Kaakibat ng panawagan sa pagbabalik-paaralan ng mga estudyante ay ang pagkilala sa pundamental na karapatan at pangangailangan ng kabataan sa dekalidad, aksesible, at abot-kayang edukasyon.

Ayon sa Kabataan Partylist National Capital Region, ito ang dapat na pangunahing binibigyan ng komprehensibong plano at aksyon ng gobyerno maging ng kagawaran ng edukasyon.

Sa pagbubukas ng mga paaralan sa Basic Education ngayong Lunes, ika-22 ng Agosto taong kasalukuyan, ikinasa ng mga progresibong grupo ng mga kabataan kasama ang ilang mga estudyante upang itambol ang hindi naipatupad na maayos, organisado, at sistematikong balangkas sa pagbabalik-paaralan sa harap ng Department of Education National Capital Region.

Kaiba sa mga nagdaang datos, tinukoy lamang ng DepEd ang kabuoang datos ng nagsipag-enrol sa publiko at pribadong paaralan.

Sa tala ng kagawaran, bagamat nagtaya ito ng 28.6 milyong target para sa kabuoang enrollment, humigit-kumulang 27.6 milyong bilang ng kabuoang nag-enroll.

Ang nasabing datos ay higit tatlong milyon ang tinatayang muli o bagong nag-enroll para sa kasalukuyang akademikong taon.

Ayon sa DepEd, ipatutupad ang pinagsamang face-to-face classes at distance learning mula Agosto hanggang Oktubre bago isagawa ang tuloy-tuloy nang transisyon sa muling panunumbalik ng pisikal na klase sa darating na Nobyembre.

Ayon sa mga kabataan, matagal nang ito ang iminumungkahi simula’t sapul na binuksan ang mga pook pasyalan, malls, at iba pang establisyimento liban sa mga paaralan noong 2020.

Sa katunayan, ang ikakasang plano ng DepEd ay bahagi na sa mga inihapag ng Back-to-School network, isang alyansa ng mga kabataan, magulang, guro at iba pang sektor na apektado ng krisis sa edukasyon, noon pang 2020. Saad ng B2S, maaring magkaroon ng tinatawag na “alternating class” para isulong ang pagbabalik-paaralan ng mga kabataan.

Dito nakita ng alyansa ang pangangailangan ng pisikal na klase sa halip na ipagpatuloy ang “pahirap at palpak” na blended learning.

Ngayong taon, higit 24,765 o 46% ang magsasagawa ng pisikal na klase sa pampubliko at pribadong paaralan, samantalang 29,721 o 51.8% naman ang sa blended learning.

Bigong pagkamit sa pamantayan ng Balik-Paaralan Ipaglaban

“Hindi nameet ng standards ang nangyari ngayong pagbubukas ng paaralan dahil una kulang na kulang sa mga guro at mga kawani ‘yung mga pampublikong paaralan, kulang na kulang sa kagamitan tulad ng mga armchairs, ng mga safety protocols na tinatawag kasabay din nito, hindi napatupad nang maayos ang organisado at sistimatikong balangkas hinggil sa ating panawagan,” saad ni Thirdy Navayra mula sa Kabataan Partylist National Capital Region.

Kung pag-uusapan ang panawagan ng B2S, ilan sa mayor na punto nito ang kagyat na pagpapabalik sa paaralan ng mga estudyante sa balangkas ng alternating classes.

Bukod pa rito, kinakailangang tiyakin ng paaralan ang usapin ng kalusugan, sanitasyon, at iba pang salik bilang mitigasyon sa nagpapatuloy na sitwasyon ng pandemya. Ngunit, taliwas ito sa karanasan ng ilang estudyante tampok ang siksikan magmula sa pagpasok hanggang paglabas ng paaralan.

Dagdag ni Navayra, walang konsultasyon na nangyari sa mga kabataan at mga magulang.

Sa katunayan, pasanin din sa bahagi ng mga guro, magulang, maging ng mga drayber ng pampublikong transportasyon ang malubhang krisis sa edukasyon.

Ayon sa ACT Teachers Partylist, matagal nang naghihintay ng sagot at solusyon ang mga guro dahil maraming klase sa buong bansa ang wala pang magagamit na klasrum, silya, at aklat. Gayundin ang mga naapektuhan ng kalamidad partikular sa bahagi ng Gitnang Luzon at sa Visayas.

“Nagtatanong ang mga guro sa Cebu at Bohol kung kailan kukimpinihin ang mga klasrum na sinalanta ng bagyo. Hindi man lang ba nila ito sasagutin?” dagdag ng ACT.

Daing din ng ACT ang kakulangan ng mga guro at kaukulang subsidy, ayuda, at iba pang pangangailangan ng kanilang sektor. Panawagan nilang iresolba ang mga ito upang sa kagyat ay maihanda na transisyon sa 100% pisikal na klase.

NTF-ELCAC, Mandatory ROTC, tahasang kinundena ng mga kabataan

Noong idineklara bilang kalihim ng DepEd si Vice President Sara Duterte, kaakibat nito ang  plano niyang ipatupad ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

“Dito nila pinapalusot ang kanilang mga agenda na kung saan hindi naman totoong makakatulong sa mga kabataan at makikita naman natin sa datos na kung saan ang ROTC ay instrumento para maghasik ng karahasan at pagpapanatili ng impyunidad na kultura sa mga kabataan” saad ni Navayra.

Mariin din niyang pinabulaanan ang National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naghahasik ng pekeng akusasyon laban sa mga progresibong indibidwal o grupo.

“Ginagamit pa nila itong NTF-ELCAC sa lantarang panreredtag at akusasyon sa mga indibidwal at organisasyon na pinararatangan nilang terorista. Ganito ba ang gobyernong nagsisilbi sa bayan kung saan ginagamit ang pondo ng bayan para supilin ang pagiging kritikal at sentimyento ng mamamayan sa kanilang batayang interes?“ pagtatanong ni Navayra.

Kamakailan lamang ay inaprubahan ang badyet ng NTF-ELCAC na higit-kumulang P10 bilyon na ayon sa mga kabataan ay iredirehe na lamang sa badyet sa edukasyon at pangsosyo-ekonomikong serbisyo sa mamamayan.

Sa huli, hinamon ng mga kabataan si Sara Duterte na maglatag ng komprehensibong plano para makamit ang siyentipiko. makabansa, at makamasa.

“Bagamat hindi tayo aasa sa kilala na nating prominenteng indibidwal at anak ng arkitektor ng war on drugs. Hinahamon natin siya na paigtingin ang paglalatag ng komprehensibong plano,”

Nagbalangkas ng mga panawagan si Navayra ukol sa kagyat na tugunan ng administrasyong Marcos Jr at Duterte.

“Buwagin na ang NTF-ELCAC at iangkla ang pondo nito sa sektor ng edukasyon. Ipamahagi na rin ang mga hindi naibibigay na benepisyo at ayuda sa mga maralita, sa mga kaguruan, at sa mga manggagawang apektado ng krisis sa kalusugan at sosyo-ekonomiko. Hudyat itong first day rage para sa nagngangalit naming damdamin nang ipatupad lamang nang basta-basta itong face-to-face classes para masabing tagumpay ang kagawaran,” pagwawakas ni Navayra.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here