Sa pagpapatuloy ng lockdown sa bansa, isa ang sektor ng transportasyon sa lubhang naapektuhan. Tigil pasada muna sa itinuturing na hari ng kalsada, ang jeepney o dyip. Mula sa banta ng modernisasyon hanggang sa epekto ng pandemya tila hindi tinantanan ang mga Pilipinong drayber sa kanilang kumunoy ng kahirapan.

 

Ang Pisikal na Dyipning Pinoy
Nagsisilbing simbolo ng Pilipinas at ng ating pagka-Pilipino ang jeepney. Mula sa loob at labas ng sasakyan, makakakuha tayo ng tunay na larawan kung sino at ano ang Pilipino. Produkto ng pagmomodipika sa mga jeep na dinala sa Pilipinas ng mga Amerikano ang nakikita nating mga Pilipino dyip. Iniwan ng mga Amerikano ang kanilang sasakyan pagkatapos ng digmaan. At dito nagsimulang modipikahin ang mga jeep para umayon sa mga pangangailangang pantransportasyon ng mga Pilipino. Kabilang sa naging modipikasyon ang lagyan ng bubong, buksan ang likod, at lagyan ng pahabang upuan sa magkabilang gilid upang makapagsakay ng maraming pasahero.

Inayon at binago ng mga Pilipino sa sariling kondisyon ang mga pagbabago. Kabilang dito ang paglalagay ng mga makukulay na disenyo at borloloy na mula sa mga kasabihan, larawan, kulay at hanggang sa mga santo at altar sa loob ng jeep. Dahil dito, ang dyip ang naglalarawan sa pagiging malikhain ng mga Pilipino.

Sa panahon ng pandemya, nawala ang paghahari ng mga dyip. Kinakalawang ang mga makukulay na disenyo, pinatahimik ang malalakas na busina at musika, isinara ang mga trapal ng magkabilang bintana, binakuran ang entrada ng mga pasahero at pinatay ang maliliwanag na ilaw. Wala na ang hari sa gitna ng kalsada, nandoon na lamang sila sa gilid ng bangketa. Limang buwang walang pasada ang 80% sa mga tsuper sa Kamaynilaan pa lamang.

 

Ang Kulturang Pilipino sa Loob ng Dyip
Kung tutuusin, maihahalintulad natin sa lipunan ang karanasan sa pagsakay sa dyip. Nagpapakita ito ng ayos panlipunan at tunay na pag-uugali ng isang Pilipino sa kanyang lipunang ginagalawan.

Ang Bayanihan
Marami siguro sa atin ang nakiisa sa pagbubuhat at pagtutulak ng mga bitbit patungo sa pinakadulo ng dyip mula sa isang pasahero. Nakiabot ka rin ng pamasahe at sukli mula sa iba’t ibang kamay, nakisigaw at nakituktok sa kisame ng dyip para sa pasaherong bababa at marami pang gawaing nagpapakita ng pakikibahagi sa danas ng kapwa. Tungkulin itong maituturing ng mga pasahero na iabot ang bayad sa drayber—at natututunan iyan maging ng mga dayuhan na napapadpad sa ating bansa na nakakasakay ng jeep.

Dati’y sinisiksik ang jeep para malubos ng mga tsuper ang kita kada byahe. Kung hindi talaga kasya ay mayroong nagbibigay na iuurong ang puwitan palabas sa upuan, para tuluyan nang makaupo ang iba. Ang iba nama’y sasabit na lang kung pinapayagan sa ruta, laluna para magbigay sa matanda, may dalang bata o buntis. Ito’y para ang lahat ng nakasakay ay maluwat na makapagpatuloy sa byahe.

Kolektibo ang mga galaw sa loob ng dyip. Hindi maaaring mamayani ang ugaling indibidwalistiko. Kasama ka sa kabuuang karanasan ng bawat isa habang naglalakbay. Ang karanasan ng isa ay karanasang dala-dala sa pagbaba. Hindi tayo maliligaw hangga’t pinaiiral natin ang pagdamay sa kapwa.

Sa kasalukuyan, balot ang lahat sa takot. May ilang dyip na rin ang bumalik sa pamamasada at lumikha ng pamamaraan upang sundin ang tagubilin ng pamahalaan na pairalin ang ilang health protocols tulad ng social distancing. Ang dating tabi-tabing katawan, ang maiingay na usapan, ang pagdamay sa kapwa pasahero ay unti-unting nabura upang maiwasan ang virus habang ipinagpapatuloy ang buhay. May takot ang lahat sa pag-abot ng pamasahe, dali-dali ang paglalagay ng alkohol sa mga kamay, iwas sa pakikipag-usap ang lahat, ayaw madampian ng ibang balat ang sariling katawan. Nilayo tayo ng pandemyang ito sa mariing pakikisalamuha sa kapwa.

