Saan man ibaling ang tingin, ang paksa ng pagbabakuna ang makikita. Laman ito ng mga pahayagan, lokal at banyagang balita, at bukambibig ng taumbayan. Sa ngayon, bakuna pa lamang ang nakikitang solusyon sa kinakaharap nating suliraning pangkalusugan sa pandemya. Gayunpaman, hindi lamang ang virus ang kinakailangang labanan upang matuldukan ang krisis na dulot ng pandemya. Marapat ding waksihin ang takot na bumabalot sa sambayanan ukol sa pagbabakuna.

Pagbabakuna sa kasalukuyang walang katiyakan

Ano nga ba ang pagbabakuna? Ito ang pagturok sa ating katawan ng mas mahinang bersiyon ng virus upang makabuo ng resistensya ang ating katawan sa oras na makapasok ang mismong virus o pathogen na sanhi ng isang mapanghawang sakit. Inaabot nang ilang linggo bago maging tuluyang epektibo ang isang bakuna sa tao sapagkat unti-unting tumatalab ito sa katawan.

Sa mga bakuna naman laban sa COVID-19, hindi tiyak ang kabuuang proteksyon laban sa virus dahil maaari pa ring mahawa at makahawa ng ibang tao kahit bakunado na. Maaari ring makaranas ng mga side effects tulad ng labis na pagkapagod, pananakit ng katawan, at lagnat. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit alanganing magpabakuna ang maraming mga Pilipino.

Sa kabila ng mga ito, sigurado ang mga eksperto na kayang pigilan ng mga bakuna ang pagkalat ng malubhang pagkakasakit sa COVID-19 upang maiwasan na rin ang pangangailangang magpaospital at maging ang mga kamatayan.  

Ayon naman sa datos noong ika-16 ng Agosto mula sa Our World in Data, 12.6 milyong Pilipino na ang kumpletong nabakunahan. Kumakatawan ito sa 16.1% ng kabuuang populasyon ng bansa. Mula rito, inaasahang makakamit ng bansa ang herd immunity sa unang bahagi ng susunod na taon.

Makakamtan ang herd immunity kapag nabakunahan na ang karamihan sa bansa at tuluy-tuloy ang pagbagal ng pagkalat ng COVID-19. Kung patuloy na tataas ang bilang ng mga nabakunahan, tinataya na masusugpo ang banta ng COVID-19. 

Sa kabila ng pagnanasa nating marating ang herd immunity, tila nagiging mabagal ang usad dahil sa hindi tuloy-tuloy na pagdating ng mga bakuna, bagay na nagpapaantala sa paggulong ng pagbabakuna sa bansa.

Talagang malaking papel ang ginagampanan ng agham sa pagpapabuti ng ating lipunan, ngunit kaakibat ng tagumpay nito ang mabisang komunikasyon sa buong kapuluan ng Pilipinas.

Ang papel ng taumbayan sa pagbabakuna at mga suliraning kinakaharap

Maituturing na ang taumbayan bilang pangunahing nakikinabang sa teknolohiya ng bakuna. Tulad ng nabanggit, ang imyunisasyong dulot nito ay hindi lamang para sa matuturukan kundi pati na rin sa mga makasasalamuhang tao.

Subalit ang lubos na pagtanggap sa prosesong medikal na ito ay mahirap iturok sa kaisipan ng mga tao, lalo na kung hindi malinaw ang daloy ng kaalamang nakalatag sa iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon. Sa Ingles ay matatawag itong vaccine hesitancy kung saan nagdadalawang isip ang mga tao sa pagtangkilik ng bakunang nasuri at napag-aralan ng mga siyentipiko.

Isa sa mga itinuturing na dagok sa pagpapabakuna ng mga tao ay ang kakulangan ng sapat, payak, at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa prosesong ito. Pamilyar man ang karamihan sa mga bakuna para sa mga sakit tulad ng measles, influenza, at hepatitis B, kinakailangang maging maingat sa pagkalap ng impormasyon ukol sa isang mapaminsalang virus na hindi pa masyadong kilala.

Sa kasalukuyang panahon kung saan laganap ang mga pekeng balita, hindi madaling makuha ang tiwala ng lahat sa mga nakapaskil sa mga balita. Hangga’t maaari, magandang maglaan ng puwang para sa mga datos at pansuportang detalye upang mahubog ang positibong pananaw tungo sa impormasyong ibabahagi sa iba.

