Sabi ng karamihan, mahirap ang isang long-distance relationship—kadalasa’y nauuwi ito sa paghihiwalay. Ngunit isang testimonya ang pag-iibigan ng mag-asawang Serrano na si Eddik at Lisa. Ang kanilang mga karanasan ay nagpapahiwatig na hindi lamang daluyan ng pagmamahalan ang palagiang pagsasama ng isang magkabiyak.
Si Eduardo Serrano, o kilala rin bilang Eddik, ay isa sa mga National Democratic Front consultants para sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Binibigyang seguridad mula sa pagmamanman o pagkakaaresto ang mga NDF consultants sa bisa ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Pinagkasunduan ito ng dalawang panig noong 1995 para umusad ang usaping pangkapayapaan sa bansa.
Noong 2004, hinuli si Eddik sa kanyang tinirhan sa Mindoro at pinaratangan ng mga gawa-gawang kaso ng pagpatay at pagnakaw. Agaran siyang ikinulong na umano’y walang warrant of arrest. Nilabag ng gobyerno ng Pilipinas ang JASIG sa paghuli at pagkulong kay Eddik. Nilabanan ang tatlong kaso kung saan siya ay pinawalang-sala dahil sa kakulangan ng ebidensya. May natitira pang dalawang kasong dinidinig, ngunit lumampas na ang 11 na taon ang pagkakakulong niya. Sinapit niya ang pagkahina sa katawan hanggang sa nakaranas ng cardiac arrest na nauwi sa kanyang pagpanaw.
Ang halos 12 na taong pagkakakulong ni Eddik ay mahaba at mapait na panahong pagkakalayo kay Lisa.
Ngunit hindi ito naging hadlang para pumusyaw ang pagmamahalan ng mag-asawa. Ika nga ng isa sa mga panandaliang nakasaksi sa kanilang pagsasama, angkop ang kanilang tawagan na ‘kabiyakasama’. Dahil sila ay magkabiyak na laging magkasama, sa kabila ng layo ng lugar at tagal ng oras na sila’y magkita. Sapagkat ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa ay kaalinsabay ng kanilang pagmamahal sa bayan at ang hangaring palayain ang lipunan tungo sa isang masigla at masaganang kinabukasan para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang maalab na adhikain ang pilit na nagpapalapit sa kanila. At katibayan dito ang liham na nakalip.
Ang sulatin na ito ay ang huli sa serye ng pakikipagpalitan ng liham na natanggap ni Eddik mula kay Lisa, bago siya wakasan ng sakit sa puso sa matagal na pagkakapiit sa kulungan.
—
22 December 2015
Pinakamamahal kong Eddik,
Maalab na pagbati sa iyo! Sana’y sapitin ka ng sulat na ito na nakabawi na sa iyong mahirap na kalagayan at pagkakasakit.
Ang nakaraang linggo (mula Dec 16) ay isa sa mga mahihirap na yugto ng ating buhay! Bagamat mahirap ang sitwasyon, pagsubok din ito ng ating katatagan at kahandaang humarap sa anumang sakripisyo tulad ng pagkakasakit hanggang kamatayan, saan man at kailan man ito dumating kung kinakailangan. Ito rin ay naging isang salaminan ng inabot na antas ng pagkilala na naitayo natin sa ating mga anak, pamilya natin at mga kaibigan. Ipinakita nilang lahat ang pagkilala sa iyo at pagmamahal at kagustuhang makapangibabaw ka sa inabot mong sakit at mabilis na lumakas at makarekober.
Alam kong puspusan kang lumalaban para pangibabawan ang kahinaan ng iyong puso at iba pang kumplikasyon nito. Lumaban ka mahal kong Eddik. Makibaka ka para mabuhay!
Sa bahagi ko, gustuhin ko mang makalapit sa iyo at ibigay ang aruga ng isang nagmamahal, alam nating hindi ito maaari sa kasalukuyang dispensasyon natin. Tulad ng ating ginagawa sa nakaraang 11 taon, sa panahong pinaglalayo tayo at pinaghiwalay ng mapang-api at pasistang rehimeng Arroyo at Aquino, paglalapitin natin ang ating sarili sa iba’t ibang paraan.
Salamat at malalaki na ang ating mga anak at lumaki silang mga responsableng mga bata— na ngayon ay siya naman nating inaasahang nag-aasikaso sa iyo habang nasa ganyan kang katayuan. Naaalala ko ang isang panahon at yugto ng ating buhay 2 dekada na ang nakakaraan, nang magkasakit si Dekdek at kailangang operahan. Nalampasan natin ang krisis sa panahon ito—sa tulong din ng mga kapamilya natin, mga kaibigan at mga kasama, Naaalala ko sa panahong ito ang presensya at suporta ng ating mga magulang at mga kapatid. Naaalala ko sina Papa Tony at Mama Coring. Sina Papa Imo at Mama Beting at ang kanilang walang imbot na sakripisyo para sa atin. Ngayon, naririyan naman ang mga kapatid natin at mga anak nila.
