Hindi ako sikat na lider-estudyante noong panahon ko. Ordinaryong aktibista lang ako. Hindi ako yung nagsasalita sa BAYAN. Kasi nag-umpisa ako ng pagiging aktibista noong 1969. Sama sama lang ako sa hindi ako member ng anumang organisasyon.

Nag-aral ako sa Philippine College of Criminology. Pangarap ko kasing maging pulis.

Hanggang sa lumalawak na ‘yung mga kilos protesta. Basta sumasama ako sa rally. ‘Pag sinabing boycott na ang klase, sama ako hanggang sa aming lugar, sa mga maliit na barangay.

‘Yung isa kong kabarkada, may bababang taga-UP, magtatayo ng Chapter ng Kabataang Makabayan, sabi ko gusto ko ‘yan dahil sumasama na ko sa mga protesta eh. Ngayon, doon nagumpisa. 1969.

1970, nung First Quarter Storm sa Mendiola. Sa Battle of Mendiola kung saan apat na estudyante ang namatay. Ayun na siguro ‘yung umpisa, na sinasabi kong hindi ako sikat na aktibista nu’n, community organizer lang ako nu’n. Kung saan may demolisyon, mahihirap, nandoon kami.

Sumasama kami para labanan ‘yung demolisyon, pero wala kong natandaan na nanalo kami, palaging talo, palaging nade-demolish ‘yung sinusuporrtahan naming community.

Syempre nandoon ‘yung makikita mong nakakaawang tao sa community.

Noon nga kase pag dinemolish ka, walang ano talaga ka, limas talaga yung bahay mo, iwan ka… Iiwan ka sa kalsada, walang bubong bubong, ganun ang demolisyon nun.

Wala kang relokasyon nu‘n, kaya nga nakakaiyak ‘yung mga dinemolish nu‘n tapos sasabihin kaya sila mahihirap dahil tamad.

Isipin mo ‘yon, biktima ka ng lipunan tapos ikaw pa ang may kasalanan? Kasalanan pa lang maging mahirap.

Tapos malapit na, nararamdaman na namin na ibaba ‘yung Martial Law. Sinisigaw namin nu’n ay “Martial Law ibagsak” ibinagsak nga, tapos ibaba ang martial law “Ibaba ang martial law, e ano e ano mamumundok na lang kami”.

Nung una sinuspindi.  Pero mukhang ‘di napigil yung kilos protesta at lalong lumakas, hanggang dineklara yung martal law, nung ideklara ‘yung martial law hindi ko naman akalain na pangkaraniwang aktibista eh huhulihin, syempre ‘di kami umuuwi ng bahay. Siguro pagkaraan ng mga dalawang buwan, naisip kong umuwi. Paguwi ko, may hindi magandang nangyari noong tumawid akong kalsada at pinaikutan ng naka-armalite yung bahay namin.

Kung napanoond ninyo ‘yung Dekada ’70, ganun na ganun.

Sabi nga ng kapatid koong babae, nasa kabilang kalsada lang ako nakikita ko pano ginawa nila eh pinanhik yung bahay, hinahanap ako ang naiisip ko na lang “ganito ba talaga karahas ang estado?”

Pero nakaalis ako ng bahay. Hindi ako nahuli. Ngayon kimikilos kami ng organizing nang palihim, walang bahid, walang ano.

Meron daw misa ng bayan sa Sta. Cruz Church. Magsasalita raw si Diokno, iyon pala ay para ipakita na buhay pa ang pagpoprotesta. Na meron pa talagang mga mamamayan na tutol sa Martial Law at kailangan pumunta kami. Magsimba, kahit sa loob ng simbahan man lang maipakita yung kilos-protesta.

Nagsuot ng ako ng magandang polo dahil simbahan eh. Pagkaraan ng isang misa, wala pa rin, di pa rin nagsasalita. Nung sumunod na misa wala pa rin, tapos nagbulungan na kami, wala na di na itutuloy uwian na.

Paglabas ko sa pintuan ng simbahan, paglabas ko hindi pa don sa ground ng simbahan, dinampot na agad ako. May dumampot sa likod ko, inangat ako ang laki eh. Inangat ako sinilip ko sabi ko “bakit po”

“dun ka lang, wag kang aalis dyan,”

edo nakatayo ako sa isang tabi, tapos nilapitan ako ng tiyempo may tapos sabi “why are you being arrested?”

‘I don’t know” sabi kong ganyan “I only go for mass”.

Siguro mga 27 kami nahuli, sa 27 na nahuli kami mass arrest, may dalawa kaming kasamang ahente kasi iba yung kilos, syempre mga aktibista. Una dinala kami sa Crame ng Commanding officer ng Metro Post.

Ang bagsik, nambabatok eh. Tatlong oras kaming nakatayo sa init dahil nahuli kami alas-onse eh di kami pinakain e. Hanggang alas-tres nakatayo kami sa init ng araw eh. Pagdating ng alas-tres inilipat kami sa ISAC. Inilipat kami sa Aguinaldo. Kinagabihan dun lang kami sa basketball court nakaupo. Pagdating ng gabi, interrogation na. Sa interrogation, dalawang kwarto eh, sa kabilang kwarto medyo mabait eh, kakausapin ka lang mabait, sino ka, pangalan mo, wag ka nang magsinungaling kasi kapag nagsinungaling ka tatamaan ka eh tutal alam nila kung bakit ka hinuli, sabihin mo na ‘yung totoo kung taga-saan ka, labas ka sa isang kwarto, dun ka uli uupo sa basketball court, tatawagin ka sa kabilang kwarto, pagdating mo sa kabilang kwarto dito parang pinarangalan ka eh maganda yung gobyernong Marcos. Dun sa kabila, iba yung tanong eh. Susuntukin ka eh, di malakas pero masakit yung bang parang mahina pero masakit eh. Naihi nga ko ng konti eh buti napigil ko. Solar plexus ba tawag dun napaihi ako buti napigil ko eh. Labas ka na naman tapos maya-maya tatawagin ka naman sa kabila sa mabait,

“oh anong masakit?

