Nag-uwi ng apat na medalya ang Pilipinas mula sa katatapos lamang na Olympics na ginanap sa Tokyo, Japan mula ika-23 ng Hulyo hanggang ika-8 ng Agosto, taong 2021.

Nasungkit ni Hidilyn Diaz ang kauna-unang gintong medalya ng Pilipinas sa kasaysayan ng Olympics sa kanyang pagkapanalo sa Women’s 55 kg Weightlifting matapos ang 97 taong pagnanasa ng bansa na magkamit ng gintong medalya. Nagtala rin si Diaz ng Olympic record sa 55 kg dibisyon matapos magbuhat ng 127 kg para sa clean and jerk at kabuuang 224 kg.

Kumamada ng tatlong medalya ang ating mga boksingero: Nesthy Petecio para sa Women’s featherweight, Carlo Paalam para sa Men’s flyweight, at Eumir Marcial para sa Men’s middleweight. Nasungkit nina Petecio at Paalam ang ikalawang pwesto at pumangatlo naman si Marcial.

Nanguna ang Pilipinas sa Timog-Silangang Asya at ika-50 sa pangkalahatang ranking ng mga bansa sa Tokyo 2020 Olympics.

Paglaban sa Olympics sa ilalim ng administrasyong Duterte

Sa loob ng 97 taong pagsali sa Olympics, ngayong Tokyo 2020 naitala ang pinakamaraming naiuwing medalya ng bansa.

Sa regular na press briefing ni Harry Roque, ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi niyang hindi umano isang coincidence na sa panahon ng administrasyong Duterte naging pinakamahusay ang ipinakita ng ating mga atleta sa pandaigdigang palakasan.

Aniya, isang “record” ang suportang pinansyal na ibigay ng pangulo sa mga atleta at nagbunga ang investment nito sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo kumpara sa mga nakalipas na administrasyon. Subalit, walang binigay na mga pigura si Roque na makapagpapatunay sa kanyang mga pahayag.

Tila pinapalagay ng Malacañang na ang administrasyon ang dahilan sa pagkapanalo ng ating mga pambato sa Olympics. Si Diaz ang nagbuhat, sina Petecio, Paalam, at Maricial ang sumuntok at hindi ang mga opisyal—ang mga atleta ang nakipagsapalaran ng kanilang buhay kapalit ng karangalan para sa bansa. Nauna pa ang pagkilala sa gampanin o nagawa ng gobyerno sa mga atleta kumpara sa pagkilala sa mga sakripisyo at paghihirap ng ating mga manlalaro upang makamit ang mailap na medalya.

Bukod pa rito, taliwas ang pinalalabas ng palasyo sa karanasan ng ating mga atleta.

Noong 2019, tinanong ni Hidilyn Diaz sa kaniyang Instagram story kung maaari ba siyang humingi ng sponsorship sa mga kumpanya patungo Tokyo 2020 sapagkat kulang ang suportang pinansyal mula sa pamahalaan. Kahit na nahihiya siyang humingi ng tulong, ito ang kailangan niyang gawin upang makamit ang kanyang pangarap at mauwi ang gintong medalya.

Sa hindi kalaunan, naglaan ng pondo para kay Diaz at iba pang mga atleta ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation (MVPSF), isang organisasyon na nagnanais magbunga ng pinakaunang gintong medalya sa Olympics. Tinulungan din siya at ang kanyang mga kasamahan sa Philippine Sports Commission (PSC) sa gitna ng mga problemang dulot ng pandemya.

Dahil dito, inakusahan siya ng administrasyong Duterte bilang parte ng pagpapatalsik sa ating pangulo noong Mayo, 2019.  Tinawanan niya sa umpisa ang akusasyon sa akala niyang ito ay biro lamang at abala siya sa paghahanda para sa Sea Games 2019 at Tokyo 2020 ngunit nagdulot din ito ng takot sa atleta hindi dahil totoo ang balita kung hindi posibleng manganib ang seguridad niya at ng kanyang pamilya.

Sa halip na suporta, ang natanggap ni Diaz ay mga kasinungalingan at akusasyong walang basehan.

Maaaring sabihin ng isang mamamayang Pilipino ang kaniyang kritisismo at mga mungkahi sa gobyerno nang hindi napararatangan ng mga kasinungalingan. Gayunpaman, nang nanalo si Diaz ng ginto, ang gobyerno ay naghiyawan at nagdiwang na para bang hindi nila pinaratangan ang atleta.