Kahit sa ganitong kalagayan natin, kinikilala tayo at minamahal. Walang sinuman sa ating mga kapamilya ang nagtakwil sa atin at sa ating piniling landas (less travelled by).
Tiyak nakikita mo ang pana-panahong sumisilip sa maliit na viewing window sa intensive care unit, ang iba’t ibang klaseng tao ang sumusuporta sa iyo:
– Ang iyong mga kasamahan sa detensyon na kahit nakakulong ay ginawa ang lahat para paabutan kami sa iyong kalagayan; si Ka Edward daw ang agad nagtext kay Dekdek hinggil sa iyong pagkakasakit noong Dec 16;
– Ang mga manggagawa para sa pagsusulong sa karapatang pantao—na pinakaunang sumaklolo at umalalay sa iyo mula sa Bicutan papunta sa ospital at hanggang ngayon ay nagpupuyat at nagbabantay sa iyo. Sina Tita Doris, Ate Cristina, Ate Diane at marami pang mga ate at tita na nakikilala ko lamang sa pangalan sa mga text ng iyong mga anak.
– Ang walang kapagurang sina Tito Pido at Tita Medy—na nariyan sa iyong tabi saan ka man naroon—na sa panahong malayo tayo ay para nang mga magulang nina Hasmin at Dekdek at lolo at lola ng ating mga apo.
– Masasabing isang kilusang masa sa isang antas ang pagsuporta. May lawak at may ibang lalim ang abot ng ating panawagan para sa suporta, hindi lamang sa iyong kalusugan kundi hanggang sa panawagan para sa pagpapalaya sa iyo.
Siguradong aatakehin ka sa puso (ulit!) kung ang makikita mong mukha sa viewing window ay ang mukha ng iyong kabiyakasama—kaya hindi natin gagawin iyon at baka kapag inatake ka ulit ay di ka na makabawi at ako pa ang maging dahilan. Kaya mananatili lamang na sa bintana ng iyong puso at alaala makikita at nakaukit ang iyong pinakamamahal at pinakamagandang babae sa buhay mo. Sana, ang parteng iyon ng puso mo ay wala pang diperensya. Sabi ko noong isang araw—malakas ang aking puso at kung sakaling anuman ang mangyari sa akin, at kailangan mo ang puso para sa transplant, maaaring ipalit ang aking puso sa iyong mahinang puso. Tunay na magiging magkapuso tayo niyan! O, relax ka lang at baka maapektuhan na naman ang puso mo.
Ayoko pa ngang makipag-usap sa iyo sa CP baka makaapekto sa iyo. Gusto ko mang marinig ang boses mo, sapat na muna ang mga naipapaabot sa akin ng iyong mga anak at kapatid.
Sa kalagayang nasa ospital ka na na may modernong pasilidad at kagamitan at nariyan na rin ang pinakamahuhusay na doktor, tiyak na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para maging maayos ka at malusog—kahit hindi maibalik sa dati ang iyong kalagayang pangkalusugan. Kaya ang tungkulin mo lamang ay ang magpalakas at magpagaling. Ipaubaya mo na sa iba ang pag-aalala sa iba pang usapin tulad ng pinansyal at iba pa.
Pagkatapos nito, tiyak magiging mas maingat ka na lalo sa iyong pagkilos at pagkain. Magbabago ng istilo na pamumuhay para lalo pang makabawi ng lakas.
—
(Pagpapatuloy)
Hindi ito naipadala sa e-mail kanina dahil na-expired na ang sim na gamit ko pang-e-mail sa mga bata. Kaya ipagpapatuloy ko.
Marami na talagang nakakadalaw sa iyo—may sinulat akong open letter para sa ating mga kaibigan at may bahaging paniningil sa rehimen kaugnay sa iyong kalusugan. Nakakagalit at nakakapaghimagsik. Tunay na walang aasahan sa sistema ng hustisya sa bansang katulad ng Pilipinas. Lalo tayong magpupursige para sa pagkakamit ng ating mga adhikain at upang mapabilis ang pagkakamit ng tagumpay.
Hanggang dito na muna. May mga kailangan pa kaming tapusing gawain pero hindi ako makapagkonsentra dahil sa iyong kalagayan. Nauunawaan naman ito ng mga kasama ko.
Bagamat naiwanan mo ako dito, para gumampan sa mga gawain tulad noong panahong nasa Denmark ka, decades ago, naniniwala akong makakabalik ka pa sa aking kinalalagayan at magkakatuwang pa tayo sa pagharap sa maraming hamon at mga malalaking gawain. Magpalakas ka!
Mahal ka namin ng iyong mga anak, apo, ng ating mga kapatid at pamilya. Magpakatatag!
Para sa bayan,
Ang iyong kabiyakasama