantay sa paggulong ng kanilang reklamo. Dismayado sila sa sinasabi nilang ‘delaying tactics’ ng mga malalaking kumpanya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here