Isinaboy ng makinarya
Ang mga bubog ng iyong alaala
Sa aspalto ng kinatatayuan.
May bagong tayo nang pabrika
Sa dati mong tahanan.
Napakahaba ng pamamaalam
Sa napakaikling kaparangan.
Namimingaw sa hantungan
Ang nunal ko sa talampakan.
Walang mapagsidlan ang giyagis
na pumupugad sa tiyan,
Dahil noon pa’y nakasandig na
ang haraya ng kaluluwa
sa monumento ng kinagisnan.
Saan ko hahanapin ang
heograpiya ng gunita
na kasabay na tinibag
ng pagbuldoser sa lupa?
Maski ang lumang bisikletang
Pinalipad tayo sa kabukiran
Ay di ko na matagpuan.
Walang patid kong pipilitin ang talukap
Na palitawin ang iyong lumang tirahan
Kung nadadaya lang ng pagkurap
Ang nagiba nating kasaysayan.

*Si Nikki Mae Recto ay isang accountant at manunulat mula Valenzuela. Kasalukuyang s’yang fellow ng LIRA (Linangan ng Imahen, Retorika, at Anyo) at kasapi ng Atsara Collective, grupo ng mga manunulat na naglunsad ng Quickie: Drive-in Stories (2018). Nagwagi s’ya ng Unang Gantimpala sa Patimpalak sa Pagsulat ng Tula na pinangunahan ng Cultural and Tourism Development Office ng Valenzuela.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here