 

Ang Pagiging Tribo
May saya sa bawat karanasan sa pagsakay sa dyip. Para tayong isang tribong nakikisalo sa tagumpay at kasawian ng mga pasahero at mga pangyayari sa kalsada. Bilang mananakay, hindi natin maiwasang makinig sa mga kuwentong buhay ng drayber at pasahero. Pinapatunayan ng karanasang ito ang pagiging komunal ng lahat, isang katangian ng sinaunang pamayanan o mga kagawian sa isang tribo.

Malalim ang mga kaugalian sa loob ng tribo sa kulturang Pilipino, may pinaniniwalaang lider at makapangyarihan sa ganitong espasyo. Sa kalsada, malinaw na lider at hari ang ating mga tsuper. Sila ang pag-asa at may kapangyarihang maihatid tayo nang ligtas sa ating patutunguhan. May lakas sila bilang manggagawa, lakas na nagmumula sa kanilang mga tapat na pasahero, tulad ng isang lider ng tribong may tapat na tagasunod.

Sa tindi ng hinaing nila, bakit tila hindi pa rin napakikinggan ang kanilang danas? Nasaan ang tainga ng pamahalaan sa mga daing na dinaranas ng mga arawang manggagawang drayber? Sa katunayan, nakabibingi na ang katahimikan ng pamahalaan sa mga isyung kinakaharap nila. Karamihan sa drayber ay inaasahang makikinig ang gobyerno sa kanilang mga hinaing.

 

Ang Paglalantad ng Sarili
Sa pagsakay sa dyip, itinatanghal natin ang ating mga sarili. Nawawala ang pribadong espasyo ng bawat pasahero. Inilalantad natin ang ating mga sarili sa iba. Tayo ay hinuhusgahan ayon sa nakikita, naririnig, naaamoy at nararamdaman ng iba sa atin. At sa paglalantad ng sarili, dito pumapasok ang mga mapagsamantala, mga nakikiusyoso, mga nakikialam at walang pakiaalam, mga papansin at namamansin.

Ang amoy ay simbolikong paglalantad ng sarili. Magkakahalong amoy ang mararanasan sa dyip, mula sa mga nakakahilong amoy ng pabango, pawis, usok, at kalsada. Sa umaga, sariwang hangin at amoy ang malalanghap sa loob ng dyip lalo na kung hindi pa rush hour. Malinis at maaliwalas ang pagtatanghal ng ating sarili sa loob ng sasakyan. Lahat ay handang sumabak sa panibagong hamon bilang mananakay na maayos at malinis. Kabaligtaran naman ito pagsapit ng uwian, ibang amoy ang tatagos sa mga ilong. Larawan ang mga magkakahalong amoy sa naging maghapong karanasan ng mga mananakay sa kani-kanilang trabaho. Pagod at walang pakialam sa pagtatanghal ng sarili ang ipinapakita ng lahat.

Iba ang pagtatanghal na ipinapakita ng pamahalaan sa atin, malayo sa realidad ang kanilang ipinakikita. Malinaw sa atin na tanging mababangong imahe at nagpapabangong imahe ang kanilang iniuulat. Wala ang baho ng realidad mula sa lipunan. Nakalimutan na tayong amuyin ng pamahalaan. Barado na ang kanilang ilong sa tunay na umaalingasaw na kahirapan, kagutuman, kasawian, at kaguluhan ng bayan.

  

Sino na ang Hari?
Sa patuloy na pagtutulak sa modernisasyon ng pampublikong sasakyan tulad ng dyip, patuloy ring tinutulak ang mga negosyante at investor na sumawsaw sa pagpapautang sa mga namamasada upang magkaroon ng modernong sasakyan. Ang ganitong sistema ang lalong magpapalubog sa mga karaniwang drayber.

Noon mga batang kalsada at mga indibdiwal na may hawak na dokumento ang namamalimos sa loob ng dyip. Ngayon baliktad na ang mundo, ang mga drayber ang nasa lansangan at namamalimos. Ilan sa kanila ang naranasan nang mahuli at makulong dahil diumano’y sa paglabag  sa quarantine measures ang pamamalimos. Masakit para sa kanila na gawin ito, ngunit mas hindi nila kakayaning maghintay lang sa loob ng bahay habang nagugutom ang pamilya.

Tila inabandona ng pamahalaan ang mga pumapasada, maging ang mananakay na napipilitang lumakad ng oras-oras para lang makapasok. Patuloy na isinasantabi ang pangangailangan ng mahihirap tulad ng drayber. Insensitibong lockdown ang umiiral. Lalo nitong pinalalalim ang hindi pagkapantay-pantay at kawalan ng hustisya sa lipunan, pinaiigting ang kahirapan at kagutuman. Nawala ang bayanihan upang tugunan sa kanilang pangangailangan. Tinakpan ang tainga sa mga hinaing. Nawalan ng pang-amoy sa bulok na sistema habang may pandemya. Nawala sa mga sarili ang lider ng pamahalaan.

Ano pang aasahan at kakapitan kung wala na siyang sasakyan? Totoong mahirap maging mahirap.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here