Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang MATATAG Curriculum sa Pilipinas na layuning bawasan ang mga learning competency sa pagtatatag ng pundasyon ng isang bata.
Binawasan ang mga aralin at pinagsama-sama sa iilang asignatura ang mga itinuturo sa kasalukuyang kurikulum. Ang dating pitong asignatura na Mother Tongue, Filipino, English, Mathematics, Araling Panlipunan, MAPEH, at Edukasyon sa Pagpapakatao sa kurikulum ay naging lima na lang—Language, Reading at Literacy, Mathematics, Makabansa, at Good Manners and Right Conduct (GMRC). Parte ng MATATAG ang pagkakaroon ng asignaturang Makabansa na layuning linangin ang nasyonalismo ng mga estudyante. Sisimulan na ang implementasyon nito sa susunod na pasukan sa Kinder, Grade 1, 4 at 7.
Diumano’y maitatatag nito ang pundasyon ng mga batang mag-aaral ngunit hindi maihuhulma ang kabataan sa tunay na nasyonalismo at pagiging makabansa.
Kakayahan sa mga Learning Competency
Ikatatatag ng mga estudyante ang pagpokus sa mga learning competency sapagkat patitibayin nito ang mga haligi ng kanilang kaalaman, kakayahan, at pagkatao.
Ayon sa World Bank, nakararanas ng krisis sa edukasyon ang Pilipinas bago pa man ang pandemya na nagpatuloy matapos ang pandemya. Sa taong 2023, naitala ang Pilipinas sa nakararanas ng pinakamalalang kaso ng learning poverty sa Silangang Asya at sa Pasipiko.
Siyam sa 10 Pilipino ang hindi marunong magbasa at intindihin ang nabasang materyal sa edad ng 10 anyos. Inuulat din ang 91% learning poverty rate sa 2023, katulad ng 91% mula sa 2022 kahit sa pagbabalik ng face-to-face na klase.
Ilan sa mga dahilan o problema sa sistema ng edukasyon ay ang kakulangan ng mga kwalipikadong guro, siksikang mga silid-aralan, kakulangan ng dekalidad na pagtuturo, at hindi sapat na pagpopondo sa edukasyon. Sa kabila nito, maaaring mas pundamental pa sa ating sistema ng edukasyon ang problemang nararanasan.
Maraming mga learning competency ang inaasahang makamit ng mga estudyante sa isang tiyak na panahon ayon sa iskedyul at istruktura ng klase. Dahil ipinapasok lang ang maraming learning competency sa kurikulum at hindi ito nabibigyang pansin o natututukan, hindi tunay na nabubuo ang kanilang mga abilidad sa pagbasa, pagsulat, at pagbilang.
Makatutulong sa ating sistema ng edukasyon kung mas kaunti ngunit pundamental at nabibigyang pokus ang bawat learning competency, lalo na sa antas elementarya.
Kamalayan at Nasyonalismo
Kinumpirma na ang pagpapalit sa “Diktaduryang Marcos” ng “Diktadura” na bahagi ng 2023 MATATAG Curriculum sa ikaanim na baitang. Sa pagtatanggal ng apelyido ng diktador, pinalalabo at mabubura ang katotohanan mula sa mga aklat at diskusyon sa klase hinggil sa kasaysayan.
Bilang pundasyon ng kasalukuyan ang ating kasaysayan, malaking banta sa ating bansa—lalo na sa kabataan at sa akademya—ang pagbura sa apelyido ng pamilyang Marcos sa diktadurya, ang pamilyang umabuso sa mga Pilipino noong Batas Militar.
Hindi sapat ang MATATAG sa kanilang paglulunsad ng asignaturang Makabansa upang mapahalagahan ang nasyonalismo sa puso ng kabataan. Nararapat na mabuhay ang kamalayan ng kabataan sa kanilang komunidad hanggang sa ating lipunan sapagkat sa pakikialam ng isipan magsisimula ang pag-usbong ng pagmamahal sa bayan.
Kung pipigilan ang pagkamulat ng kabataan sa kasaysayan ng ating bansa—mga kuwento ng nakaraan na hindi nagbago sa ating lipunan—ay hindi magiging matatag ang pundasyon ng mga kabataan sa kanilang pagsalig at pag-asam sa kalayaan, demokrasya, karapatang pantao at hustisya. Hindi mabubuo ang nasyonalismo ng estudyanteng pinipigilan ng sistema na yumabong ang kaniyang kamalayan.
Sa pagbabago ng mga paksa tungkol sa ating kasaysayan, hindi tunay na mabubuo ang pagiging makabansa ng mga estudyante. Marahil, dahil ito sa layunin ng pamahalaan na magtatag ng mga estudyanteng may mababaw na lebel ng pagiging makabayan.
Hindi nila nais ang kabataang may malalim na nasyonalismo sapagkat sila ang pupuna sa paglaban para sa masa at bayan.
Handa ang kabataang malay at mulat sa lipunan na ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino at katarungan sa Pilipinas.
Kulang ang Pagkakatatag
Maaari mang maitirik nang maayos ang mga haligi ng kurikulum ngunit hindi kailanman magiging matatag ang sistema ng edukasyon kung peke at may kasinungalingan ang pundasyon.
Makatutulong sa ating krisis sa edukasyon ang pagbaba ng mga learning competency na sa elementarya para sa paghulma ng mga pundamental na kakayahan.
Gayunpaman, kung ang mga importanteng detalye hinggil sa ating kasaysayan ay tatanggalin, mabuo man ang kanilang abilidad na umintindi at umunawa, magreresulta ito ng kakulangan sa pagsusuri at kritikal na pag-iisip. Hindi magiging sapat ang Makabansa kung ang kurikulum mismo ay may pagtatago sa katotohanan.
Kulang ang ikatatatag ng edukasyon kung ang sistema ay nababaon sa kasinungalingan. Walang magiging MATATAG, hangga’t walang pag-amin sa nakaraan. Ang katatagan ay patuloy na mauupos.