Ang Rebolusyonaryong Pag-iibigan nina Christine Puche at Frankie Joe Soriano

Ni Rico Mendoza at Fely Q. Santos

Ang Rebolusyonaryong Pag-iibigan nina Christine Puche at Frankie Joe Soriano

Sa tantya ni Ben nasa 30  na ang edad ng kaharap. Walang arte sa katawan liban sa simpleng pilak na hikaw. Balingkinitan, kayumanggi ang kulay, may katamtaman ang tangos ang ilong, at nakapuyos ang mala-along kulot at itim na buhok nito. May katangkaran din kung ikukumpara sa ordinaryong taas ng Pilipina. Matapang ngunit maganda ang mukha nito na sa ngayon ay bakas ang pagdududa kay Ben.

 Kinukuha si Grace, ang gurong kaharap ni Ben, na maging prinsipal sa isang prestihiyosong paaralan sa Legaspi, Albay subalit mas pinili niya ang magsilbi sa mga anak ng maralita.

Magdadahilan na lang sana si Grace ‘pagkat hindi niya matiyak ang pagkatao ng kaharap. Buti na nga lang at dumating si Fame, ang kasamahan niyang guro sa paaralan at kababata, ilang minuto bago mag-umpisa ang panayam ng kaharap na ang ngalan pala ay Ben. Napanatag ang kalooban, nasiyahan siyasa kumpirmasyon ng kaibigan.Matagal na rin kasi niyang kinikimkim ang lungkot ng pagkawala.

Ben: Magandang  umaga po Ma’am Grace. Ako po si Ben, graduating student po sa Unibersidad, BA in Creative Writing at miyembro ng Kabataang Makabayan. Nais ko po sanang maisulat ang buhay ng spokeperson ng NDF Bicol na si Frankie Joe Soriano o mas kilala bilang Greg Bañares, at ng asawa nitong si Christine Puche o Ka Nel. Nirekomenda po kayo ng kasama ninyong teacher na si Fame, na kasama ko rin po sa KM. Nabanggit niya po na malapit kayo sa mag-asawa. Huwag po kayo mag-alala, itatago po natin ang pagkakakilanlan ninyo para na rin sa security nating lahat. Mapagkakatiwalaan ninyo naman po ako.

Grace: Ah oo naman. Basta comrade, walang problema sa akin.

Ben: Saan po ba tayo pwede magkwentuhan?

Grace: Okay na dito.

Ben: Paano po ninyo nakilala si Christine Puche at Frankie Soriano?

Grace: Teenager pa lang ako kilala ko na si Ka Lara at si Ka Andy. Yun nga pala ang koda nila sa lugar namin sa Albay. Sa totoo lang, BFF kami niyan ni Ka Lara. Madalas kami ang magkakwentuhan lalo sa kusina habang nagluluto. Madalas kasi sila magbase, I mean makitulog sa bahay. Konsehal sa barangay ang tatay ko, pero mas madalas siyang abala sa organisasyon, yung kilusan na nagsusulong ng Rebolusyong Agraryo.

Ben: Pwede ninyo po bang mailalarawan sila Ka Lara at Ka Andy?

Ka Nel_small
Christine Puche

Grace: Maliit, mestiza, baby face, mabait at matalino pa (si Ka Lara). Akala ko nga noon isang linggo lang eh magpapasama na pauwi. Mukha kasi siyang anak mayaman. Mga 1997 noong mag-fulltime si Ka Lara sa Hukbo. Ito rin ang una naming pagkikita. Tanda ko, 16 pa lang ako noong una kami magkita. Bobcat ang gupit niya noon. Tapos naka T-shirt na itim, tafettang pantalon at Chuck Taylor habang sukbit ang baby armalite. Ang liit na babae pero ang laki ng bag, pulpak lagi. Ang dami kasing laman ng bag: computer, pentel pen, notebook, dyaryo, libro, kahit stapler meron. Bukod pa sa mga damit niya at iba pang personal na gamit. Lagi nga nagpiprisinta ang mga kasamahan niyang bitbitin ang ibang gamit, pero magsasabi lang siyang  “payt sana ‘Kas, kayang kaya ko ‘to.” Sabay ngingiti at magpapasalamat.

Si Andy naman, mga isa o dalawang beses sa isang taon kung magawi sa lugar namin para  umakyat ng ligaw.

Ben: Literal pong umakyat ng ligaw si Andy ano, Mam Grace. Sa bundok eh.

Sabay ngiting mahina ni Ben.

