Akses – marahil ito ang kakambal kapag pinag-uusapan ang kalayaan sa pamamahayag. Gaano nga ba kalawak ang akses ng bawat mamamayan sa pagkalap ng mga impormasyon? Gaano rin ba nasisikil ang kalayaan sa pagsisiwalat ng katotohanan?

Ginuho na ng maraming sistema at patakaran ang kalayaan sa pamamahayag. Maraming polisiya tulad ng red-tagging, fake news, pagpatay sa mga journalist, ang ilan lamang sa tuwirang danas ng midya. At kung magpapatuloy ang ganitong gawi sa kalagayan ng dagat ng bansa, tila lulunurin na tayo ng sariling alon natin.

Sa patuloy na girian sa pagitan ng Tsina sa Pilipinas partikular sa kaso ng West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng pagkapanalo natin sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at paghahain ng mga diplomatic protest dahil sa iligal na pagpapatayo ng mga artificial island, madalas ang pagwa-water cannon, paglalagay ng mga barriers sa barko at pagdadala ng suplay sa mga tropang sundalo ay napakahalaga ng midya sa pagsisiwalat ng ganitong mga kaganapan.

Kung babalikan ang dating pangulong Rodrigo Duterte, giyera ang kanyang tanging solusyon sa isyu sa WPS. Hindi natin layong talunin ang pinakamabagsik na bansa dahil malinaw na malakas ang katunggali at mahina ang ating sarili. Totoong malaking hamon ngayon sa buong mundo ang Chinese expansionism. Hamon sa ating bansa na mapuwing ang Tsina at maisiwalat sa international community ang katotohanan.

Sa patuloy na pagpapakalat ag disinformation ng Tsina para guluhin ang isyu ng WPS ay isang malaking balakid para mapagtagumpayan ang kampanya. Ang propaganda war ay malaking hamon sa bansa na higit na nagpapagulo sa isyu at tuluyang inilalayo ang tao sa reyalidad. 

Dito papasok ang mahalagang papel ng malayang pamamahayag na katuwang ng bansa para isiwalat ang lagay ng dagat. Ang suporta sa lokal na mamamahayag na sumasama sa pagpapatrol ay malaking hakbang para kitilin ang maling agos ng mga gawi at propaganda ng Tsina laban sa bansa.

Ang malayang pamamahayag ay tulad ng malayang dagat. Sa pagpapanatili ng malayang nabigasyon sa tubig, hindi maiaalis na katuwang nito ang midya. Paagusin ang lahat ng midyum ng midya, para dumaloy ang impormasyong mapagpalaya. Sa labanang ito, walang malaking nakapupuwing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here