Hindi lamang simbolo ng pag-unlad at pagiging Pilipino ang paggamit sa wikang Filipino.

Bilang tunay na Pilipino, mahalagang walang naiiwan o napapag-iwanan. Sa patuloy na modernisasyon at pagharap sa global na komunidad na lumalamon at pumapatay sa wikang katutubo, mahalagang maiposisyon ang ating mga sarili, batas, ahensya at buong bansa sa pagprotekta sa yaman ng katutubong wika.

Hindi dapat nating isipin na ang wikang katutubo ay hadlang sa pag-unlad at pagkakaisa.

Ang anumang wika ay instrumento sa pagpapalaya, kaya nitong pabagsakin ang mapang-api at mapang-abuso. Ang wika ay tulay sa pagtulong at pagkalinga. Ang wika ay nanggagamot sa sugat ng mamamayang hinahambalos ng pandemya.

Nangungusap ang bawat wika.

Hindi hiwalay ang wika sa kanyang tao.

Sinasalamin ng wika ang kabuuan ng ating pagkatao at kultura. Ang anumang wikang katutubo ay paraan ng pangungusap, dinadala tayo ng ating wika sa tiyak na posisyon.

Sa panahon ng pandemya at kawalang akses sa impormasyon dulot ng panggigipit ng estado, ang wika ay nagsisilbing boses sa pagsisiwalat. Kinakausap at ipinararating nito ang nakapanlulumong kalagayan ng mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa na patuloy na dumaranas ng pasakit dulot ng pandemya.

Ang bawat pahayag na nagmumula sa kani-kanilang damdamin ay naglalarawan sa abang kalagayan ngayong panahon ng pandemya. Wika ang tumutulay upang mapakinggan ang kanilang hinanging. Hindi lamang simpleng mga salita ang mga panawagan, isa itong paglalarawan sa realidad at katotohanan. 

Naglalarawan ang bawat wika.

Nananatili ang ating pag-asa at pagbangon sa kabila ng pag-abandona ng pamahalaan sa atin sa gitna ng krisis pangkalusugan, dahil sa mga salita at wika ng pag-asa na ibinibigay natin sa bawat isa.

Tayo-tayo na lang ang nagpapalakas sa bawat isa, tayo-tayo na lamang ang nakikisimpatya sa bawat isa, totoong tayo-tayo na lamang sa pagharap sa hamon ng pandemya.

Maraming kuwento ang ating naririnig na nagsisilbing tagapaglarawan sa inisyatiba at malasakit ng ating kapwa Pilipino saanmang sulok ng bansa. Patunay na rito ang community pantry na larawan ng bayanihan at damayan, nagpasalin-salin na sa iba’t ibang wika sa Pilipinas para maihatid ang ayudang mula sa masa tungo sa masa. Ang mga kuwento mula sa organizer, volunteer hanggang sa mga ordinaryong mamamayang pumila ang dapat na maitala sa kasaysayan, sila ang wika ng pag-asa, wikang naglalarawan sa konsepto ng kapwa.

Nagsisiwalat ang bawat wika.

Nasa wikang katutubo ang higit na pag-unawa sa pagharap natin sa nakamamatay na virus. Maililigtas ang bawat isa kung sa wikang alam at nakagisnan natatalakay at nauunawaan ang mga pangyayari sa lipunan.

Sa panahon ng pandemya, malaki ang kahulugan ng mga numero. Mahalaga ang papel ng pagsasalin sa panahon ng pandemya upang higit na maunawaan ang tunay na kalagayan ng bayan.

Gamitin ang wikang alam ng lahat.

Sikaping gamitin ang wikang magpapaagos sa katotohanan at hindi magsisikil sa tunay na kalagayan ng lipunan.

Gamitin ang katangian ng wika upang sugpuin ang kamangmangan sa pandemya, gamitin ang wika upang maningil sa kawalang malasakit ng pamahalaan.

Tanging sa wika natin maipahahayag ang alab ng malasakit at paniningil.

Maligayang Buwan ng Wikang Filipinong lumalaban!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here