Grace: Mukhang magiging tampok ang humor sa isusulat mo Ben. Si Ka Andy mahilig rin magpatawa yun kaso nga lang madalas rin corny. Pero ang bait niyan ni Andy. ‘Pag napunta siya sa amin, lahat kinakamusta, lahat kinakausap. Kung madadatnan niyang nagkokopra ang masa, makikikopra din siya sabay makikipagtalakayan. Magaling magpaliwanag si Ka Andy at nakikinig muna siya sa kausap bago magpaliwanag.

Maamo ang mukha, katamtaman ang tangkad at laki ng katawan ni Andy.

Ben: May alam po ba kayong trivia tungkol sa dalawa?

Grace: Hmmm, teka…ang kaarawan ni Ka Lara ay Disyembre 26, anibersaryo ng Partido [Komunista ng Pilipinas] at ang kaarawan naman ni Ka Andy ay Marso 29, anibersayo ng BHB [Bagong Hukbong Bayan]. At ang anak nilang panganay ay Nobyembre 30naman ang birthday, petsang kapanganakan ni Bonifacio at araw ng pagkakatatag sa KM [Kabataang Makabayan].

Ben: Para po palang may hugot ang mga tala sa pag-iibigan nila, parang tadhana.

Grace: Oo nga, pero hindi ganoon mag-isip silang dalawa. Mga tunay na Marxista ang mga ‘yun. Yung pagnanais lumubog sa masa at pag-akap ng buong buo sa rebolusyonaryong pakikibakaang naglapit sa kanila hindi kapalaran, ang paliwanag ni Ka Lara noon sa akin. Totoo nga naman.

Ben: May nasaksihan po ba kayong sweet moments ng dalawa?

Grace: Boy Abunda ikaw ba ‘yan!

Sabay tawa ng dalawa.

Grace: Ang isang naaalala ko, noong nag-propose si Ka Andy kay Ka Lara. Walang singsing- singsing, hindi uso yun doon. Disyembre 1998, kasal ng dalawang kasamahan sa yunit ni Ka Lara. Punong abala si Ka Lara, pati na rin si Ka Andy kasi anibersaryo din yun ng Partido at syempre birthday ni Ka Lara.

Nagpapahinga na sila mula sa aktibidad. Sa burol na may puno ng naga, habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw, iniabot ni Ka Andy kay Ka Lara ang isang card. Akala mo Hallmark, akala mo binili, ang ganda kasi.

ka Greg_small
Frankie Joe Soriano

Sariling disenyo, sariling gawa pala ni Ka Andy na ‘pag binuksan mo mula sa kakaibang pagkakatiklop nito, may malaking lettering na nakasulat “Pakasal na Kita,” o pakasal na tayo sa Tagalog. ‘Sus ko, grabeng kilig namin ni Ka Lara nang ikwento at ipakita niya kinagabihan yung card.

Pagkasagot niya ng oo kay Ka Andy, agad namang sinentro ni Ka Andy sa kolektibo ni Ka Lara ang balak. At alam na rin ng kolektib ni Ka Andy ang plano bago pa ang araw na iyon.

Ben: Ay oo nga, sinesentro o ipinapaabot sa collective ang mga ganoong desisyon pagka sa Partido, ‘di po ba?

Grace: Oo naman Ben, lahat maayos na pinaplano hindi lang ng magkarelasyon kundi pati ng kolektib na kinabibilangan nila upang masigurong hindi ito magiging balakid sa mga gawain sa rebolusyon. Bayan muna bago ang sarili, hindi lang ito memes para sa mga kasama. Gabay ito sa pamumuhay nila.

Ben: Eh sa mga magulang po, nagpapaalam rin ba po?

Grace: Oo naman, basta pinahihintulutan ng sitwasyon. Nakakatawa nga yung isang pagdalaw nila sa magulang ni Ka Lara.

Ben: Bakit, ano po nangyari?

Grace: Kwento ni Ka Lara nang dumalaw daw sila sa magulang niya para ipaalam ang balak nila na pagpapakasal, itong si Ka Andy daw, bukod sa todo propaganda sa pamilya, eh nagpakitang gilas pa sa pagluluto. Naku hindi pa tapos magluto si Ka Andy, amoy na yung sarap ng Kosido. Ang kaso noong kainan na, hindi na mawala ang pait sa mukha ng nanay ni Ka Lara.

Ben: Bakit daw po?

Grace: Akala ni Ka Lara, drama lang ng ina. Yun pala, mapait lang talaga ang sabaw dahil hindi natanggal ni Ka Andy ang apdo ng isda.

Tawanan sina Ben at  Grace.

Ben: Sumunod na po ba yung kasalan?

Grace: Sumunod na taon, nagpakasal na silang dalawa. Sa loob rin ng sonang gerilya. Simple lang ang handa. Ilang kasama lang, mga magulang, mga kapatid at ilang kaibigan ng dalawa ang dumalo. Nandoon din ako sa kasal. Binasadoon ang kasaysayan ng pagkilos at kasaysayan ng relasyon ng dalawa.

