Itinuturing na pundasyon ng bawat bansang maunlad ang mga katutubo. Ang pagsasawalang-bahala sa kalagayan ng mga katutubo, kung bakit patuloy na lugmok sa kahirapan bukod sa korupsyon at walang maayos na pamunuan ang Pilipinas.

Sa isyu ng mga Agta-Dumagat sa Kaliwa Dam na pinondohan ng bansang Tsina ay maliwanag na pangtataboy sa kanilang lupang ninuno (ancestral land) para lang diumano’y bigyang daan ang lumalaking pangangailangan sa tubig ng kalakhang Maynila. Sa proyektong ito, bukod sa wawasakin ng mga dayuhan ang kabundukan at tahanan ng mga katutubo, wawakasan din nito ang mahabang kasaysayan ng pamumuhay nila bilang isang tribo. Ang mga katutubo ang itinuturing na tagapangalaga ng kabundukan, kilala nila ang himig at galaw ng kapaligiran, alam nila ang tangis at kasiyahan ng kabundukan. Tila inililibing ng pamahalaan sa hukay ang mga katutubo, nilulubog sa tubig ang kanilang kayamanan at alaala. Malinaw na may malalim na ugnayan at relasyon ang katutubo sa kanyang kapaligiran. At sa pagpapatuloy ng proyektong ito, hindi lamang sila itataboy, higit sa lahat puputulin ng proyektong ito ang mahabang kasaysayan ng kanilang pagtutulungan— tao sa kanyang kalikasan, kalikasan sa kanyang tao.

Sa isyu ng mga Ati sa Boracay, Aklan na pinalayas sa kanilang lupang ninuno. Nagmistula silang display at exhibit sa Ati Village na kung saan doon sila pinagsama-sama at binigyang espasyo para sa paghahanapbuhay. Nagsilbing bilangguan ang binuong komunidad dahil itinuturing na eyesore sa mga turista ang kanilang paglalakad at pananatili sa puting isla. Tinatago sila at pinalalayas sa lupang kanilang pagmamay-ari upang bigyang daan ang atraksyong hatid ng isla. Patuloy rin ang pandarahas at pamamaslang sa kanilang mga lider, at hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na hustisya para sa kanila. Marami ring katutubong Ati ang walang akses sa serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at pangkalusugan na mas lalong nagpapahirap sa kanilang kalagayan at pananamantala ng kanilang karapatan.

Sa isyu ng mga Panay-Bukidnon sa Tapaz, Capiz na unti-unting namamatay at nawawala na ang tradisyon ng pagbibinukot. Napakahalaga ng mga binukot sa kanilang lahi, sila ang tagapagdaloy at tapagsalaysay ng kanilang mahabang kasaysayang oral. At dahil sa epekto ng modernisasyon at koneksyon ng mga kabataang Panay-Bukidnon sa sentro, unti-unti nang tinatanggihan ng kanilang pamilya ang pagpapasa ng pagbibinukot. Noon, itinuturing na prinsesa ang pagiging binukot ngunit ngayon tinitingnan ito bilang mga bilanggo. Malaki rin ang epekto ng kalagayang sosyo-ekonomiko ng kabundukan sa patuloy na pagkawala ng mga binukot, dahil unti-unti ring nililisan ng mga katutubo ang kanilang komunidad sa kabundukan at pinipiling manirahan sa sentro. Laganap din ang militarisasyon sa kabundukan na nagpapatindi sa takot ng mga katutubo.

Magkakaugnay ang pambansa at panrehiyon, nakaangkla ang pambansang kaunlaran sa galaw at takbo ng mga pangyayari sa rehiyon ng bansa. At kung patuloy na winawaglit ang kakayanan, kontribusyon at kapakanan ng mga katutubo para sa pambansang kaunlaran, magiging mabagal at hindi holistiko ang progresong inaasam. Ang ating kasalukuyan ay nakaugat sa ating kasaysayan at sa ating mga ninuno.  

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here