Kung iisipin, sa hirap na pinagdaanan ni Diaz, tinawag siyang kalaban. Sa kanyang pagkapanalo, itinuturing siyang kaibigan.

Ibinunyag naman ni Eumir Marcial sa isang Facebook post na hindi sapat ang kanyang natatanggap na suportang pinansyal na nagkakahalagang 43,000 piso mula sa gobyerno—para sa mga importanteng paggagastusan, katulad ng pagkain, plane tiket, accommodation, coaching staff, supplements—lalo na noong siya ay nag-ensayo sa Amerika noong nakaraang taon. Gamit ang kaniyang sariling pera at sa tulong ng kaniyang mga isponsor, nakasabak siya sa Olympics.

Dagdag pa niya, maiuugnay ang kakulangan ng suportang pinansyal mula sa administrasyon sa pagkabigong makakuha ng gintong medalya sa Olympics.

Ibinahagi rin ni Marcial at ni Irish Magno, isang boksingerong lumaban din sa Tokyo 2020 sa Women’s Flyweight dibisyon na nagkamit ng ikasiyam na pwesto, hindi nila nakukuha ang kanilang allowance sa tamang oras.

Lubhang kapansin-pansin nga ang suportang naibigay ng administrasyon: kapansin-pansin na hindi ito sapat upang makapagsanay nang maayos ang ating mga pambato.

Pag-eensayo sa gitna ng pandemya

Hindi lang sa aspektong pampinansyal nagkaproblema ang ating mga pambato sa Olympics.

Mula ika-11 ng Marso, 2020, ang COVID-19 ay idineklarang isang pandemiya at nagsimula ang mga lockdown at community quarantine sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil sa sakit na kumakalat, hindi maaaring pumunta ang isang tao tungo sa ibang lugar at ipinagbabawal din ang mga malaking pagtitipon.

Nagsimula ang pag-eensayo ni Diaz sa Kuala Lumpur, Malaysia, ngunit nagtagal siya at ang kanyang team sa nasabing lungsod dulot ng pandemya. Hindi makapunta ang weightlifter sa mga gym at training camp kaya gumawa siya ng sarili niyang kagamitan. Makikita sa kaniyang Instagram na gumamit siya ng bamboo, mga galon ng tubig, at mga bag na maihahalintulad sa ginamit niya noong siya ay nagsisimula pa lamang sa kanyang karera. Makikita rin sa mga mas bagong bidyo at litrato na nakapag-ensayo rin siya gamit ang mga barbel at gamit sa training center.

Nakaranas naman ng virtual training sessions sa Davao del Sur si Nesthy Petecio bilang paghahanda para sa Tokyo 2020 Olympics. Tumatagal ng isang oras ang online training ng atleta mula Lunes hanggang Biyernes kung saan pinapanood ng kaniyang mga tagasanay ang kanyang ehersisyo. Dahil sa mabagal na internet connection sa kanilang lugar, mas humihirap pa ang komunikasyon sa pagitan ng atleta at mga coach.

Ninanais pa rin ni Petecio ang tradisyonal na pag-eensayo sa isang boxing gym ngunit hindi ito maaaring mangyari dahil sa mga batas at ordinansang ipinatutupad dahilan ng pandemya. Hinihiling niya ring magkaroon muli ng sparring sessions kasama ang iba pang mga boksingero dahil tunay na nakatutulong umano ito sa kanyang laro sa loob ng ring, lalo na sa kanyang porma.

Hindi rin naging madali ang pag-ensayo ni Ernest John “EJ” Obiena, ang ating pambato sa pole vault na nagtapos sa ikalabing-isang pwesto. Si Obiena ay nanatiling mag-isa sa Italia kung saan siya nag-ensayo mula noong Disyembre taong 2019, at gawa ng pandemya, nakansela ang kanyang mga flight pauwi ng Pilipinas na lubhang nakaapekto sa kanya, dagdag pa ang pakiramdam ng pagkalayo at pag-iisa.

Sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya, hindi pa rin nagpatinag ang ating mga pambato sa Tokyo 2020. Nakagawad pa nga ang mga Pilipinong atleta ng apat na medalya.

Suporta at parangal sa mga atleta

Sa pag-uwi ng mga atleta ng medalya sa Pilipinas, maraming parangal ang natanggap nila upang ipagbunyi ang kanilang pagkapanalo.

Alinsunod sa Batas Republika Blg. 10699, binigyan ng gobyerno si Diaz ng 10 milyong piso, tig-5 milyong piso para kay Petecio at Paalam, at 2 milyong piso para kay Marcial bilang parangal.

