Bago pa man nakilala ang Las Piñas sa pagiging first class city, una muna itong nakilala bilang isang munisipalidad na ang kabuhayan ay umiikot sa pag-aasin at pamamalakaya. Sa likod ng urbanisadong mukha ng lungsod, mababanaag pa rin ang kasaysayan ng Las Piñas bilang isang coastal community dahil sa pamamayagpag ng mga mangingisda sa lugar. Isa na rito ang Bernabe Compound, isa sa pinakamalaking fishing communities sa Barangay Pulang Lupa Uno. 

“Salt capital siya [Las Piñas] before. And malapit sa dagat, which is yung kabuhayan na kinalakihan niya [ng lolo ko] —mangingisda,” pagbabahagi ni Pearl Tolentino, isang environmental advocate. 

Ipinanganak at lumaki siya sa Bernabe, kung kaya’t mula pagkabata ay namulat siya sa koneksyon ng kanilang komunidad sa dagat. 

Isa ang Bernabe sa mga pinakamatandang komunidad na pangisdaan sa Las Piñas, kung saan maraming pamilya ang umaasa sa pangingisda, pagtitinda ng tahong, at iba pa. Nang magsimula nang maipatayo ang Coastal Road at reklamasyon sa paligid ng Manila Bay, isa ang kanilang komunidad sa naapektuhan ng mga proyektong imprastruktura.

“‘Yung family background [namin] ay galing talaga sa mga farmers, sa mga mangingisda. Nakita ko kung paano kami naapektuhan nung nawala yung salt farms kasi doon na rin nag-start na mawala yung fishing industry,” ani Pearl.

Kaunlaran para kanino?

Ang tuluy-tuloy na modernisasyon ng Las Piñas ang lalong nagpamulat sa mga Las Piñero sa mapaminsalang epekto ng reklamasyon at development projects na isinusulong lalo na sa mga komunidad malapit sa baybayin ng Manila Bay. 

Ayon kay Pearl, mas naunawaan niya ang nangyayari sa kanyang komunidad nang mamulat siya sa paliwanag ng kanyang paaralan hinggil dito.

“Sunod-sunod ’yung reclamation sa Manila bay, tapos hindi na napapangalagaan ‘yung ecosystem surrounding the Manila Bay,” pahayag niya. 

Humigit-kumulang 22 ang proyektong reklamasyon sa palibot ng Manila Bay. Halos tatlong probinsya ang sinaklaw ng mga ito kung saan magkakaugnay ang hinaharap na kalbaryo ng kapwa mga mangingisda at maralitang komunidad, kabilang na ang mga nakatira sa baybayin sa Las Piñas.

Para naman sa mga gaya ni Delia Delos Reyes, isang tahong vendor sa Bernabe ng mahigit 20 taon, ang ganitong proyekto ay mas nangangahulugan ng pagkawala ng kabuhayan.

“Kumonti ang tahong. Lumiit, bumaba ang kalidad. Apektado kasi ang agos ng tubig,” ani Delia, na 58 taong gulang at halos buong buhay na naninirahan sa Bernabe. Hindi man siya direktang nangingisda, araw-araw siyang umaasa sa huli ng mga kababaryo para may maibenta.

Sa panunumbalik ng banta ng reklamasyon sa Manila Bay, dagdag pa ang pag-eendorso ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na i-develop ang bahagi ng Las Piñas-Parañaque Wetland Park (LPPWP), pangamba ang pangunahing naramdaman ng mga residente imbis na oportunidad at dagdag kabuhayan.

“Yun ang nakakatakot na mangyayari talaga ‘pag natambakan. Wala ka nang mapagkakitaan—wala ka nang mapaghanapbuhayan,” saad ni Delia.

Pagtutol at paglaban

Umani naman ng batikos mula sa iba’t ibang grupong pangkalikasan ang paunang hakbangin ng PRA na ilipat ang mga bakawan upang magbigay-daan sa mga posibleng imprastrukturang proyekto. 

Ayon sa grupong Mangroves Matter PH, lalong makapipinsala ang paglilipat ng bakawan dahil hindi garantisado ang posibilidad na mabuhay ang mga itinanim matapos ilipat ang mga ito, na labis na makakaapekto sa mga hayop at iba pang mga nakikinabang sa bakawan.

Dagdag ng grupo, ang LPPWP ay isang Ramsar Wetland of International Importance—isang natatanging habitat na nagsisilbing depensa ng mga komunidad laban sa pagbaha at epekto ng climate crisis. 

Para naman kay Pearl, panibagong banta ang plano ng PRA na tanggalin ang mga bakawan. 

Katunayan, naging tuntungan niya ang isyung ito upang aktibong magsagawa ng pagbabahay-bahay para makakalap ng sapat na lagda para sa isang signature campaign laban sa reklamasyon. 

Bukod pa rito, unti-unti na rin nilang binubuo ang alyansang Defend Las Piñas-Parañaque Wetland Park (Defend LPPWP) na kinakatawan ng mga mangingisda, environmental advocates, at ordinaryong mamamayan na tumitindig laban sa reklamasyon.

Ayon kay Pearl, “Marami naman ang gusto na ‘wag siyang ma-reclaim. But, there isn’t anyone na nagvo-voice out para dun. So, kailangan natin ng tagapagsalita para sa kanila.”

Paliwanag niya, mahalaga na magkaroon ng boses ang mga apektadong mamamayan dahil sila rin ang unang nakakaranas ng epekto ng reklamasyon. Halimbawa na rito ang pag-inda ng kanilang komunidad sa Bernabe sa mas madalas na pagbaha mula nang magsimula ang reklamasyon sa bahaging Pasay. 

“Sakaling ma-reclaim din yun [LPPWP], alam na ng mga taga-Bernabe na babahain sila lalo. Tapos yung tinayuan na ng kalsada dyan, ayun din, medyo tumaas din yata yung baha [doon]. Yung nearby communities, alam na nila na babahain talaga,” saad ni Pearl.

Kinondena rin ni Pearl ang mga lingkod bayan at lokal na lider na nagbibitbit ng tindig na pumapabor sa reklamasyon. 

“They’re saying na makakapag-provide yun ng additional trabaho…na gaganda ang buhay ng mga Las Piñero. But ang problem kasi dun, if you look at MOA, yung surrounding area naman, gumanda ba ang MOA? Sino ba ang nakatira dun sa surrounding area ng MOA? Mga maykaya rin naman. And then yung cost of living dun tumaas. So is it really for the people? It’s not for the people,” saad niya.

Sa isang panayam sa Manila Today, nagpahayag naman si Matthew Vincent Tabilog, ang tagapagtatag ng Mangroves Matter PH, ng kanyang pagtingin kaugnay sa usapin sa LPPWP. 

“PRA should listen to the calls of the people, scientists, indigenous peoples, fisherfolks, and coastal communities who can be potentially affected by these developments. Consult with them and reconsider all of the plans as these can highly impact and are not aligned with our goals in terms of environmental protection,” ani Tabilog.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here