Naging balakid din ang paggamit ng jargon sa paglalarawan ng mga kritikal na proseso ng pagbabakuna dahil hindi dumadaloy ang kaalaman sa anyong nauunawaan ng lahat anuman ang kinatatayuan sa lipunan. Hindi mapakikinabangan ang isang pag-aaral kung ito’y nauunawaan lamang ng iilan.

Alinsunod dito, mahalagang malaman ng taumbayan ang mga payak na katotohanan ukol sa pagbabakuna, pati na rin ang mga kailangang alalahanin sa oras na magkaroon ng interes sa pagpapaturok nito.

Saan-saan ang mga vaccination sites, at ano ang mga bakunang nakalaan doon? Gaano kalubha ang mga posibleng side effects? Kung may iba pa akong sakit, maaari ba itong lumala? Ilan lamang ito sa mga posibleng sumagi sa isip ng ilan kung kaya’t nahihirapang makumbinsi sa pagbabakuna.

Nakaaalarma na rin ang banta ng mga nagsusulputang COVID-19 variants dulot ng kakayahang mag-mutate o magbago ng isang virus na maaaring makatulong sa paglaganap nito. Ayon sa World Health Organization (WHO), apat na ang naitalang mga variant of concern: Alpha, Beta, Gamma, at Delta. Sa pagmu-mutate, kadalasang nananatili ang mga variant na may panibagong kakayahang mapaminsala sa tao, tulad ng increased transmissibility at vaccine resistance.

Habang nagpapatuloy ang pagkalat ng COVID-19 ay nariyan ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga bagong variant sapagkat ang host ng virus ay ang katawan ng tao, kung saan siya patuloy na pwedeng mag-mutate at magbago.

Kinakailangang humabol dito ang agham at mga pananaliksik bago lalong lumaganap ang mga nagsusulputang mga variant. Mabigat ngunit napakahalagang ang gawaing ito upang masiguro ang kalidad ng mga ipinamamahaging bakuna. Para sa mga ordinaryong mamamayan, pinagdiriinan lamang ng mga banta na ito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga protocols at polisiya tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagtalima sa physical distancing tuwing lumalabas.

Mga armas sa panahon ng pakikipagsapalaran

Sa giyera laban sa COVID-19, samut-saring hakbang na ang ginagawa ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, pati na rin ng mga karaniwang tao, upang mapalaganap ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa pinakasimple ngunit naka-eengganyong paraan. Mga palabas sa TikTok, mga patalastas sa telebisyon, mga maikling dula—iilan lamang yan sa daang tinatahak upang magdulot ng kamalayan sa mga tao.

Sa panahon ng mayaman ang mapagkukunan ng impormasyon, dapat na bang kamuhian ang mga ayaw magpabakuna? Normal lamang ang pagkakaroon ng pangamba sa pagtangkilik sa isang kemikal na ani’y solusyon sa krisis na kinakaharap ng bawat isa. Gayunpaman, responsibilidad ng lahat ang maging ligtas mula sa virus at maging maingat upang hindi makapinsala ng buhay ng iba.

Hindi naman masasabing vaccine hesitancy pa rin ang pangunahing suliranin kung bakit mabagal ang pag-usad ng bansa tungo sa kabuuang imyunisasyon. Laman ng mga balita ang mga taong sumusuong sa baha, nagbababad sa init, at nagkakandarapa sa mga LGU mabigyan lamang ng libreng bakuna dahil sa limitadong suplay ng mga bakuna.

Bukod pa sa kakulangan ng bakuna, marami pang kinakaharap na suliranin ang bansa na lalong nagpapahirap sa tuluyang pagresolba sa krisis na dulot ng pandemya. Talamak ang korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno, tulad na lamang sa Department of Health o DOH kung saan hindi nagamit sa wastong paraan ang kaban ng bayan, ayon sa maraming naisiwalat sa ulat ng Commission on Audit. Nailaan sana ang perang naibulsa sa mga mahahalagang bagay tulad ng pag-aangkat ng suplay ng bakuna at ayuda sa mga nawalan ng mapagkakakitaan.

Sa dilim ng sistema ng bakunahan sa bansa, hindi dapat huminto ang laban ng masa sa pagkalampag sa mga nakaluklok para sa mas maaasahan at epektibong sistema ng pagpapabakuna. Panatilihin ang boses na magsisiwalat sa katotohanan. Paalabin ang puso at damdaming mapagmalasakit sa kapwa at bayan. Sa panahong ito, walang iwanan at walang ibang maaasahan kundi ang kapwa Pilipino.

Mabagal man makamit ang sandatang magbibigay proteksyon, tayo naman ang hahasa nito at magbabantay. Tandaan, ang labang ito ay laban ng lahat at hindi ng iilan lamang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here