“Kailangang ipaliwanag natin kung anong klaseng eleksyon ang mayroon sa Pilipinas,” ani Fr. Dionito Cabillas, tagapagsalita ng Kontra Daya – National Capital Region (NCR).

Isang araw matapos ang eleksyon, sinalubong ito ng pagkilos ng mga progresibong grupo malapit sa The Manila Hotel na kung saan ginaganap ang canvassing ng mga boto.

Ikinabahala ng Kontra Daya NCR ang malawakang iregularidad sa proseso ng botohan, tulad na lamang nito ang pumalyang mga Automated Counting Machines or ACM. 

Ang ACM ay pagmamay-ari ng Miru Systems Co. Ltd, isang Korean firm na kinomisyon ng Commission on Elections (COMELEC) sa gagamiting makina para sa automated election system (AES). Taong 2010 unang nagkaroon ng AES sa bansa sa pamamagitan ng Smartmatic bago kanselahin ang kontrata nito dahil sa usapin ng katiwalian.

Protesta

Nanguna ang Quezon City sa may pinakamaraming naitalang ulat partikular sa mga nasirang ACMs at mishandling, ayon sa Kontra Daya NCR.

Mga nakalap ng Kontra Daya – NCR mula sa mga report na natanggap noong #Halalan2025.

Samantala, aabot naman sa 264 ang ulat ng mga ACM errors sa pagtatala noong Mayo 12. Tinukoy rito ang mga ulat hinggl sa paper jams, ballot rejections, smudging, at iba pa. Mayroon ding mga naitalang paglabag sa election procedures partikular sa pagkakaroon ng presensya ng kapulisan malapit sa poll precincts, red-tagging, illegal campaigning at iba pa. Nagpapatuloy pa rin ang pangangalap dito ng impormasyon ng Makabayan.

Election monitoring tally ng Makabayan as of May 12, 6pm.

Ayon kay Fr. Cabillas, maihahalintulad sa mga nagdaang halalan ang nagpapatuloy na kairalan sa sistema hanggang ngayon. Aniya, noong 2022 National Elections ay ganito rin ang naiulat na mga suliranin noong Vote Counting Machines pa ang ginagamit.

Pamimigay ng sample ballot sa tapat ng Pulang Lupa Elementary School sa Las Piñas City noong araw ng halalan.

“Kinukundena natin to dahil nagpipigil ito ng pagboto ng mamamayan at nag-aalis ito ng karapatan ng mamamayan na bumoto ng isang mapayapa at hindi stress sa pagboto.” ani Fr. Cabillas.

Kinwestiyon din ni Fr. Cabillas ang biglaang pag-update ng software ng mga ACMs na may version 3.5.0 sa araw mismo ng halalan. Ito ay taliwas sa pormal at naaprubahang version na 3.4.0.

Aniya, magbibigay ito ng matinding pangamba sa publiko sa posibilidad ng manipulasyon at “dagdag-bawas” na mga nakalap na boto.

Pinatinding panlilinlang at pananakot

Bahagi rin sa mga naging matingkad na usapin habang nagaganap ang halalan ay ang red-tagging at paglaganap ng fake news.

Ilang oras bago matapos ang campaign period, naglipana ang mga Facebook posts na sinasabing disqualified ang Bayan Muna dahil sa kaugnayan nito sa komunistang grupo. Agad naman nagkaroon ng fact-check posts mula sa COMELEC at iba pang grupo. Ayon kay Fr. Cabillas, nangyari na rin ito noong 2022

“Sa araw mismo ng eleksyon, hirap na yun babawihin. Kaya ganun ang nangyayari sa Bayan Muna. At kasunod nyan yung mga red-tagging at pananakot. Yun ang mahalaga natin tingnan sapagkat habang kumikilos at numalahok tayo sa eleksyon, hindi mawawala ang pananakot sa atin sa pamagitan ng red-tagging at sa pamagitan ng papalaganap ng fake news.” ani Fr. Cabillas.

“Nakita namin na maraming panlilinlang lahat, karahasan at pananakot ang ginamit ng gobyerno. At nakiisa naman ang COMELEC sa ganoong mga gawain dahil ang COMELEC ay hawak ng gobyernong Marcos Jr.. Kaya nagprotesta kami dahil nakita namin na mga kakulangan at mga pagpalya sa eleksyon.”  dagdag pa niya.

Manwal na bilangan 

Pakikiisa ng Health Alliance for Democracy sa kilos protesta sa unang araw ng national canvassing sa Manila Hotel.

Nananawagan naman ang Kontra Daya – NCR na magsagawa ng manwal na bilangan. Anila, mainam ang pagsusuri ng taumbayan at hindi dapat ialay na lamang sa makina ang pagbibilang ng boto.

Giit nila, ang sukatan ng matagumpay na halalan ay hindi nasusukat sa bilis ng resulta kundi sa pagiging tapat at bukas na proseso. 

Hamon nila sa COMELEC ang kagyat na paglalabas ng direktiba sa lahat ng Board of Election Inspectors para isagawa ang manwal na bilangan.

Ani Fr. Cabillas, maihahanda rin naman ang mga guro sa pagsasagawa nito na kaakibat ng suporta at dagdag na kabayaran.

Pagkilos bilang sandata

May humigit-kumulang apat na milyong bumoto sa ilang kandidatong konsehal sa ilalimng Makabayan batay sa partial unofficial results ng halalan, saad ni Fr. Cabillas.

Aniya, patunay ito na may kailangan pang abutin sa tuloy-tuloy na pag-mumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos. Binigyang diin ni Fr. Cabillas na kilusang masa ang kailangang sandata para ipagpunyagi ang mga pagkilos.

Nanawagan siya sa mamamayang Pilipino na ipagpatuloy ang konsolidasyon at pagpapalawak ng naabot para matamang suriin ang sistemang panlipunan sa harap ng matinding pulitikal at sosyo-ekonomikong krisis.

Sa huli, pinasalamatan naman niya ang mga volunteers ng Kontra Daya NCR na tumulong sa monitoring at dokumentastin hinggil sa mga naging anomalya at iba pang usapin habang nagaganap ang halalan.

“Darating ang panahon na sa ating pagkilos makakamtan natin ang tunay at pangmamamayang eleksyon, makakamtan natin ang tunay na pagbabago sa ating lipunan,” aniya.

Dagdag pa ni Fr. Cabillas, kailangang managot, maging bukas, at makinig ng COMELEC sa panawagan ng taumbayan.

“Ang boto ng mamamayan ay sagrado. Hindi ito dapat minamaliit ni tinatakot. Sa panahon ng krisis at tiwala sa demokrasya, tanging ang pagkilos at pagkakaisa ng sambayanan ang susi sa pagbawi ng karapatan at katarungan,” pagtatapos ni Fr. Cabillas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here