Isang buwan bago ang halos kalahating siglo ng batas militar, inilunsad ang People’s Caravan for Truth, Justice, and Change na dinaluhan ng iba’t ibang mga sektor upang alalahanin ang malagim na sinapit ng Pilipinas kasagsagan ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. at upang muling pag-alabi ang malakas na dagundong ng kilusang bayan sa pagpapatalsik ng isang tiraniko at pasistang pamamahala ng gobyerno.

Ibat-ibang klase ng aktibidad kabilang na ang film showing, cultural activities, at pagbabahagi ng testimonya ng mga biktima ng batas militar upang isariwa partikular sa mga kabataan g bagong henerasyon ang sa tunay na pamumuhay noon sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr.

Taong 1972, Setyembre 21 nang lagdaan ni pinatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation No. 1081 bilang pagsasailalim sa buong bansa sa batas militar bunsod ng paglala umano ng banta ng komunismo.

Bukod sa Proclamation 1081, naglabas din si Marcos Sr. ng general orders (GO) upang pagtibayin sa panunungkulan ang batas militar sa bansa. Ipinatupad din ang mga letters of instruction sa mga sumunod na araw ukol sa pagpapatigil sa operasyon ng mga mamamahayag, pagbabawal sa pagtitipon ng mga grupo, at iba pa.

Ayon sa KARAPATAN, higit kumulang 70,000 ang kaso ng illegal na pag-aresto, 35,000 ang na-torture, at 3,725, ang pinaslang sa ilalim ng batas militar.

Mga testimonya

Sa programa, sina Raymundo “Ka Totoy” Carlos, Bernardo “Ka Joe” Villalon, Dr. Nymia Simbulan, at interim NDFP peace panel negotiator Julieta De Lima ang kabilang sa naging biktima ng batas militar at nagbahagi ng kanilang karanasan bilang patunay kung paanong tunay pagpapahirap sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng administrasyong Marcos.

“Biktima ka ng lipunan, pero ikaw pa may kasalanan”, saad ni Ka Totoy.

Si Ka Totoy ay naging bahagi ng Kabataang Makabayan, isang organisasyon ng mga progresibong kabataan at estudyante kabilang sa nanguna sa makasaysayang kilusang talsik ng dating diktadura.

Itinatag ang KM noong Nobyembre 30, 1968 ni Jose Maria Sison.

Nakilala ang KM sa pangunguna nito sa mga protesta laban sa dayuhang kontrol sa pulitika at ekonomiya ng Pilipinas, katiwalian sa gobyerno at lumalagong pasismo.

Kung usapin ngayon ang red-tagging bunsod ng pagpapatupad ng Executive Order 70 na bumuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict maging ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law noong 2021 sa ilalim ng administrasyong Duterte, matagal nang estilo ng gobyerno ang pagkamuhi sa mga kritiko bagkus ay ipatatampok nito ang pagtawag sa mga progresibong indibidwal o grupo bilang terorista.

Kabilang ang KM sa mga inakusahan at itinuring na iligal hanggang sapilitang tumungo sa lihim na pagkilos ang mga miyembro nito.

Sa kabilang banda, bahagi rin ng KM si Ka Joe na mariing ipinahayag ang malaking ambag ng organisasyon sa pagmumulat sa kanya hinggil sa kalagayan ng lipunan.

Kilala si Ka Joe bilang direktor ng mga kultural na pagtatanghal. Nakasama niya ang mga batikang aktor at direktor na sina Bonifacio Ilagan, Lino Brocka, at iba pa.

Aniya, hanggang ikaapat na baitang lamang ang natapos niya ngunit tinulungan siya ng mga nakasama niya sa kilusan ang pagtuturo sa kanya bukod sa literasiya at numerasiya ang pakikipamuhay sa masang-api at pagsasabuhay nito sa pamamaraang kultural.

“Walang nang hearing, hindi mo alam kung kailan ka lalabas, hindi mo alam kung saan ka ikukulong, ganyan katindi noong Martial Law,” pagpapaliwanag ni Ka Joe sa kanyang mga karanasan.

Matinding torture ang naranasan niya noong batas militar dahilan ng pagkakaroon niya ng komplikasyon sa tainga.

“Kapag ang katotohanan ang nananalaytay, hindi na ito mabubura ng kasinungalingan,” ani Ka Joe.

Hindi rin kawala sa matinding kontrol at manipulasyon ang mga pamantasan noong batas militar, pagpapaliwanag ni Dr. Simbulan.

Kasalukuyang Vice Chancellor for Academic Affairs at alumnus din ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila si Dr. Simbulan.

“Hindi ka malayang nakakapasok sa mga kampus,” ani Dr. Simbulan.

Sa loob ng pamantasan, maging ang mga personal na kagamitan, katulad ng libro, kwaderno at lahat ay kailangang bulatlatin ng mga militar noong dekada ‘70. Isa rin si Dr. Simbulan sa mga iligal na inaresto at nakulong sa loob ng anim na buwan.                                                                                                                                                                                                

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here