Nakasaad sa Seksyon 8 nito ang premyong pera para sa mga atletang nanalo ng medalya sa mga internasyonal na paligsahan. Ayon sa batas, ang mga nanalo ng gintong parangal sa mga indibidwal na kompetisyon ay bibigyan ng 10 milyong piso at isang Olympic Gold Medal of Valor. Makatatanggap naman ng 5 milyong piso ang mga nanalo ng pilak na parangal, at 2 milyong piso para sa mga tanso.

Hindi lamang ito ang natanggap ng mga nanalo. Milyon-milyong gantimpalang salapi at ari-arian naman ang naging gantimpala mula sa pamahalaan at pribadong sektor.

Mahigit 45 milyong pisong salapi, 4 na ari-arian, 2 sasakyan, at libreng serbisyo mula sa iba’t ibang korporasyon ang binigay ng pamahalaan at mga korporasyon kay Diaz na nag-uwi ng gintong medalya mula sa Olympics.

Ang mga pambatong nag-uwi naman ng pilak na medalya, sina Petecio at Paalam, ay nakatanggap ng humigit-kumulang 19 na milyong piso, mga ari-arian, at mga libreng serbisyo.

Si Eumir Marcial naman ay nagantimpalaan ng lagpas 8 milyong piso at isang house and lot.

Ang apat na atleta ay nakakuha rin ng libreng flights mula sa Air Asia, Cebu Pacific Air, at Philippine Airlines.

Maraming Pilipino ang nakidiwang sa pagkapanalo ng mga atleta, mapa-post man sa social media o sa pamamagitan ng mga premyo at pera.

Ngunit bakit laging pagkatapos na lang ng pagkapanalo nagdaratingan ang biyaya at ang init ng pamahalaan? Nasaan ang suporta bago ang tagumpay na ating ipinagbubunyi?

Sa kabila ng mga gantimpala sa mga atleta, nararapat na mas mangibabaw pa rin ang suportang ibibigay ng gobyerno sa mga atletang nangangarap lumaban sa larangan ng palakasan. Alam ng bawat atleta ang karangalan ng pagrepresenta sa kanilang bayan, lugar kung saan sila lumaki, kulturang kinalakihan, at mga taong kasama sa takbo ng buhay. Ramdam din nila ang sakit at hirap ng kakulangan ng pinansya, suportang moral, at pasilidad na nakahahadlang sa kanilang laban.

Sa pagkakataong makatatapak na ang mga atleta sa Olympics, nakamit na nila ang pangarap na lumaban sa kanilang isport, manalo man o matalo. Mas lumalago pa ang pakiramdam na ito sa pagkapanalo nila. Hindi lamang maipagmamalaki ng mga atleta ang pagsabak o pagkapanalo sa Olympics ngunit ng buong bansa rin. Magsisilbi rin itong inspirasyon sa mga iba pang nangagarap na atleta na magpatuloy sa kanilang nasimulan.

Hindi sapat ang pagbibigay premyo at gantimpala lamang sa mga atleta sa panahong may nauuwi silang tagumpay, mahalagang ugatin at bumalik  sa pundasyon upang doon masimulan ang suporta.

Tulad ng mga magsasaka, itinatanim muna ang buto sa lupa hanggang sa tumubo at maani—hindi tulad ng maylupang pinagtratrabaho ang iba at kinukuha lamang ang ani. 

Hindi na dapat kailanganing humingi ng tulong mula sa mga pribadong sektor ang mga atletang Pilipino, dahil katungkulan ito ng gobyerno na dapat nilang ginagawa. Ang gobyerno ang dapat nagbibigay ng pinansyal na suporta sa ating mga pambato. Hindi na dapat kailanganing pumunta sa ibang bansa upang makapag-ensayo sa mga gym at training center. Kailangan nang mas maayos na pasilidad para sa pag-eensayo ng mga atleta. Ang mga pasilidad na ito ay hindi dapat nakapokus lamang sa mga sikat na isports tulad ng basketball. Kailangang maglaan ang gobyerno ng perang sapat para sa pag-eensayo, pagkain, paglipad, at iba pang kailangan ng ating mga pambato.

Dahil kung mabibigyan nang mas malalim na suporta ang ating mga atleta, mas maraming medalya ang maiuuwi nila sa Pilipinas—higit pa sa apat ang magwawagi at magtataas ng bandera at higit pa sa 19 ang lalaban.

Ang laban ng atletang Pinoy ay laban ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here