Isa sa tampok na suliranin ng bansa ang usapin ng ilegal na droga. Sa mga nagdaang administrasyon sa pamahalaan, iba’t-ibang programa na ang mga inilunsad kontra droga. Ngunit mas lalo lamang itong nagpaigting sa lumolobong bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao na hindi o walang malinaw na pagpapagana ng mitigasyon upang mapuksa umano ang paggamit nito.

Taong 2016 nang maluklok si Rodrigo Duterte at ang pagpuksa sa ilegal droga ang kanyang naging prayoridad sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Dito ipinalawig ang Oplan Tokhang na pinangunahan ng administrasyon kasapakat ang kapulisan sa pamumuno ng dating PNP chief at senador Ronald “Bato” Dela Rosa.  

Sa katunayan, sng kampanyang ito ay nauna nang ipinatutupad sa lungsod ng Davao kung saan dating alkalde pa lamang si President Duterte.

Si Nanay Llore Pasco ay ina ng dalawang biktimang nasawi sa kampantang giyera kontra-droga noong 2017. At magpahanggang ngayon, siya ay lubos na nangungulila at patuloy na nag-aasam ng tunay na hustisya.

Hindi lingid sa kaalaman ni Nanay Llore na dating gumagamit ng bawal na gamot ang mga anak nitong sina Crisanto at Juan Carlos C.B Lozano. Ngunit, aniya, bago pa man maupo ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ay matagal nang huminto ang mga ito. 

Kung kaya’t ganoon na lamang ang gulat ng ginang nang mabalitaang ang kanyang mga anak ay namataang wala ng buhay sa isang eskinita sa Arboretum, Quezon City noong Mayo 12 taong 2017.

Ayon kay Nanay Llore, Mayo 11 noong taon na iyon nang huling mamataan ang magkapatid na Lorenzo. Si Crisanto na sana’y magrerenyu lang ng lisensya para sa kanyang trabaho bilang  gwardya habang si Juan Carlos naman ay hindi na rin mahanap sa mga pinupuntahan nito sa parehas na araw.

Habang naghihintay na mahanap ang kanyang mga anak, kakaibang kaba na ang nararamdaman ng ginang. Makalipas nga ang isang araw ay nabalitaan na lamang nilang walang awang tinadtad ng baril na aabot ng 17 bala ang tumama bawat isang tao.

“Namatayan ka na nga pinatay ka pa uli sa hirap.” Naiiyak na wika ng nangungulilang Ina habang sinasariwa nito ang dinanas niyang hirap para lang mabigyan ng maayos na burol ang mga anak.

Ayon sa mga pulis, nangholdap umano ang magkapatid kung kaya’t hinabol nila ang mga ito hanggang munisipyo sa Quezon City. Ngunit hindi tugma ang pahayag ng mga pulis sa pinangyarihan ng engkwentro kung saan natagpuan ang magkapatid.

Dagdag pa rito, may hawak na baril ang magkapatid nang matagpuan. Ginigiit naman ni Nanay Llore na kaliwete ang kanyang anak ngunit nasa kanang kamay ni Juan Carlos nakalagay ang baril nang suriin ang mga kuhang litrato.

“Parang manok na lang nila kung itrato ang tao,” ani Nanay Llore.

Aabot lamang sa 6,235 bilang ng mga taong nasawi hinggil sa giyera kontra-droga ayon sa ulat ng gobyerno nitong Pebrero taong kasalukuyan. Ngunit giit ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao ay higit kumulang 30,000 o lampas pa ang biktima sa nasabing giyera. Kabilang na rito ang dalawang anak ni Nanay Llore.

Sa kabilang banda, hinahamon ni Llore Pasco kasama ang ibang pamilyang biktima ng Tokhang at mga sumusuportang organisasyon ang dating Pangulong Duterte na harapin kasama ang mga kasabwat niyang kapulisan ang krimen na ginawa nila sa pamamagitan ng programang giyera kontra droga.

 “Mabuti nga kami binibigyan namin siya ng pagkakataon na magpaliwanag. Samantalang kami, anong ginagawa niya? Pinatay niya lang ‘yung mahal namin sa buhay nag walang kaabog-abog, kumbaga hindi niya binigyan ng pagkakataong mabuhay para magpaliwanag para magbago, kaya siya mapalad pa siya binigyan namin siya ng pagkakataon,” saad ng ginang.

Ngunit taliwas ito sa aksyon at gustong mangyari ng dating administrasyong Duterte nang nagpasya itong kumalas sa International Criminal Court noong Marso 2017.

Ang International Criminal Court o ICC ay isang Intergovernmental na organisasyon at pandaigdigang tribunal na naglalayong imbestigahan ang indibidwal na nagtamo ng mabibigat na krimen.

Disyembre 2000 nang lumagda ang Pilipinas sa kasunduan sa Rome Statute na pinagtibay lamang noong Agosto 2011 hanggang sa naging bahagi ang bansa ng ICC noong Nobyembre 2011.

Ngunit sa ilalim ng pamumuno ng dating administrasyong Duterte, napukaw nito ang pansin ng ICC bunsod ng mga extrajudicial at vigilante-style na mga pagpatay hinggil sa giyera kontra-droga.

Sa kasalukuyan, wala pa ring puwang ang usapin ng karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. lalo’t ipinahayag pa nitong tuluyang hindi na lalahok ang bansa sa ICC bagkus ay layon pa nitong paigtingin ang kampanyang giyera kontra-droga ni Duterte.

Gayunpaman, ang mga pamilyang biktima tulad ni Nanay Llore ay patuloy na nagpapakita ng kapursigehan at kalakasan para ipaglaban at isulong muli ang mga agarang aksyon para makamit ang ninanais na hustisya. Dagdag pa niya pa na makakamit nila ang hustisya sa kabila ng mahirap, masalimuot na sitwasyon ngunit handa silang magpatuloy at manindigan.

Hinahamon ni Nanay Llore partikular sa bagong administrasyon na kilalanin nito ang ICC sapagkat ito ang makatutulong sa kanilang mga pamilya na hawak ang mga salaysay at dokumento upang pag-aralan at suriin ang nangyaring mga krimen sa brutal na kampanya ni Duterte.

Pinapanawagan niya rin na kilalanin silang mga nasa laylayan bilang tao at itigil na ang pamamaslang at bigyan ang mamamayan ng konkretong programa upang ganap na mabigyan ng mitigasyon ang usapin ng droga sa bansa.

“Kung talagang ang pangarap namin ay pangarap mo rin, sa tagal na naming inaasam ang tunay na hustisya, pwes panagutin mo si Duterte!” saad ni Nanay Llore.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here