PUCHE_SORIANO

Estudyante pa pala si Ka Lara ng BA Journalism sa UP Diliman nang magkakilala sila ni Ka Andy.  Aktibo na sa KM si Ka Lara noon habang fulltime na si Ka Andy sa kilusang lihim sa Maynila. Doon ko lang nalaman na sa Ateneo de Naga pala nag-aral si Ka Andy ng kolehiyo.

Ginawa nilang inspirasyon sa pagkilos ang isa’t-isa mula noong magkasintahan pa lang hanggang ikinasal at hanggang lumaki ang pamilya nila ng magkaroon ng dalawang anak.

Ben: Pagkatapos po ba ikasal ang dalawa, madalas pa kayong magkita ni Ka Lara at Ka Andy?

Grace: Bihira na pero makalipas ang ilang taon, sumampa rin ako sa BHB. Ilang panahon ko rin nakasama uli si Ka Lara, at sa pagkakataong ito ay bilang mag-kolektib.

Masasabi ko at maging ng mga kasama at masa sa Bikol na naging mga haligi sa gawaing propaganda ng rehiyon sila Ka Andy at Ka Lara sa loob ng mahigit isang dekada.

Yung husay sa pagsusulat ni Ka Lara, kasabay ng kasanayan niya bilang Journalism graduate, ginamit niya para isulong ang interes ng sambayanan. Kita yun sa malaki niyang ambag sa Silyab [panrehiyong pahayagan ng Bikol], sa Punla [panrehiyong magasin pangkultura], pati na rin sa mga press statements, iskrip sa video ng rehiyon at iba pa. Mahusay rin mag-PO [political officer] si Ka Lara.

Hindi rin matatawaran ang naiambag ni Ka Andy sa gawaing edukasyon ng organisayon. At bilang si Greg Bañares, mahalaga ang kontribusyon niya sa pagbubuo ng mga pahayag sa media at pagbangga sa counter-propaganda ng kaaway.

Madalas kami magkwentuhan Ka Lara sa kubo ko habang nagka-kape noong magkakolektib pa kami. Malayo man, malapit rin, yan ang madalas marinig ko kay Ka Lara sa tuwing magkahiwalay sila ni Ka Andy ng destino. Para sa bayan naman daw ang pisikal na pahihiwalay nila ng asawa, ang madalas na banggit niya sa akin.

Isang sako naman ang kwento ng mag asawa pagkagaling sa pagdalaw sa mga anak. Saksi ako sa dedikasyon at husay nila Ka Lara at Ka Andy sa paggampan ng gawain sa kilusan habang pinagsisikapang tugunan ang pangangailangan ng mga anak…

At hindi masasayang ang buhay na inalay ni Ka Lara at Ka Andy…

Ilang minuto pa ng kuwentuhan, nagpaalam na rin si Ben kay Grace.

Pagkaalis ng manunulat sa tahanan, muling sinilip ni Grace ang laman ng bakpak sa loob ng kanyang kwarto. Isang panatag na ngiti ang nakapuslit sa mukha niya habang sinisilip ang laman nito. Handa na ang alpaca, duyan, ilang kamisatsino at tafetang pantalon. May unawaan na rin sila ng asawa niya hinggil sa balak niyang pagbabalik sa kilusan. Makalipas ang ilang taon, handa na siyang muling sumanib sa Bagong Hukbong Bayan. At gaya ng kaibigang pinagsilbi ang panulat sa bayan, ipagpapatuloy niya ang pagiging guro sa kilusan, hindi lamang upang magturo ng literasiya, bagkus upang baguhin ang lipunan. “Ilang araw na lang,” ang bulong ni Grace sa sarili.

Napaslang sa isang operasyong militar ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army si Frankie Joe Soriano (Ka Andy) at ang asawa niyang si Christine Puche (Ka Lara), at anim pang kasamahang gerilya noong Hulyo 42013, Huwebes, sa Brgy. Calomayon, Juban, Sorsogon.

Malayo sa burges na oryentasyon sa pag-ibig na makasarili at may tunguhing kontrolin ang isa’t isa, ang pagmamahalang nakaugat sa pag-ibig sa bayan, gaya ng karanasan ni Ka Andy at Ka Lara, ay pag-iibigang nakauunawa, nagpapalaya, humuhugot ng lakas ng loob mula sa isa’t isa; hindi nakatitig lamang sa isa’t-isa bagkus sabay na nakatanaw sa pagpapalaya sa sambayanan.

Magkasama, magkaramay, naninindigan para sa bayan hanggang sa huli si Frankie Joe Soriano at Christine Puche.

 

InterServer Web Hosting and VPS