Hindi boring

ni Erika Cruz

Hindi boring

ni Erika Cruz

Mahirap ikahon sa isang makabuluhang sandali ang pamumulaklak ng relasyon nina Anabel at Tinay.  Walang paglalakad sa tahimik na kalsada ng alas-dos ng madaling araw, walang pagsisilong sa ilalim ng isang payong habang bumubuhos ang ulan, walang pagtatagpo ng mga matang naghahalili sa mga salitang hindi pa nasasabi.

Sabi nga ni Anabel, “boring” daw ang kwento nila, dahil wala silang maibabahaging iyak-tawang love story: walang nagkaroon ng amnesia o di kaya’y quarter life crisis, walang “big words”, walang malaking away na nagresulta sa hiwalayan at pagkaroon ng one more chance.

Sa madaling salita, hindi ito mapipiling materyal para sa susunod na pelikula ni Cathy Garcia-Molina.

“Mag away nga tayo minsan!” hamon ni Tinay kay Anabel.

“Sige, pagkatapos nitong interview,” sagot ni Anabel.

Nagkakilala sina Anabel at Tinay noong 2001, nagkuwentuhan sa isang birthday party noong 2005, at ilang buwan ang lumipas ay naghapag na ng panliligaw si Anabel. Maraming beses na “tinabla” ni Tinay si Anabel bago naging sila noong 2007.

Ang totoo, hindi boring ang isang relasyong hinuhubog sa init ng sumisingaw na kongkreto, sa lansangang umaalingawngaw ang sigaw ng mamamayang nagtatagpo sa iisang hangarin.

Hindi ko na rin kailangang idiin na pareho silang babae.

Ngunit ang kombinasyong ito – ang kilusan ng kababaihan, bakla at lesbiyana laban sa diskriminasyon at kanilang pakikipaglahok sa pakikibakang pambansa-demokratikong yumabong noon pang panahon ng Martial Law – ang pumukaw sa kanilang mapanlabang lakas.

Si Anabel – nakapusod ang buhok, katamtaman ang tangkad at sigurado ang bawat hakbang tuwing naglalakad – ay aktibo na sa lesbian movement mula pa noong siya’y mag-aaral ng kolehiyo sa Baguio. Habang si Tinay – maiksi ang buhok, may katangkaran, at kapansin-pansin ang suot na dangling earrings – ay naghintay ng tamang panahon upang makapag-out sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasama.

Magkaiba man ang pinagmulan ng dalawa, pero pinagbuklod sila ng dalawang bagay: pareho silang kumikilos bilang mga kabataang aktibista sa mga kinabibilangang organisasyon at maigting ang pagnanais nilang sabihin na bagamat mahalaga ang usaping pagkakapantay-pantay sa kasarian, nangingibabaw pa rin ang pakikibaka para sa karapatan ng pangkalahatan sa ekonomya, pulitika, at kultura.

Humugot ang dalawa ng inspirasyon mula sa Lesbians for National Democracy (Lesbond) at Progressive Organization of Gays in the Philippines (Progay) na magkasunod na binuo noong 1992 at 1993. Aktibong lumahok sa mga aksyon laban sa National ID System ang mga miyembro ng Progay. Upang labanan ang diskriminasyon sa paggawa tulad ng hindi pantay na sahod batay sa kasarian, masikap na nag-organisa ang mga manggagawang lesbiyana sa Baguio City Export Processing Zone sa kabila ng “no union” policy.

Magsasampung taon na ang pagsasama nina Anabel at Tinay, pagsasamang kinulayan ng maraming maliliit na tagumpay sa kanilang buong panahong pagkilos sa mga organisasyong nagsusulong ng interes ng masa. Coordinator si Anabel sa Save Laguna Lake Movement at secretary general naman si Tinay sa pambansang chapter ng Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights.

Kinikilala nila ang pananatili ng mga lumang kaisipan patungkol sa mga LGBT. Ilan sa mga laging tinatanong sa kanila ay kung sino raw ba ang lalaki sa kanilang dalawa, o kung sino ang naghahanapbuhay. Nagugulat ang mga kakilala ni Anabel kapag nakita siyang gumagamit ng facial wash, o natatawa kapag kalahating timba ng tubig lang ang kaya niyang buhatin.

“Akala ko tomboy ka,” sabi sa kanya.

“Nagdy-dysmenorrhea rin kaya kami tuwing nireregla!” pabirong sabi ni Anabel.

Sa kabila nito, mapangahas na hinaharap nina Anabel at Tinay ang pagwaksi ng mga kaisipang ito. Sa ganap na paglaya lamang ng mga Pilipino tuluyang magbabago ang pagtingin at pagtrato ng lipunan sa mga LGBT. Sa pambansa-demokratikong pakikibaka lang gayundin maaatim ng mamamayang Pilipino ang karapatan sa lupa, paninirahan, trabaho, edukasyon, at mismong karapatang mabuhay.

Wala naman raw kasing kasariang kinikilala ang pang-aapi. Hindi romantiko na parang hinango sa isang pelikula ang kwento ng ating lupang tinubuan, ngunit ang tapat at tunay na pagmamahal sa bayan ang magpapalaya sa mamamayan.

 

 

InterServer Web Hosting and VPS