“Sir sinuntok ho ako eh”

“mga putang*na, oy bat kayo nanakit”

Tawag pala don hot and cold dito mabait doon may tama ka, parang ano yun para matakot ka nun para paglabas mo di ka na kumilos. Wala kaming tulog dahil nasa basketball court lang kami, kinabukasan hindi pa kami kumakain walang pagkain eh, may pandesal tsaka kape medyo marami yung pandesal sabi “Ayan ah pasalamat na lang kayo pinakain kayo”

” Sir, salamat” naisip ko “hinuli ka, sinuntok-suntok ka tapos ngayon magpapasalamat ka” pero syempre di kami makapalag. Ayun ganun yung sitwasyon namin. Mabait, may suntok, lipat ka uli, mabait, may suntok… dalawang gabi kaming ganun.

Kinabukasan sabi nung Cornel Mariano, natandaan ko yung release paper ko eh, nagdeklara si Marcos ng Amnesty lahat ng aktibista na nahuli pwedeng lumabas. Ay syempre taasan kami lahat ng kamay. Nung binigyan kami ng Amnesty, pinapirma kami sa isang papel na nakasulat ay bawal kami lumabas ng Metro Manila, pero ang Metro Manila apat lang naman eh Quezon City, Maynila, Pasay at Caloocan, bawal kang makisalamuha sa tatlong tao, di ka pwedeng makipagusap, makipagloko tapos ‘pag pinatawag ka sa ISAC ay kailangan dumating ka kaya huwag kang aalis kung nasaan ka. Kinalbo kami, sana ‘yung kalbo maganda pagkakagupit hindi eh ukit-ukit eh.

Pero kahit na ganun, sa isip-isip ko kasi na lalo kang magagalit eh, lalo kang parang lalong tataas yung antas kamalayan mo na ito ang kalagayan ng lipunan meron talagang marahas na panunupil sa mga nagpoprotesta, ‘yung bang ayaw sa martial ay huhulihin na.

Nung matapos akong mahuli, syempre hindi na ko nilalapitan ng mga kasama. Nag-lie low ako siguro mga apat na taon pero, kasi pinasara lahat ng dyaryo nun eh walang dyaryo walang tv, tuloy-tuloy lang naging pagkilos hanggang nababalitaan na lang namin yung pang-aabuso ng estado yung kawalan ng hustisya at yung luho na labis na ginawa ng pamilyang Marcos.

Alam nyo ba yung kay Archimedes Trajano. Nabalita yun, binugbog yun ng bodyguard ni Imee Marcos. Itinapon sa bintana, totoong nangyari yun.Si Imee Marcos bakit naging Manotoc, hindi ito chismis ah dahil ang asawa ni Manotoc ay si Aurora Pijuan Miss Universe.

Si Manotoc nawala, kinidnap daw ng NPA pagkaraan ng ilang araw. Ewan ko isang taon o isang buwan may balita ligtas raw. Ayun asawa na ni Imee.

At lalo pang kaya di natigil ‘yung protesta eh kasi hindi naman mula sa mahirap na bansa mas lalong naging mahirap naging mas masahol pa nung panahon ng Martial law. Kaya yung sinasabi nilang yung martial law, ako isang patunay na malaking pangaabuso.

Ngayon bakit nakabalik ang Marcos? Kasi wala namang pagbabagong nangyari sa sistema ng pulitika eh. Kaya sila-sila pa rin yung na andyan.

Ngayon bakit patuloy ang protesta, kasi kung ano yung pinaglalaban namin noong 1970s kung anong kalagayan ng lipunan noon ganun pa rin yung kalagayan ng lipunan ngayon eh mas masahol pa nga ang kahirapan eh kaya anuman ang propaganda hanggang andyan ang injustice, habang andyan ang kahirapan, hanggang andyan ang maliit na sweldo ng mga manggagawa, habang maraming walang trabaho, habang naghihirap ang mas maraming mamamayang Pilipino hindi matitigil ang protesta, hindi matitigil ang pagkilos at hindi matitigil ang pag-aaklas ng mamamayan.

Kaya nga nabanggit ko kanina, naaalala ko nung 1970 nung aking kabataan at natutuwa naman ako na hindi nasayang yung panahon ng aking pakikibaka noong aking kabataan.

Maraming kabataan ang namumulat nakikita nila yung katotohanan at sila mismo ay kumikilos ngayon upang ipagpapatuloy ang nasimulan naming laban nung dekada 70.

Si Raymundo “Ka Totoy” Carlos ay ag kasalukuyang tagapangulo ng Koalisyong Makabayan. Si Ka Totoy ay naging miyembro ng Kabataang Makabayan na isa sa mga organisasyong nanguna sa kilusang talsik ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here